“Rice inflation,” sumirit tungong 23.7% noong Pebrero

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Walang awat ang pagtaas ng presyo ng bigas, ang pinakabatayang pagkain sa Pilipinas, noong Pebrero. Umabot sa 23.7% ang abereyds na “rice inflation” at 26.3% para sa 30% pinakanaghihirap na pamilyang Pilipino. Mas mataas ang implasyon ng bigas sa bahaging ito ng lipunan dahil mas mataas na porsyento ang nailalaan nila sa pagkain dahil sa liit ng kanilang kita. Huling nagkaroon ng mas mataas na rice inflation noong 2009.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 8.87% ang abereyds na bahagi ng bigas sa gastos ng mga pamilyang Pilipino. Pero para sa nakabababang 30% na pinakamahihirap ng pamilya, umaabot ito sa 17.87%.

Sa monitoring ng PSA, tumaas nang 27.1% kada kilo ang presyo ng bigas, o mula sa abereyds na ₱43.99 noong Pebrero 2023, tungong ₱55.93 noong nakaraang buwan. Bago maupo sa pwesto si Ferdinand Marcos Jr noong 2022, nasa ₱38/kilo pa lamang ito. Imbes na bumaba tungong ₱20 tulad ng kanyang ipinangako, tumaas ito nang higit ₱17/kilo.

Bigas ang pangunahing dahilan kung bakit muling tumaas ang tantos ng implasyon mula 2.8% noong Enero tungong 3.4% noong Pebrero, pag-amin ng PSA. Anito, tataas pa ang mga presyosa susunod na limang buwan, habang iniinda ng maraming magsasaka ang epekto ng El Niño.

Binatikos ng mga grupong magsasaka ang patakarang importasyon ng bigas ng estado, na inilulusot bilang “tugon” sa pagtaas ng presyo ng bigas. Noong Enero, umabot na sa 3.6 milyong metriko toneladang bigas ang inangkat ng bansa. Dinagdagan pa ito ni Marcos nang kinontrata niya ang Vietnam sa pagsusuplay ng bigas nang hanggang dalawang milyong metriko tonelada kada taon sa susunod na limang taon.

Ayon sa Bantay Bigas, kahit naging numero unong bansa na ang Pilipinas sa buong mundo sa pag-aangkat ng bigas, hindi bumaba ang presyo o kahit bumagal man lamang ang pagsirit nito. Panawagan nito, itigil ang importasyon ng bigas at ibasura ang Rice Liberalization Law na nagpahintulot sa walang sagkang importasyon nito.

“Nagresulta lamang ang Rice Liberalization Law sa monopolyong kontrol ng malalaking trader, hoarder, importer kartel at mga ismagler sa suplay at distribusyon ng bigas,” anito.

AB: "Rice inflation," sumirit tungong 23.7% noong Pebrero