Suporta sa mga magbubukid ng Negros Occidental sa harap ng tiempo muerto, iginiit
Nagtipon at nagprotesta ang mga magbubukid ng Negros Occidental sa harap ng kapitolyo ng prubinsya sa Bacolod City noong Agosto 29 para igiit ang paglalabas ng pondo ng gubyerno para umagapay sa tiempo muerto o patay na panahon, mga buwan sa pagitan ng siklo ng pagtatanim ng tubo. Pinangunahan ang pagkilos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Negros at National Federation of Sugar Workers (NFSW).
Nanawagan sila sa bise gubernador ng prubinsya na si Jeffrey Ferrer, nagsisilbing pinuno ng Sangguniang Panlalawigan, na maglabas ng isang resolusyon na magdedeklara ng tuluy-tuloy na suporta para sa mga manggagawang-bukid na taun-taong dumaranas ng hirap at gutom tuwing tiempo muerto. Nauna nang nagsumite ng sulat ang mga magbubukid sa bise gubernador noong Agosto 20 para sa isang dayalogo.
Ayon sa KMP at NFSW, walang ginagawang sapat at makabuluhang paghahanda ang lokal na gubyerno sa panahon ng tiempo muerto. Taun-taong bigo itong magbigay ng sapat na pondo para tulungan ang mga magbubukid.
Noong Agosto 20, nagsagawa rin ng piket at dayalogo ang mga magbubukid sa Department of Agriculture (DA) Region VI sa Bacolod City. Noon pang Hunyo ay nagsumite na sila ng sulat sa ahensya para igiit ang suportang pangkabuhayan. Bilang tugon, binigyan ng kakarampot na suportang binhi at alagang hayop ang ilang piling mga magbubukid.
Pahayag ng KMP, sawa na ang mga magbubukid sa tinawag nilang “band-aid” na mga solusyon at nanawagan sa lokal na gubyerno at mga ahensya na tugunan ang matagal na nilang panawagan para sa sustenidong suporta sa kanayunan at pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Makatutulong umano ito para sa pagtataguyod ng kanilang kabuhayan na makasusuporta sa kanilang pamilya.