Tinanggal na mga manggagawa sa Nexperia, maibabalik na
Matapos ang tuluy-tuloy na paglaban at paggiit ng Nexperia Phils. Inc. Workers Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) sa kapitalista ng Nexperia Philippines, naitulak nitong ibalik ang tinanggal na mga manggagawa at magkaroon ng katiyakan sa trabaho. Ayon sa unyon noong Setyembre 25, nagkaroon na ng kasunduan sa pagitan nila at ng maneydsment.
“Makakabalik na ang mga tinanggal, at sila ang uunahin sa hiring kapag nagkaroon ng bakante o tumaas ang bolyum,” pahayag ng NPIWU. Nakamtan rin nila ang pagpapalawig sa Voluntary Separation Package at ang kasamang mga karampatang benepisyo nito bago ang Oktubre 7.
Dagdag pa ng unyon, natulak nilang mangako ang maneydsment na wala nang magaganap na tanggalan hanggang katapusan ng taon at magtutuluy-tuloy na ang negosasyon para sa panibagong collective bargaining agreement (CBA). Nagkasundo rin ang dalawang panig na walang gagawing hakbang para sa paghihiganti sa isa’t isa.
Napagkasunduan rin na iaatras na ng unyon ang Notice of Strike (NOS) kaugnay ng hindi patas na trato sa paggawa (unfair labor practices o ULP) at tanggalan. Matatandaan na naghain ang unyon ng NOS noong Hunyo 26 matapos paburan ito ng 1,248 manggagawa kasapi ng unyon sa botohan noong Hulyo 29-30 sa Cabuyao, Laguna.
Nagdesisyon silang magwelga dahil sa hindi makatarungang mga kundisyon sa paggawa tulad ng pagtatanggal sa mga upisyal ng unyon, pansamantalang pagtanggal sa mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga prubisyon na nakasaad at napagkasunduan sa CBA. Halos 600 na ang mga manggagawang apektado ng naging serye ng mga tanggalan sa kumpanya mula noong 2023.
Sa harap nito, ipinabatid ng unyon sa mga kasapi at sa lahat ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines na mahalaga ang patuloy na pagbabantay upang masiguro na ang mga kasunduan ay igagalang at ipapatupad ng maneydsment.
“Ang mga paghahanda at laban na ginawa ay nagbigay-daan sa kinakaharap na CBA negotiation, kaya’t dapat tayong manatiling determinado upang makamit ang buong tagumpay,” dagdag pa ng NPIWU-NAFLU-KMU. Mahalaga umano na pag-ibayuhin ang pagkilos para sa konsolidasyon ng kanilang hanay para handang salagin ang anumang aksyon ng kapitalista.
Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US.