Balita

Suspensyon sa 139 kawani ng NFA, hindi makatarungan—unyon

, ,

Ilang linggo matapos ang suspensyon sa 139 kawani at empleyado ng National Food Authority (NFA), binatikos ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang Office of the Ombudsman sa anito’y “hindi makatarungan at walang batayan” na desisyon ng suspensyon. Ang mga kawani ay ipinailalim sa anim na buwang suspensyon kasunod ng alegasyon ng pagkakasangkot nila sa maanomalyang bentahan ng imbak na bigas ng NFA.

Ayon sa Courage, napag-alaman ng kanilang upisina ang maanomalyang mga suspensyon. Isa sa mga pinatawan nito ay patay na, habang dalawa ang retirado, isa ang naka-study leave, at marami ay maling pinangalanan. Nangangahulugan ito na hindi nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang Ombudsman at hindi makatarungan ang arbitraryong mga suspensyon.

“Inilaan ng mga karaniwang empleyado at upisyal ng NFA ang kanilang panahon sa…pagpapatupad sa mandato ng ahensya. Subalit, mali silang inakusahan, na labag sa kanilang pundamental na mga karapatan habang nagpapatupad lamang sila ng mga “ministerial duty,” ayon kay Manuel Baclagon, pangkalahatang kalihim ng Courage.

Giit ng grupo na kaagad na bawiin ng Ombudsman ang suspensyon sa mga kawani dahil naparalisa nito ang ahensya. Nawalang trabaho at sweldo ang mga empleyado dulot ng suspensyong di dumaan sa maayos na proseso. Noong Marso 15, binaglitad na ng Ombudsman ang suspensyon sa 23 empleyado.

“Naniniwala kami na lahat ng 139 empleyado at upisyal ay dapat nang pabalikin sa kani-kanilang mga upisina,” ayon kay Baclagon. Naghain na rin ang nalalabi pang suspendidong mga kawani ng NFA ng 26-pahinang motion for reconsideration sa upisina ng Ombudsman.

Sa harap nito, ipinabatid ni Baclagon ang suporta ng Courage sa paglulunsad ng “masusing imbestigasyon sa sinasabing korapsyon na nangyayari sa loob ng ahensya.”

Liban dito, binanggit din ng Courage na malaki ang pananagutan ng Rice Liberalization Law’s (RLL) na isinabatas ng rehimeng Duterte sa malawakang tanggalan at inhustisyang naranasan ng mga kawani ng NFA sa nagdaang mga taon.

“Nagdulot ang implementasyon ng RLL ng serye ng maramihang tanggalan sa mga kontraktwal na kawani ng gubyerno,” pahayag ni Santiago Dasmariñas Jr, pambansang pangulo ng Courage. Ipinanawagan niya ang pagbasura sa naturang batas at pagbibigay hustisya sa mga tinanggal na kawani.

AB: Suspensyon sa 139 kawani ng NFA, hindi makatarungan—unyon