Sobrang barat na sahod, nagtutulak sa mga Pilipino na "mag-sideline"
Mayorya ng mga Pilipinong manggagawa ay napipilitang mag-sideline o kumuha ng pangalawang trabaho upang mapunan ang kakulangan sa kanilang kita. Ayon sa isang sarbey mula Pebrero hanggang Abril, 73% ng mga Pilipino ang naghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang kanilang pinansyal na kalagayan, kadalasang sa pamamagitan ng pagpasok sa mga “sideline” o maliit na negosyo.
Tinawag ang ganitong sitasyon ng mga manggagawa bilang “hustle culture” kung saan ang labis na pagtatrabaho ay nagiging normal at kadalasang nagdudulot ng masamang epekto sa pisikal at mental na kalusugan ng mga manggagawa. Pinalalabas na “kapuri-puri” ang sobra-sobrang pagtatrabaho bilang paraan para maging “matagumpay” o successful.
Sa parehong sarbey ng grupong Kantar, 19% ng mga pamilya ang nagsabing “hirap” sila na umagapay sa kanilang mga pangangailangan dahil sa tanggalan o pagbabawas sa oras ng trabaho na nagpapababa sa kanilang take home pay. Saklaw ng pag-aaral ang 2,000 pamilya.
Ayon kay Jerome Adonis, pinuno ng Kilusang Mayo Uno at kandidato pagkasenador ng Makabayan, ang sitwasyong ito ay patunay na sobrang baba ng sahod na hindi na ito nagkakasya sa mga gastusin ng kanilang pamilya. Itinutulak niya ang pagtaas ng minimum wage sa antas na nakabubuhay, mula sa kasalukuyang ₱645 kada araw sa National Capital Region, patungo sa ₱1,200.
“Kawawa ang mga manggagawa sa kaayusang ito. Hindi na nakapagpapahinga nang tama,” ani Adonis. “Overworked pero kulang pa rin ang kita.”
Si Adonis ay tumatakbo para sa Senado sa plataporma ng pambansang demokrasya at agarang ginhawa para sa mamamayan. Isinusulong niya ang mga karapatan at dagdag sahod para sa mga manggagawa.