Sigaw sa Araw ng Kababaihan: Trabaho, dagdag-sahod at mga karapatan
Sa Araw ng Kababaihang Anakpawis noong Marso 8, nagmartsa sa iba’t ibang syudad ang libu-libong kababaihan, kasama ang ibang demokratikong sektor. Panawagan nila ang dagdag-sahod at pagbaba ng mga presyo ng mga bilihin, kasama ang iba pang mga kagyat na usaping panglipunan tulad ng reporma sa lupa.
Sa Metro Manila, nagdaos ng programa ang kababaihan sa paanan ng Mendiola sa Manila City. Nagtalumpati ang mga kababaihang lider mula sa Gabriela, Gabriela Youth, Gabriela Women’s Party at iba’t ibang mga organisasyon. Hinampas nila hanggang mawasak ang isang effigy ni Ferdinand Marcos Jr bilang simbolo ng kanilang galit laban sa inutil at tutang rehimen.
Bago nagtungo sa Mendiola, nagtipon muna sila sa Liwasang Bonifacio. Sa umaga, nagtipon sa harap ng Department of Labor and Employment ang iba’t ibang grupo ng manggagawang kababaihan sa ilalim ng Women Worker’s United para ipanawagan ang dagdag sahod.
“Sa administrasyon ni Marcos Jr, wala na tayong inaasahang pagbabago, at sa katunayan ay lumalala pa ang kalagayan ng kababaihan,” pahayag ni Shaye Ganal ng Gabriela Youth.
Sa Davao City, nagkaroon din ng pagkilos sa Freedom Park ang kababaihan, kabataan at mga unyonista sa pangunguna ng Gabriela-Southern Mindanao Region. Pangako nilang ituluy-tuloy ang paglaban para sa disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod at mga demokratikong karapatan sa gitna ng maraming hamon sa rehiyon.
Sa Bacolod City, nagmartsa tungo sa Fountain of Justice ang kababaihan sa ilalim ng Women Workers United Negros bilang paggunita sa Araw ng Kababaihan. Sigaw nila ang dagdag sahod, pantay na oportunidad para sa trabaho at paggalang sa karapatan para mag-unyon.
Sa Bulacan, sumayaw ang kababaihan ng Calumpit, Bulacan bilang protesta laban sa mga pag-abuso sa kababaihan at mga bata. Isinagawa ang pagsayaw sa Bagbag Bridge, isang makasaysayang tulay kung saan naganap ang ‘Battle of Calumpit’, noong April 25-28, 1899. Bahagi ang armadong paglaban na ito ng mga Pilipino sundalo sa Gerang Pilipino-Amerikano kung saan pinigilan ng mga Pilipino ang pagpasok ng mga sundalong Amerikano sa Pampanga at Malolos.
Nagmartsa ang progresibong kabataan at kababaihan sa Baguio City sa naturang araw. Ipinagdiwang nila ang mga nakamit na tagumpay ng kababaihan sa mahaba nang pakikibaka ng sektor at nangakong ipagpatuloy ang laban ng sektor.
Pinangunahan din ng Gabriela at ibang grupong kababaihan ang mga martsa sa ibayong dagat sa bisperas ng Araw ng Kababaihan noong Marso 7. Kasama ang International Women’s Alliance, nagrali ang mga myembro ng Gabriela-USA, nagmartsa ang kababaihan sa Washington D.C. laban sa imperyalismo, militarismo at pagsasamantala ng World Bank at ng gubyernong Amerikano
Sa Hong Kong, nagprotesta ang kababaihan laban sa nagpapatuloy na labor export policy ng estadong Pilipino. “Imbes na lumikha ng mga disenteng trabaho na may nakabubuhay na sahod bilang solusyon sa tumitinding kahirapan, pinatindi lamang ng pangkating Marcos-Duterte ang paglalako sa kababaihan at kalalakihang Pilipino bilang murang mga kalakal na paggawa sa ibayong dagat,” pahayag ni Shiela Tebia-Bonifacio, pinuno ng Gabriela-Hong Kong.