Balita

Sen. Villar, binatikos sa pagsabing "walang alam" sa climate change ang mga magsasaka

,

Kinatisgo ng mga grupong magsasaka at mangingisda si Sen. Cynthia Villar sa pahayag niyang “walang alam” ang mga magsasaka at mangingisda tungkol sa climate change. Sinabi niya ito sa pagdinig ng Senado sa badyet ng Department of Agriculture na dapat tugunan ng ahensya ang mga epekto ng climate change dahil “walang alam” kaugnay dito ang mga magsasaka.

Taliwas sa paniniwala ni Villar, matagal nang nagbababala ang mga magsasaka sa mga epekto ng climate change.

“Nasa unahan ng pagharap sa climate change at masasamang epekto nito ang mga magsasaka,” ayon kay Danilo Ramos, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa isang pahayag noong Oktubre 20. “Tigilan na yang pangmamaliit sa amin.”

Kinutya nila si Villar na anila’y may pakana sa mga patakarang nagsadlak sa kanila sa malalim krisis. Pasimuno si Villar sa Rice Liberalization Law na naglugmok sa subsektor ng palay at nagdulot ng ₱206 bilyong pagkalugi sa mga magsasaka.

“Dapat hubaran ka at ng iyong pamilya ng maskara bilang mga parasitiko na nang-aagaw ng lupa mula sa mga magsasaka para gamitin ang mga ito sa di produktibong mga establisimyento at sobrang mamahal na mga subdibisyon,” bwelta ng NNARA Youth. “Hindi namin kinakalimutan na ginamit mo ang iyong pusisyon bilang pinuno ng senate committeee sa agrikultura at pagkain, repormang agraryo, at kapaligiran at likas na rekurso, para isulong ang interes (ng pamilya niyo) sa negosyo.”

Dagdag dito, matagal nang itinutulak ng mga magsasaka ang pananaliksik at pagpapaunlad ng mga binhi at mga teknolohiya sa pagsasaka pero hindi ito pinapansin ng estado, ayon naman sa grupong Masipag.

“Ang mga magsasaka ang pangunahng eksperto sa kanilang mga sakahan,” ayon sa grupo. “Nangunguna, nagsasapraktika at nagpapaunlad sila. Hindi sila mga pasibong tagalahok sa mga proyekto ng mga korporasyon at mga programang kontra-magsasaka ng gubyerno.”

AB: Sen. Villar, binatikos sa pagsabing "walang alam" sa climate change ang mga magsasaka