'Surrenderee' sa Negros Occidental, inaresto ng pulis sa paratang na may kaugnayan sa hukbong bayan
Inaresto ng mga pulis ang isang 29-anyos na alyas “Rafael” sa Barangay Caradio-an, Himamaylan City, Negros Occidental sa kasong illegal possession of firearms dahil pinalalabas na nakumpiska sa kanya ang isang improvised 12-gauge shotgun na may dalawang bala. Pinararatangan rin siya ng mga pulis bilang “kumander ng yunit milisya” sa ilalim ng kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command).
Binatikos at itinanggi ni Ka Dionesio Magbuelas ang walang-batayang paratang na ito ng mga pwersa ng estado laban kay Rafael. Aniya, mismong mga residente ng lugar ang makapagpapatunay na isang karaniwang magsasaka ang biktima at malinaw na itinanim lamang ang ebidensyang baril sa kanyang bahay nang arestuhin ito.
Dagdag ng tagapagsalita, si Rafael ay dati nang “pinagsurender” ng mga pwersa ng estado at kabilang sa mga inilista nito sa programang balik-loob. Posible inaresto si Rafael dahil wala na siyang pakinabang sa kanila at hindi nakapagbibigay ng makabuluhang impormasyon at datos paniktik kaugnay ng rebolusyonarong kilusan sa Himamaylan City at karatig na mga bayan, paliwanag pa ni Ka Dionesio.
“Patunay lamang ito kung gaano kainutil ang E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) ng National Task Force-Elcac,” ayon kay Ka Dionesio. Aniya, ginagamit lamang ang naturang korap na programa para pwersahin ang mga sibilyan na sumuko at magsilbing mga ahente ng militar na kahit anong panahon ay pwedeng ilaglag ng mga berdugo.
Sa harap nito, nagbabala si Ka Dionesio sa lahat ng mga ahente ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi malabong matutulad sa kalagayan ni Rafael. Ayon pa sa kanya, desperadong taktika ito ng militar para ipinta ang larawan na patuloy silang nagtatagumpay laban sa rebolusyonaryong kilusan. Muling tinarget ng rehimeng Marcos na wawakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2024.