Sabwatan ng 80th IB at DepEd-Rizal sa kampanyang Red-tagging sa mga hayskyul, tinuligsa

,
This article is available in English

Kabi-kabilang pagtuligsa ang hinarap ng 80th IB at ng Department of Education (DepEd)-Rizal mula sa mga grupo ng kabataan at mga guro sa kamakailang serye ng kampanyang Red-tagging nito sa ilang mga hayskul sa prubinsya ng Rizal. Pinakahuli dito ang pagpasok ng 80th IB sa Cainta Senior High School at Taytay Senior High School noong Mayo 22 at sa Antonio Esguerra Sinior High School noong Mayo 23.

Ayon sa ulat ng Anakbayan-Rizal, lantarang binansagan ng mga seminar ng militar na mga “terorista” ang mga progresibing organisasyon tulad ng Anakbayan, Kabataan Partylist, at iba pang demokratikong organisasyon ng mga kabataan. Habang inilulunsad ang mga “seminar,” nakapalibot ang armadong mga sundalo sa eskwelahan at mga estudyante.

Sa mga ito, obligadong pinalalahok ang mga estudyante at maging mga magulang nila. Nagulat na lamang umano ang mga estudyante na pawang Red-tagging ang nilaman ng aktibidad dahil sinabi na ito ay “leadership training.” Sa mismong aktibidad, namahagi ng pamplet ang militar kaugnay sa “CTG” rekrutment kung saan malisyosyong iniuugnay ang mga diskusyon, rali at sama-samang aktibidad ng mga kabataan bilang “terorismo.”

Ang programang ito ng militar at DepEd-Rizal ay ipinatutupad sa ilalim ng Community Information Awareness and Approach Program (CIAAP) na isinasgawa sa bisa ng Provincial Resolution No. 3, Series of 2023. Nagbibigay pahintulot ito sa militar na basta-bastang pumasok sa mga eskwelahan sa pagwawasiwas sa kampayang “kontra-terorismo.” Pangunahing target nila ang mga nasa senior highschool.

“Walang ibang hangarin [ang mga ito] kundi linlangin ang mga estudyante at ilayo sa landas ng pagiging kritikal at pagsusulong ng tunay na pagbabago. Ang kanilang panghihimasok na ginagawa ay nagdudulot lamang ng takot, at kapahamakan sa mga estudyante, guro, at magulang,” ayon sa Anakbayan-Rizal.

Dahil sa pagkakasiwalat ng Red-tagging at panghihimasok ng 80th IB sa mga eskwelahan sa Rizal, sunud-sunod na naglabas ng “pahayag ng suporta” ang National Task Force-Elcac, ng bayaran nitong “alyansa ng organisasyong masa” na Sambayanan, at mga yunit ng militar. Pilit nitong ipinagtanggol ang ginawang Red-tagging ng 80th IB.

Batas kontra Red-tagging

Tinuligsa rin ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang ginawa ng 80th IB sa mga eskwelahan sa Rizal. Sa harap nito, iginiit nilang napapanahon na itulak at isabatas ng Kongreso ang pagpaparusa sa mga nang-rered-tag.

“Hinihimok namin ang Kongreso na pabilisin ang mga panukala na nagbabawal sa red-tagging at parusahan ang mga nagsasagawa ng kasuklam-suklam na aktibidad na ito,” ayon kay Rep. Castro.

Ayon naman kay Rep. Manuel, ang ginawa ng militar ay patunay na mismong ang gubyerno ni Marcos ang nangunguna sa kampanyang Red-tagging. “Sayang ang pondo ng bayan na napupunta sa red-tagging at terror-tagging seminars and pamphlets na ito,” ayon pa sa kanya.

Pareho nilang idiniin na dapat ilaan na lamang ng gubyerno ang pondo ng bayan para sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon at pagprotekta sa mga kabataan.

“Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, aaralin natin ang aksyong ligal na pwedeng gawin para maimbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod nito,” dagdag pa ni Rep. Manuel.

AB: Sabwatan ng 80th IB at DepEd-Rizal sa kampanyang Red-tagging sa mga hayskyul, tinuligsa