Teroristang aerial bombing ng PAF sa Cagayan, perwisyo sa mamamayan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muli na namang nagsagawa ng walang pakundangang pambobomba ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force (PAF) sa mga barangay ng Peñablanca, Cagayan noong Mayo 10 ng alas-2 ng madaling araw. Bumagsak ang umabot sa 10 bomba mula sa mga jet fighter nito sa Sityo Ebi, Lapi at kalapit na mga barangay ng Manga, Buyun, Nabbababalayan, at Minanga. Narinig ang nakagigimbal na mga pagsabog, istraping at paglipad ng jetfighter hanggang sa mga bayan ng Baggao, Enrile, Amulung at sa Tuguegarao City.

Sa impormasyong nakalap ng National Democratic Front (NDF)-Cagayan, nagising ang mga residente dahil sa napakaingay na tunog mula sa sobrang baba na paglipad ng mga eroplano, at nakita ang pagliyab ng apoy kasabay ng pagbagsak ng mga bomba na akala nila’y malakas na kulog. Kwento pa ng mga residente, nayanig ang lupa sa lakas ng mga pagsabog.

Matinding takot at troma ang idinulot sa mga taumbaryo, laluna sa mga bata at matatanda, ng teroristang pambobomba. Reklamo pa nila, hindi man lang nag-abiso ang militar sa gagawing pambobomba sa himpapawid sa tabing ng “kontra-insurhensiyang operasyon.” Hindi bababa sa 690 pamilya ang napilitang lumikas dahil sa teroristang pag-atake ng militar sa mga komunidad.

Ayon pa kay Ka Celia Corpuz, tagapagsalita ng NDF-Cagayan, dobleng perwisyo ang dulot ng pambobomba sa mamamayan ng Cagayan dahil isinagawa ito sa kasagsagan ng pananalasa ng El Niño na iniinda ng mga magsasaka.

Samantala, sinagot ni Ka Bienvenido Magalat, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan, ang pagbibintang ni 5th ID Spokesperson Maj. Rigor Pamittan na ang hukbong bayan ang salarin sa malalakas na pagsabog. Pagsisinungaling ni Maj. Pamittan, “mga improvised explosive device (IED) ng NPA ang pagsabog na narinig ng mga residente.”

Paraan umano ito ng 5th ID para pagtakpan ang teroristang pambobomba na umani ng galit at pagkamuhi mula sa taumbayan. “Ikinakahiya ng 5th ID ang katotohanang kakambal ng kanilang superyoridad sa mga kagamitang militar na ginagamit upang maghasik ng takot at teror ay ang kawalan ng pampulitikang lakas at suporta nito ng mamamayan,” paliwanag pa ni Ka Bienvenido.

Kinundena ng NDF at BHB sa Cagayan ang walang pakundangang pambobomba ng PAF at 5th ID sa prubinsya. Anila, dagdag ito sa patung-patong na kaso ng paglabag sa internasyunal na makataong batas. Labag ang pambobomba mula sa himpapawid sa mga panuntunan sa digma dahil hindi nito pinag-iiba ang mga sibilyan sa mga kombatant.

“Hinihimok ng buong rebolusyonaryong pwersa sa Cagayan ang mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, taong-simbahan, makakalikasan, midya at iba pang mga indibidwal at organisasyon na maglunsad ng imbestigasyon at fact-finding mission sa mga lugar na apektado,” panawagan naman ni Ka Celia.

AB: Teroristang aerial bombing ng PAF sa Cagayan, perwisyo sa mamamayan