Walang engkwentro: Magsasaka, sadyang pinatay ng 94th IB sa Himamaylan City

,

Wala pang dalawang linggo nang magsimula ang taon, muli na namang ipinamalas ng 94th IB ang bangis nito laban sa masang magsasaka. Pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB ang 49-anyos na magsasakang si Jose Gonzalez sa Purok Maliko-liko, Sityo Cunalom, Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental noong Enero 9.

Ang karumal-dumal na krimen ay pinalalabas ng 94th IB na isang lehitimong engkwentro. Paglilinaw ng BHB sa isla, walang naganap na armadong labanan sa lugar. Sa pahayag ni Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng Panrehiyong Kumand ng BHB Negros Island, kinundena niya ang ipinagkakalat na kasinungalingang ito na ginagamit ng AFP para bigyan-katwiran ang sadyag pagpatay sa isang sibilyan.

Ayon sa pahayag ng anak ng biktima, gabi ng Enero 8 nang dumating ang walong hindi kilalang lalaki sa kanilang bahay at dinukot ang kanilang ama. Nagpanggap pa umano ang mga ito na mga kasapi ng hukbong bayan. Matapos nito, nakarinig umano sila ng mga putok ng baril sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi at alas-3 ng madaling araw ng Enero 9.

Kalaunan ay pinalabas ng lokal na pulis ng Himamaylan City na si Gonzalez ay kasapi ng BHB na napatay sa isang engkwentro.

“Ang paggamit sa pangalan ng BHB para linlangin ang taumbayan at siraan ang prestihiyo nito, pagdedeklara ng pekeng mga engkwentro at pagbabansag sa inosenteng magsasaka na mga mandirigma ng BHB ay lahat pakana ng mga pasistang sundalo,” pahayag ni Legislador.

Aniya, labis-labis na ang utang na dugo ng 94th IB sa mamamayan ng Himamaylan City at katabing mga bayan ng Binalbagan at Kabankalan City. Naitala sa mga lugar na ito ang hindi bababa sa 60 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng naturang yunit-militar sa nakaraang taon.

Sangkot rin ang mga tauhan ng 94th IB sa pagpaslang sa magkapatid na Jayson at Arnulfo Sabanal, parehong taga- Maliko-liko, noong March 26, 2022. Ang yunit din na ito ang pumatay kay NDF Consultant Ericson Acosta at organisador ng mga magsasakang si Joseph Jimenez noong November 30, 2022 sa Sityo Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City.

Tiniyak ni Legislador sa mamamayan ng Negros na gagawin nito ang lahat para parusahan ang mga sangkot sa pasistang mga krimen laban sa taumbayan.

Samantala, ipinabatid naman ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pahayag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon nito, ang suporta sa pamilyang Gonzalez sa kanilang kahingian para sa hustisya.

AB: Walang engkwentro: Magsasaka, sadyang pinatay ng 94th IB sa Himamaylan City