Tigil-pasada, protesta at kampuhan kontra jeepney phaseout, hindi natinag ng panunupil ng rehimen

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa harap ng walang-tigil na panunupil at pananakot ng mga ahensya at pwersa ng estado ng rehimeng Marcos, nailunsad ng mga drayber at opereytor ng dyip ang 3-araw na tigil-pasada at iba’t ibang porma ng sama-samang pagkilos mula Abril 29 hanggang Mayo 1 para pigilan ang tuluyang pag-“phaseout” sa mga dyip simula ngayong Mayo. Inilunsad ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at No to PUV Phasoeut Coalition, at mga balangay nila sa buong bansa ang mga aktibidad.

Sa pagsisimula ng tigil-pasada, Abril 29, itinayo ng mga samahan ng mga drayber at opereytor, kasama ang kabataan at kanilang mga tagasuporta, ang mga sentro ng welga sa mga susing lugar sa Metro Manila at Southern Tagalog.

Sa unang araw pa lamang ng pagkilos, tinatayang 8,000 pulis na mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ginamit para harangan ang mga ruta ng mga dyip at palibutan ang mga sentro ng protesta. Kabilang dito ang panghaharang ng mga pulis sa UP Diliman at naging lantarang pagpasok ng mga pwersa ng estado sa loob ng kampus.

Noong Abril 29, kasabay na nagsumite ang Piston at kanilang mga abugado ng karagdagang petisyon sa Korte Suprema para maglabas ng temporary restraining order laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Partikular nilang ipinahihinto ang bagong labas na atas ng Department of Transportation noong Disyembre 2023 na nagdagdag ng kumplikasyon sa naunang mga guideline o alituntunin sa implementasyon ng programa.

Naghain ng karagdagang petisyon ang Piston sa Korte Suprema para ipahinto ang implementasyon ng PUVMP. | Abril 29, 2024
Naghain ng karagdagang petisyon ang Piston sa Korte Suprema para ipahinto ang implementasyon ng PUVMP. | Abril 29, 2024 (Photo from May Day Multimedia Facebook page)

Ayon kay Ruben Baylon, Deputy Secretary-General ng Piston, sa araw na iyon, dapat maunawaan ng Korte Suprema na mahalaga ang pag-iisyu ng TRO sa lalong madaling panahon, lalo pa’t bukas na ang tinakda ng LTFRB na deadline ng consolidation. “Kapag nakansela na ang mga prangkisa at rehistro ng mga jeep, malubhang pinsala na ‘yon sa libo-libong tsuper at operator at sa milyon-milyong komyuter,” aniya.

Pagkahapon ng Abril 29, itinayo nila sa Liwasang Bonifacio ang sentrong kampuhan na tumagal hanggang Mayo 1, bago lumahok sa mga protesta sa Pandaigdigang Araw sa Paggawa. Lumahok sa kampuhan ang kabataan na sama-samang naglunsad ng mga pag-aaral, talakayan at programa ng pakikiisa sa mga drayber at opereytor. Nagkaroon din ng misang bayan noong Abril 30.

“Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), sa halip na sumuporta sa mga impormal na manggagawa sa pampublikong transportasyon, ay lalong nagpapabigat sa kanilang kundisyon. Binibigyang prayoridad nito ang tubo at kita ng mga gahaman na lalong naglalagay sa kinabukasan ng mga tsuper at opereytor sa alanganin,” pahayag ng Piston.

Ikinasa rin ang tigil-pasada at mga pagkilos sa Baguio City, sa Calamba, Sta. Rosa, at Cabuyao sa Laguna, sa Rizal, Legazpi City, Cebu City, Bacolod City, Iloilo City at Davao City.

Banta ng LTFRB

Nagbanta na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na iaatas nito ang paghuli sa tinaguriang “kolorum” na mga dyip o ang mga hindi pumaloob sa sapilitang konsolidasyon simula sa ikatlong linggo ng Mayo. Pakitang-loob pa itong nagbigay ng karagdagang 15 araw na palugit para sa mga drayber at opereytor mula sa dedlayn ng sapilitang konsolidasyon noong Abril 30.

Ayon sa datos ng LTFRB, naabot nito ang 81% ng konsolidasyon ng mga prangkisa sa buong bansa o katumbas na 160,000 na yunit. Anito, 10,000 lamang na mga dyip sa buong bansa ang naitala nitong hindi nagpakonsolida o kolorum.

Itinutulak na ngayon ng ahensya ang pagsasaayos ng mga ruta bilang susunod na hakbang ng bogus na PUVMP ng gubyerno.

Samantala, huling minutong naglabas ng pahayag ng pagtutol ang Leaders Forum, kinabibilangan ng Employers Confederation of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Philippine Exporters Confederation, Inc. at mga grupo sa paggawa na Sentro, TUCP at FFW. Ayon sa kanila, “lubhang makaaapekto sa kabuhayan ng napakaraming mga opereytor at drayber ng dyip at kanilang mga pamilya ang PUVMP.” Giit nilang muling pag-aralan ang PUVMP at isuspinde ang dedlayn ng pagpapatupad ng konsolidasyon.

AB: Tigil-pasada, protesta at kampuhan kontra jeepney phaseout, hindi natinag ng panunupil ng rehimen