Soberanya ng mga bansa sa Latin America at Caribbean, iginiit sa CELAC-EU summit

,

Inilunsad noong Hulyo 17 at 18 ang pagtitipon ng mga lider at kinatawan ng mga bansa mula sa Community of Latin American and Caribbean States (CELAC) at European Union (EU) sa Brussels, Belgium para palakasin ang “pagtutulungan” sa pagitan ng dalawang blokeng panrehiyon. Sa pulong, mahigpit na iginiit ng mga gubyernong bumubuo ng CELAC ang soberanya ng kani-kanilang bansa sa kabila ng tangkang pananabotahe, pagmamaniobra at hindi patas na pagtrato ng EU sa blokeng CELAC. Huling inilunsad ang katulad na pagpupulong noong 2015.

Ang pagtitipon ay naging pagkakataon para ilatag ng mga bansa sa CELAC ang kanilang mga paninindigan, pusisyon sa pulitika, ekonomya at iba pang mga usapin.

Boses ng CELAC

Itinatag ang CELAC ni dating Venezuelan President Hugo Chávez noong Disyembre 2011 na may layuning itaguyod ang pagkakaisa at kapayapaan sa rehiyon, pampulitikang pagtutulungan, at sosyo-ekonomikong kaunlaran sa lahat ng mga bansa, habang ginagalang ang pagkakaiba ng mga ito. Umusbong ang bloke mula sa dating Group of Rio noong dekada 1980 na tumutol sa panghihimasok ng US sa Central America.

Binubuo ngayon ang CELAC ng 33 bansa sa Latin America at Caribbean. Nagsiilbing pangkontra ito sa Organization of American States (OAS) na hawak ng US. Nalampasan na ng CELAC ang OAS bilang pangunahing sentro ng integrasyon, pagtatalakayan at kongkretong mga mungkahi sa rehiyon.

Ang CELAC ay kumakatawan sa ikatlong pinakamalaking blokeng pang-ekonomya sa buong mundo. Ang kabuuang produksyon ng mga bansang bumubuo nito ay tinatayang nasa $7 trilyon. Ito ang pinakamalaking prodyuser ng pagkain sa mundo at ikatlong pinakamalaking prodyuser ng kuryente. Nangungunang ekonomya sa rehiyon ang Brazil.

Pagsasantabi ng EU sa CELAC

Matagal nang isinasaisantabi ng EU ang blokeng CELAC dahil marami sa mga bansang ito ay kiling sa paninindigang “anti-US.” Lalong naging maganit ang ugnayan ng dalawang panig dahil sa nagaganap na gera sa Ukraine at ang pagturing ng EU na “awtoritaryan” sa mga “maka-Kaliwang” rehimen sa Latin America. Muli lamang nabuksan ang dayalogo para sa paglulunsad ng summit sa pagitan ng dalawang bloke noong Oktubre 2022.

Gayunman, ilang araw bago isinagawa ang pagpupulong, nagpahayag ng pagkabahala ang mga lider at organisasyon ng Latin America tungkol sa postura ng EU sa Latin America. Noong Hulyo 12, ilang araw bago ang takdang pulong, pinagtibay ng European Parliament ang isang resolusyong kumukundena sa gubyerno ng Cuba sa diumano’y mga paglabag sa karapatang-tao at sinasabi nitong “kabiguan ng sistema ng pang-ekonomya at pamproduksyon” ng bansa. Binalewala nito ang napakaraming ulat ng mga internasyunal na organisasyon sa pinsala ng ekonomikong blokeyo ng US sa Cuba.

Binatikos ni Cuban Foreign Minister Bruno Rodríguez ang ginagawang panghahati ng EU sa CELAC. Aniya, hinahadlangan ng EU ang “direkta at transparent na mga talakayan.” Sinuportahan ng Venezuela ang pahayag ni Rodríguez. Ayon sa kanila, sinusubukang maliitin at pahinain ng EU ang tindig ng mga soberanong estado sa rehiyon. Giit ni Rodríguez, “ang CELAC ay ang solido at nagkakaisang tinig ng Latin America at Caribbean at dapat itong igalang.”

Liban pa dito, naunang lumutang ang balita na iimbitahan ng EU si Ukrainian President Volodymyr Zelensky para magsalita sa pagpupulong nang hindi kinokonsulta sa blokeng CELAC. Sinubukan ding ilusot ng EU ang deklarasyong lantarang kumukundena sa Russia sa gera sa Ukraine at tahasang pagsuporta sa gubyernong Zelensky.

