Balita

Subic Bay Freeport, talyer ng mga barkong nabal ng US

,

Sa huling pagbisita sa Pilipinas ni Lloyd Austin, kalihim sa depensa ng US, sinadya niya ang Subic Bay Freeport, dating base militar ng US. Hindi pinangalanang “EDCA site” ang dating base, pero isa ito sa mga pasilidad na pinagpupugaran ng mga barko at tropang Amerikano at halos buong buong nagsisilbi sa mga pangangailangang militar ng US.

Partikular na binisita ni Austin noong Hulyo 31 ang pasilidad ng Subic Drydock Corporation (SDC). Pangunahing gawain ng SDC ang pagkukumpuni ng mga barko ng US Navy at Military Sealift Command, alinsunod sa Master Ship Repair Agreement (MSRA) sa pagitan nito at ng militar ng US. Pagmamay-ari ang SDC ng Cabras Marine Corporation (CMC), isang pribadong kumpanyang Amerikano na kontraktor militar na nakabase sa Guam. Nakadikit ang kumpanya sa baseng nabal ng US sa Guam, at nakatuon din sa pagkukumpuni at pagseserbisyo ng mga barkong nabal ng US doon. Noong 2013, ibinigay ng US Navy sa CMC ang isang $77-milyong kontrata para sa mga serbisyo nito.

Ipinagmalaki ng SDC na simula Enero ngayong taon, nakapagkumpuni ito ng 30 barko para sa US Navy. Isa rito ang USNS Millinocket na ipinailalim sa “overhaul” sa Subic mula Enero 29 hanggang Hulyo 31 o sa loob ng 183 araw. Kinumpuni rin nito ang ocean surveillance vessel na USNS Victorious sa loob ng 85 araw at ang USS Manchester sa loob ng pitong araw.

Habang nasa drydock ang mga barko ng US, nakatigil rin ang mga tropa nito sa dating base militar. Kinontrata ng US ang CMC noon pang 2005 para gumawa ng mga barge (isang klase ng barko) para maging tulugan, silid-aralan, kainan, labahan, imbakan at trabahuan ng mga tropang Amerikano (tinatawag na Yard, Repair, Berthing, and Messing o YRBM barges). Walang hurisdiksyon ang Pilipinas sa kanila habang nakatigil sa teritoryong dagat o maging sa kalupaan ng bansa.

Sa loob ng halos isang siglo, nagsilbing isa sa pinakamalaking baseng nabal ng US Pacific Command ang noo’y Subic Bay Naval Base. Gumampan ito ng lunsaran ng mga gerang agresyon na inilunsad ng US sa Vietnam, Korea at maging sa Middle East.

Ipinasara ito ng Pilipinas matapos ibasura ng Senado ang US-Philippines Military Bases Agreement noong Setyembre 16, 1991. Naging kontrobersyal ang dalawang drydock facility nito noong 1992 dahil sa pagtanggi ng US sa hiling ng noo’y presidente na si Corazon Aquino na iwan ang mga pasilidad na ito para magamit ng mga Pilipino. Ibinalik lamang ang mga drydock ng US Navy sa Subic noong 2005, sa pamamagitan ng mga operasyon ng CMC.

AB: Subic Bay Freeport, talyer ng mga barkong nabal ng US