Tigil-pasada ng mga jeep, umani ng suporta, nagkamit ng panimulang tagumpay

,

Kabi-kabilang suporta ng mga grupo at indibidwal ang ipinabatid sa planong tigil-pasada ng mga tsuper at opereytor ng dyip at mga pampublikong sasakyan sa darating na Marso 6 hanggang Marso 12. Ang tigil-pasada ay tugon ng mga grupo sa transport sa anti-mahirap na programa ng gubyernong Marcos na “modernisasyon” na sa totoo’y phaseout o pag-aalis ng mga jeep sa kalsada.

Sa harap ng lumalaking suporta sa kilos-protesta, inianunsyo ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na iuusod nito ang deadline para sa pagpapatupad Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program. Ang orihinal na plano ng LTFRB ay simula Hunyo 30, sapilitan nang tatanggalin sa mga kalsada ang mga tradisyunal at lumang dyip at UV Express.

Itinuring ito ng grupong ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide na “isang maliit na tagumpay, pero hindi ito sapat. Ang laban kontra sa PUV phaseout at para sa maka-mamamayang programa sa modernisasyon ay patuloy naming ipaglalaban.” Bago nito, napahayag ng pakikiisa ang Piston sa planong aksyong protesta.

Ang tigil-pasada ay pangungunahan ng grupo sa transportasyon na Manibela. Nais nilang ipasusinde ang programa ng LTFRB dahil tatanggalan nito ng kabuhayan ang libu-libong mga maliliit na drayber at opereytor. Pahayag ni Mar Valbuena, pambansang pangulo ng Manibela, inaasahan nilang 40,000 dyip at sasakayang UV Express ang lalahok sa tigil-pasada sa Metro Manila pa lamang.

Dagdag pa niya, kikilos din ang mga tsuper at opereytor sa Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Bacolod, Davao, Cagayan de Oro at Bicol. Ayon pa sa grupo, ang nakatakdang pagkilos ang unang malaking protesta ng sektor mula nang pinahintulutan ang jeep na muling mag-opereyt mula nang ipinatigil noong kasagsagan ng pandemya.

Ayon kay Mody Floranda, pambansang pangulo ng Piston, “Ipinakikita lamang nito na handang makipaglaban ang iba’t ibang samahan para pigilan ang sapilitang franchise consolidation at PUV phaseout na patuloy na itinutulak ng gubyerno. Handang protektahan ng mga tsuper at maliliit na operator ang kanilang kabuhayan dahil buhay ng pamilya nila ang nakasalalay rito lalo sa panahon ngayon ng matinding krisis sa ekonomya.”

Binatikos din ng Piston ang plano ng gubyerno na sapilitang konsolidahin ang maliliit at indibidwal na prangkisa ng mga opereytor. Anila, “ang pamimilit na ipaloob sa kooperatiba at korporasyon ang indibidwal na mga prangkisa ay “mali, mapanlinlang at pamimilit.” Giit ng grupo na ang tanging makikinabang dito ay ang malalaking korporasyon na silang tanging may kakayahan na bumili ng mga “modernong” dyip dahil sa mahal nito. Umaabot ang kada yunit nito sa ₱2.4 milyon hanggang ₱2.8 milyon kumpara sa ₱200,000 hanggang ₱600,000 kada yunit ng tradisyunal na dyip.

“Kapag nag-consolidate ka ng prangkisa sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon, sinusurender mo yung karapatan mo sa indibidwal mong prangkisa. Sa oras na di ka makabayad sa napakamahal na halaga ng modernization, wala ka nang babalikan dahil pinilit kang isuko ang prangkisa mo,” paliwanag ni Floranda.

Giit ng Piston, napakamahal at walang kakayahang bumili ng mga “modernong” jeepney ang mga maliliit na drayber at opereytor. Dapat na lang umanong pahintulutan ang rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga tradisyunal na dyip imbes na tanggalin ang mga ito sa kalsada at pahintulutan ang indibidwal na prangkisa.

“Bakit ba kating-kati ang gubyerno ni Marcos Jr na mag-import nang mag-import para palitan ang mga lokal nating jeepney at paglaruan ang buhay ng maralitang Pilipino? Sino ba talaga ang gusto nilang paunlarin? Malinaw na hindi ang mga Pilipino,” giit ni Floranda.

Nagpahayag din ng pagsuporta ang mga kabataan sa pangunguna ng grupong Anakbayan. Hamon nito sa mga kabataan: “Tutulan ang anti-mahirap at pahirap na jeepney phaseout, makiisa sa tigil-pasada, at mga tsuper!”

AB: Tigil-pasada ng mga jeep, umani ng suporta, nagkamit ng panimulang tagumpay