Nagkakaisang deklarasyon

Sa kabila ng mga tangka ng EU, tinutulan ng mga bansang kabilang sa CELAC ang panukala na sisihin ang Russia sa lahat ng pangyayari sa Ukraine. Sa halip, pormal na napagkaisahang suportahan ang “lahat ng diplomatikong pagsisikap na naglalayon ng isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sang-ayon sa UN charter.”

Ang binuong 41-talatang deklarasyon ay salamin ng paggigiit ng CELAC ng soberanya ng mga bansa sa Latin America at Caribbean. Kabilang sa nilaman nito ang sumusunod:

  • muling pagbubukas at ibayong pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng dalawang rehiyon na nakatungtong sa komun na mga pagpapahalaga (values) at interes
  • pagtataguyod ng pagtutulungan at pagkakaisa ng mga mamamayan ng mga bansa anuman ang pagkakaiba ng pampulitikang sistema, antas ng ekonomya at panlipunan kaunlaran
  • pagkilala sa kahalagahang tiyakin ang unibersalidad ng karapatang-tao, at ang pagiging obhetibo at hindi selektibo, at pagpawi sa double-standard at pamumulitika
  • pagkilala sa pagdurusa ng milyun-milyong biktima ng pagkakalakal ng alipin sa Atlantic at pagturing dito bilang krimen laban sa sangkatauhan; pagsasagawa ng mga hakbang alinsunod sa 10-point Plan for Reparatory Justice (bayad pinsala)
  • pagwawakas sa panggigipit (sangsyon) na ipinataw sa Cuba at pagkudena sa muling pagbabansag sa Cuba bilang “estadong sumusuporta” sa terorismo
  • pagpansin sa istorikong pusisyon ng CELAC sa usapin ng soberanya sa Falkland Islands (teritoryong naka-ugnay sa Argentina na inaangkin ng United Kingdom)
  • pagsuporta sa pagpupulong ng mga lider ng EU at Carribean bilang pagtugon sa partikular na pangangailangan ng subrehiyon

Hindi pumirma ang Nicaragua sa deklarasyon dahil hindi nito binigyang pansin ang hindi makatarungang sapilitan at makaisang-panig na mga hakbanging panggigipit sa Venezuela at Nicaragua. Hindi rin isinama ang mungkahi ng bansa na mahigpit na payuhan ang US na huwag magpadala ng mga cluster bomb sa Ukraine. Hindi rin pinagtibay ang hinihingi ng Nicaragua na igiit kay US President Joe Biden na sumunod sa hatol ng International Court of Justice na nagtutulak sa US na bigyang kompensasyon ang Nicaragua sa mga “teroristang aksyon” nito laban sa bansa noong dekada 1990.

Pagkilos at paninidign ng mamamayan

Kasabay ng inilunsad ng pagpupulong ng mga lider ng bansa ng EU at CELAC, isinagawa ng mga orgnisasyon at kilusang panlipunan ang isang People’s Summit sa Brussels noong Hulyo 17 at 18. Dumalo sa pagtitipon ang mga organisasyon mula sa Europe, Latin America at Carribean para ipahayag ang kanilang pagkakaisa para sa patas na ugnayan sa pagitan ng dalawang rehiyon at bloke. Nagsimula noong Hulyo 15 ang serye ng mga aktibidad ng mga grupo.

Layon ng pagtitipon na itaguyod ang alternatibong balangkas ng kaunlaran, mas patas at higit na nakaagapay at sustenableng kooperasyon at integrasyon; gayundin, ang patas na relasyon sa pagitan ng mamamayan at gubyerno ng Latin America at Caribbean sa mamamayan at gubyerno ng European Union. Layunin din nitong itulak ang paggalang sa internasyunal na batas, hindi panghihimasok, soberanya at sariling pagpapasya. pagbabahaginan ng karanasan sa pakikibaka at paglaban; pagpapalakas ng ugnayan ng mga kilusang masa, unyon at iba pa.

Binigyang diin ng mga organisasyon na panahon na para ang dalawang rehiyon ay magbuo ng tuwirang relasyon ng pagtutulungan na hindi pinanghihimasukan ng iba. Ipinanawagan din ito ang pagbubuo ng patas na relasyon na magwawakas sa lahat ng porma ng kolonyalismo, batay sa buong paggalang sa pambansang soberanya at prinsipyo ng sariling pagpapasya ng mga mamamayan.

AB: Soberanya ng mga bansa sa Latin America at Caribbean, iginiit sa CELAC-EU summit