Tanggalan sa sektor ng teknolohiya, nagpapatuloy sa gitna ng pagsirit ng tubo ng mga kumpanya
Tuluy-tuloy ang tanggalan ng mga manggagawa sa industriya ng teknolohiya sa buong mundo nitong taon. Sa unang apat na linggo pa lamang ng 2024, umabot na sa 24,584 manggagawa mula sa 93 kumpanya ang nawalan ng trabaho. Karugtong ito sa paglusaw ng mga kumpanya sa teknolohiya ng 260,000 trabaho noong 2023.
Ayon sa mga pagsusuri, ang pangunahing dahilan ng malawakang tanggalan ay ang paggamit ng mga kumpanya ng artificial intelligence (AI) sa iba’t ibang bahagi at antas ng kani-kanilang mga operasyon.
Noong nagdaang taon, kabilang sa mga nagsisante ang malalaking kumpanyang Amerikano tulad ng Alphabet/Google (12,000+), Microsoft (16,000+), Meta/Facebook (10,000+), Amazon (27,000+) at Tiktok, gayundin ang iba pa tulad ng Discord, Accenture (19,000), Vodafone (11,000) at marami pang iba. Nito lamang nagdaang buwan, hindi bababa sa 100 kumpanya ang nag-anunsyo ng mga tanggalan ng kanilang mga manggagawa.
Naganap rin ang malawakang tanggalan ng mga manggagawang sa teknolohiya sa Pilipinas. Ayon sa pinakahuling ulat ng Job Displacement Report ng Department of Labor and Employment, umabot sa 3,089 ang permanenteng nawalan ng trabaho sa sektor ng teknolohiya noong Enero 2023. Mas mataas ito nang 87% kumpara sa nawalan ng trabaho sa sektor noong Enero 2022. Sa kabila nito, buong pagsisinungaling pa rin na ipinalalaganap ng reaksyunaryong estado ang kunwa’y 200,000 “kakulangan” ng mga manggagawang sa teknolohiya sa bansa.
Ang mga tanggalan ay naganap na harap ng nagtataasang kita ng nabanggit na mga kumpanya. Tumaas ang kita ng Microsoft nang 18% noong huling kwarto ng taon, dulot pangunahin ng pag-arangkada ng serbisyong AI nito mula sa pamumuhunan nito sa kumpanyang OpenAI, ang gumawa ng ChatGPT. Ang paglobo ng benta nito ay lalupang nagpasirit sa presyo ng sapi nito sa stockmarket. Sa ngayon, 70% na mas mataas ang halaga ng sapi nito kumpara sa nakaraang taon. Inilagay sa $3 trilyon ang presyo ng kumpanya sa merkado.
Gayundin, tumabo ang Alphabet/Google nang $20.7 bilyong kita, pangunahin mula sa mga patalastas sa Youtube at kita sa cloud computing (pang serbisyong elektroniko sa internet). Nasa proseso ang kumpanya sa paglalabas ng sarili nitong AI model na kahalintulad sa ChatGPT. Sa ngayon, papalaki na ang paggamit sa AI sa mga produkto nito tulad ng Gmail at ang Google Searches.