Unang araw ng LTFRB 'crackdown' laban sa mga tsuper at opereytor, tinapatan ng rali

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang ilandaang tsuper at opereytor ng dyip ngayong araw sa harap ng pambansang upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City para kundenahin ang “crackdown” o panghuhuli nito sa mga hindi pumailalim sa sapilitang konsolidasyon ng mga prangkisa. Sinimulan ng ahensya ngayong araw ang panghuhuli kaugnay ng pagpapatupad nito ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Giit ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela), dapat payagan ng LTFRB ang mga drayber at opereytor na makapamasada kahit hindi sila nagkonsolida dahil batayang karapatan nila ito. Panawagan nilang ibalik ang 5-taong indibidwal na prangkisa at ibasura ang kontra-mahirap na PUVMP.

Pinagtibay din ng mga tsuper at opereytor sa naturang programa ang kanilang kaisahan na magtutuloy-tuloy ang pamamasada ng mga hindi nagkonsolida ng prangkisa. Ayon sa kanila, hawak pa nila ang kanilang mga prangkisa, at hindi LTFRB ang may awtoridad na bawiin ito.

Nagbanta ang LTFRB na ituturing nitong iligal at kolorum ang pagpasada ng mga dyip na hindi nagkonsolida. Papatawan ang sinumang mahuhuli ng isang taong suspensyon, pagmumultahin ng ₱50,000 at mahaharap sa 30-araw na pagkakakulong.

Noong Abril 30 pa ang dedlayn na ipinataw ng LTFRB sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa na itinuturing ng mga maliliit na tsuper at opereytor na pagmasaker sa kanilang kabuhayan. Nagpakitang-tao pa ito sa pagbibigay ng 15-araw (Mayo 1 hanggang Mayo 15) na karagdagang palugit bago manghuli ng mga hindi nagkonsolida. Sa katunayan, pagpasok ng Mayo ay nanghuli na ang mga ahensya ng gubyerno ng mga hindi pumaloob sa konsolidasyon.

Samantala, binuo naman ngayong araw ng Tanggol Pasada Network ang kampanyang Tanggol Pasada Patroller o mga grupong magbabantay sa mga pag-aresto at pagdakip sa mga hindi nagkonsolidang tsuper at opereytor na babyahe pa rin. Layunin ng kampanya na isiwalat ang mapanupil at anti-mahirap na pagnakaw sa kabuhayan ng sektor.

Nagprotesta rin ang Piston at Manibela sa Korte Suprema noong Mayo 14 para itulak ang korte na maglabas na ng tugon sa kanilang petisyon para ipahinto ang sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at implementasyon ng PUVMP.

AB: Unang araw ng LTFRB 'crackdown' laban sa mga tsuper at opereytor, tinapatan ng rali