Balita

Sama-samang pagtatanim kontra kagutuman, inilunsad ng mga manggagawang-bukid sa Negros Occidental

,

Sa harap ng kagutumang dinaranas ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Carolina sa Bago City, Negros Occidental, sama-sama silang nagtanim ng mga puno ng saging at kamoteng-kahoy sa bakanteng lupain sa asyenda noong Hulyo 28. Dumaranas sila ng gutom dahil sa pagkasira ng mga pananim dulot ng tagtuyot noong panahon ng El Niño at kasalukuyang Tiempo Muerto sa mga tubuhan.

Ayon sa mga magbubukid, maliban sa mababang sahod, wala na silang mapagkukunan ng makakain dahil walang trabaho sa asyenda. Kung meron man ay hindi sila pinapatrabaho ng aryendador o limitado ang trabahong binibigay sa kanila.

Napahayag ng suporta sa kolektibong pagkilos ng mga magbubukid ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros. Pinagtitibay nito ang bungkalan bilang karapatan ng mga magbubukid sa lupang matagal na nilang tinatamnan.

“Nararapat lamang na mapabilis ang proseso at agarang ipamahagi ng gubyerno sa mga manggagawang-bukid ang mga bakante at agrikuktural na lupain para sa produksyon at seguridad sa pagkain,” ayon sa KMP-Negros.

Kabilang ang mga manggagawang-bukid ng Hacienda Carolina sa malubhang naapektuhan ng El Niño ngunit sa kabila nito ay walang ibinigay na tulong sa kanila ang lokal na gubyerno. “Hindi rin sila kasama sa ayudang ipinamigay ni Presidente Marcos noong nakaraang buwan,” ayon sa ulat ng KMP-Negros.

Ang tiempo muerto, “patay na panahon,” sa wikang Kastila, ay tumutukoy sa mga buwan sa pagitan ng siklo ng pagtatanim ng tubo. Taun-taong dinaranas ito ng mga magbubukid pero hanggang ngayon ay walang sapat na paghahanda at tulong ang gubyerno para sa kanila.

AB: Sama-samang pagtatanim kontra kagutuman, inilunsad ng mga manggagawang-bukid sa Negros Occidental