Utang, bagong mga buwis at reklamasyon sa Manila Bay, itinutulak para tustusan ang badyet ni Marcos para sa 2025

,

Naghain na ng panukalang badyet ang rehimeng Marcos para sa taong 2025 ngayong ayaw, Hulyo 29. Isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang panukalang ₱6.352 trilyong badyet, na mas mataas nang 10.1% sa badyet ngayong 2024. Bagamat di pa naisasapubliko ang mga detalye nito, palaisipan na kung saan kukunin ang pondo para rito.

Sa datos mismo ng estado, lampas-lampas sa inaasahang malilikom na buwis ang itinakdang badyet. Aabot lamang sa ₱4.64 trilyon ang malilikom na rebenyu ng estado sa susunod na taon, habang nasa ₱6.182 trilyon ang inaasahang gastusin nito. Sa gayon, nasa ₱1.537 trilyon ang projected na depisit sa badyet.

Tulad sa nakaraan, mangangahulugan ito ng mas malalaki pang pangungutang ng estado. Nasa ₱15.35 trilyon na ang utang ng gubyerno ng Pilipinas noong katapusan ng Mayo—katumbas sa 60.2% ng GDP.

Gayundin, mangangahulugan ito ng patuloy na pagpataw ng patung-patong na mga buwis na sobrang pabigat sa mamamayan. Kabilang dito ang mga excise tax na ipinataw sa mga produktong petrolyo at value-added tax sa pinakabatayang mga produktong pagkain.

Bagamat bukambibig ng kalihim ng Department of Finance na hindi magpapataw ng bagong mga buwis ang rehimeng Marcos, sa aktwal ay may ilang panukala na nakahanay sa kongreso para rito. Kabilang rito ang buwis sa “singe-use plastics” na malawakang ginagamit sa mga tindahan at palengke. Isa pa ang dagdag na buwis sa pagmimina, na maaaring magdagdag ng singil sa kuryente at iba pang serbisyo na pinagsisilbihan ng sektor. Gayundin, kapapataw lamang ng Bureau of Internal Revenue ng buwis sa mga online seller, maliit at malaki, na tiyak namang ipinapasa nila sa mga mamimili.

Sa Kongreso, itinutulak ng pinuno ng komite sa ways and means na si Joey Salceda ang pagpapatuloy ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Sa kabila ito ng kalulubog lamang ng maraming lugar sa Metro Manila sa baha, na pinatindi ng mga proyektong reklamasyon na nagbara sa daluyan ng tubig ng buong Kamaynilaan. Ipinagpilitan pa niyang wala siyang “nakikitang dahilan kung bakit di muling pahihintulutan” ang mga proyektong ito na aniya’y magbubunga ng ₱432 bilyong rebenyu para sa estado.

Samantala, nagsagawa ng “kalampagan” o noise barrage ang mga myembro ng Kalikasan PNE at Kadamay sa harap ng Department of Environment and Natural Resources ngayong araw, Hulyo 29, para kundenahin ang rehimeng Marcos sa kapabayaan nito sa pagresponde sa mga nasalanta ng bagyong Carina.

“Kailangang papanagutin ang administrasyong Marcos sa papel nito sa pagpapahintulot sa mga mapaminsalang proyekto na nagresulta sa dislokasyon ng milyun-milyon dahil sa pagbaha,” ayon sa Kalikasan.

AB: Utang, bagong mga buwis at reklamasyon sa Manila Bay, itinutulak para tustusan ang badyet ni Marcos para sa 2025