Simbahang Katolika, tatahimik kaugnay sa sigalot sa WPS para iwas-tensyon

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi na magsasalita ang Simbahang Katolika sa mga insidente sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, at sa kabuuang sigalot dito, kabilang ang tungkol sa arbitral ruling, para iwasang magamit ang pulpito sa pagpapataas ng tensyon sa karagatan.

“Pananahimik kaysa retorika” ang magiging upisyal na paninindigan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa usapin. Sa halip na magkaroon ng paninindigan, maglalabas ang simbahan ng Oratio Imperata para sa kapayapaan na bibigkasin sa lahat ng simbahan mula Hulyo hanggang sa Araw ng Kapayapaan sa Enero 2025.

“Hindi kami mga lider sa pulitika. Kami ay mga lider ispiritwal at moral at alam naming ang aming mga kababayan, ang mamamayan ng bansa, ay nagiging tensyunado na,” pahayag ni Bishop Pablo Virgilio David, presidente ng CBCP, sa press conference na idinaos ng simbahan sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 7. “Ayaw naming paypayan ang tensyon.”

Nabuo ng simbahang Katolika ang paninindigan matapos ang 3-araw na plenaryo ng mga obispong Pilipino sa Transfiguration Abbey sa Malaybalay City. Naging punong panauhin ng plenaryong ito ang ministro sa ugnayang panlabas ng Vatican na si Archbishop Paul Gallagher. Bago ang plenaryo, nakipagpulong si Gallagher sa kalihim ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas.

“Walang may gusto ng gera. Ang mga magulang namin ay bahagi pa ng henerasyon na dumanas ng gera at natroma sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” aniya. Ayaw ng simbahan na danasin ang katulad na karanasan ng kasalukuyang henerasyon.

Naiiba ang paninindigang ito sa nagdaang mga tindig ng ilang obisbong Katoliko na may iba’t ibang tindig—mula sa panawagang resolbahin ang sigalot sa mapayapang paraan at paggalang ng lahat ng sangkot na pwersa sa internasyunal na batas hanggang sa mga panawagang labanan ang “walang-diyos” na China.

AB: Simbahang Katolika, tatahimik kaugnay sa sigalot sa WPS para iwas-tensyon