Tuluy-tuloy na protesta kontra masaker sa kabuhayan ng tsuper at opereytor, ikakasa
Magtutuluy-tuloy ang protesta at sama-samang pagkilos ng mga tsuper at opereytor ng dyip kontra sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at pagpapatupad ng huwad na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa pagbubukas ng taong 2024. Ito ang kanilang tugon sa pagkikibit-balikat ni Ferdinand Marcos Jr sa hinaing ng mga tsuper at opereytor. Ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), patunay ang kawalang-aksyon na “palpak, pahirap, at tuta” ang kanyang rehimen.
Noong huling kwarto ng 2023, ipinamalas ng Piston at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang kanilang pagtutol sa PUVMP sa sunud-sunod na tigil-pasada at malawakang protesta sa bansa, pangunahin sa Metro Manila. Tinatayang humigit-kumulang 4,000 ang lumahok sa protesta ng dalawang grupo sa Mendiola sa Maynila noong Disyembre 29.
Naniniwala ang Piston na tanging sa kanilang papalakas na pwersa at tuluy-tuloy na sama-samang pagkilos ngayong 2024 malalabanan ang pakanang PUVMP ng rehimen na magdudulot ng “transport disaster.”
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na pumapasada ang mga tsuper at opereytor sa kabila ng kanselasyon ng kani-kanilang prangkisa dulot ng sapilitang konsolidasyon. Giit ng Piston, ang pagpasada nila sa kabila ng kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay pagpapakita ito ngayon ng protesta at pagtatanggol sa kabuhayan ng mga tsuper at opereytor.
“Huwag natin hayaang pwersahan tayong tanggalan ng kabuhayan,” ayon sa Piston. Bukod umano sa tatanggalan ng kabuhayan ang libu-libong manggagawa sa transportasyon, pagkakakitaan lamang ng mga dayuhan at malalaking negosyo ang kanilang mga prangkisa at ruta na lalong magreresulta sa mataas na pamasahe at pagkabawas ng kakarampot na ngang kita ng Pilipinong komyuter.
Tinatayang nasa 30,862 ng mga yunit ng dyip at 4,852 yunit ng UV Express ang pinagbabawalang makapasada sa National Capital Region (NCR) dahil hindi nagkonsolida ng mga prangkisa. Nawalan ng kabuhayan ang halos 64,000 na mga tsuper at 25,000 na mga opereytor sa NCR dulot nito.
Sa buong bansa, nasa 64,639 yunit ng PUV ang hindi nagkonsolida at nawalan ng trabaho ang may 140,000 tsuper at 60,000 opereytor. Apektado nito ang 28.5 milyong pasahero.
Samantala, inatasan noong Disyembre 28 ng Korte Suprema ang Department of Transportation (DOTr) at ang LTFRB na magkomento sa petisyong inihain ng Piston kontra sa pagpapatupad ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at PUVMP. Binigyan ang dalawang ahensya nang hanggang 10 araw para magkomento.