Ripleng R4, nasamsam ng BHB-Western Samar sa ambus kontra 3rd IB

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nasamsam ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang isang ripleng R4 sa ambus nito laban sa 3rd IB sa Barangay Gayondato, San Jorge, Western Samar, alas-9 ng umaga noong Mayo 14. Isang upisyal ng 3rd IB ang napaslang at isa pa ang nasugatan.

Ayon sa ulat, lumabas sa kampo nito sa Barangay Gayondato ang mga sundalo ng 3rd IB para maligo nang paputukan ng mga Pulang mandirigma. Kasinungalingan ang pinalalabas ng pamunuan ng 3rd IB na nasa lugar ang kanilang tropa dahil sa ulat ng mga residente kaugnay ng presensya ng hukbong bayan sa erya.

Napatay sa opensiba si Cpl. Reycon Remedio at isa pang sundalo ang nasugatan.

Simula pa Enero, nakapakat na ang yunit ng 3rd IB sa Barangay Gayondato at sapilitang nagtayo ng kampo militar sa kabila ng pagtutol ng taumbaryo. Ang barangay ay nakapailalim sa batas militar mula noon.

Ang lahat ng baryo sa San Jorge ay inokupa ng mga elemento ng 3rd IB at sapilitang ipinapataw ang kanilang batas militar. Sa Barangay Matalud, bawat lalabas na tao ay pinakukuha ng “gate pass” at gabi-gabi ay sapilitang pinupulong ang mga residente. Dahil dito, labis ang pagkasuklam ng masang magsasaka sa militarisasyon ng 3rd IB na malaking abala sa kanilang pamumuhay at pagtatrabaho.

Itinatakda ng mga sundalo ang oras ng pagpunta sa bukid. Hindi sila pinahihintulutang magdala ng bigas o sardinas sa kanilang sakahan. Kung magbabaon, dapat lutong kanin at sardinas na wala na sa lata ang kanilang dala-dala. Naoobliga ang masa na umuwi pa sa tanghali para kumain sa halip na ipapahinga niya sa bukid ang nalilibreng oras sa tanghali.

Paliwanag ng hukbong bayan, ang taktikal na opensiba ay tugon nito sa reklamo ng masa na pang-aabuso at panggigipit sa kanila ng mga pasistang sundalo. Bago pa ang ambus, isinagawa rin ng BHB-Western Samar noong Mayo ang operasyong haras laban sa mga kampo ng CAFGU.

Hinaras ng BHB ang kampo ng CAFGU sa Barangay Santo Niño, Motiong at sa Barangay San Fernando, Jiabong. Napatay dito ang isang sundalo at isang elemento ng CAFGU.

AB: Ripleng R4, nasamsam ng BHB-Western Samar sa ambus kontra 3rd IB