Tagapagsalita ng Bayan sa Maynila, ginigipit at minamanmanan ng estado
Kinumpronta ni Enrique Lozada Jr. (Teng), tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila, noong Agosto 19 ang ahente sa paniktik ng Philippine National Police (PNP) na ilang araw nang nagmamanman at nagpapabalik-balik sa kanilang komunidad sa Barangay 105, Tondo, Manila. Hinarap ni Lozada ang ahente sa barangay para ireklamo ang paniniktik nito. Liban sa kanya, hinahanap din ng mga ito ang ama niyang si Enrique Lozada.
Ayon kay Lozada, ginigipit siya ng naturang ahente para kumbinsihing “sumuko at mabalik-loob” sa gubyerno. Simula pa Agosto 16 ay napansin na niya ang pagbabalik-balik nito para kunan ng litrato ang bahay na kanyang tinitirhan. Napag-alaman ni Lozada na inatasan ng ahente ang isang kagawad ng barangay para gawin ito pero tinanggihan nito ang atas.
Sa kumprontasyon sa barangay, natulak ni Lozada at kanyang paralegal ang ahente na magpakilala ng kanyang tunay na pangalan. Tahasan siyang inalok ng ahente ng pulis na pumaloob sa programang “balik-loob” ng gubyerno at “sumuko.” Idiniin ni Lozada na hindi niya ito tatanggapin dahil wala naman siyang krimen o maling ginagawa.
Sinubukan pang lansihin si Lozada na tumanggap ng mga ayuda, serbisyong pangkabuhayan at pabahay mula sa gubyerno. Tinaggihan ito ng lider ng Bayan-Manila dahil batid niyang bahagi ito ng modus na “community support program” ng gubyerno na kalaunan ay ipapaskil na lamang sa social media bilang “sumuko” o “nagbalik-loob” na rebelde ang tumanggap.
Ang mag-amang Lozada ay dumanas na ng katulad na panggigipit at pagmamanman noong Marso 2023 mula sa mga sundalo ng 11th at 12th Civil Military Operations Battalion na nagkakampo sa gitna ng mga maralitang komunidad sa Maynila, kabilang ang Tondo. Kabilang din ang mukha at pangalan ng nakababatang Lozada sa mga poster na ipinakalat noong Abril ng mga pwersa ng estado na iniuugnay sa Bagong Hukbong Bayan.
Naniniwala si Lozada na umiigting ang panggigipit at pagmamanman sa kanya dahil sa lumalakas na paglaban ng mga residenteng inoorganisa nila sa Samahan ng Magkakapitbahay sa Temporary Housing (SMTH) kung saan nagsisilbi rin siyang upisyal.