4th IBPA at 203rd Brigade, hari ng fake news at terorismo!

 

July 1, 2024 | Isang malaking kasinungalingan ng 4th Infantry Brigade ng Philippine Army (IBPA) ang ipinagmamayabang nitong labanan sa pagitan ng kanilang mga tauhan at diumano sampung mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Hunyo 25, 2024 sa Sityo Balagway, Barangay Benli, Oriental Mindoro. Para pagmukhaing totoo ang drama ng 4th IBPA, ipinagyabang pa nito na mayroon diumanong nasamsam na isang (1) M16 riple, tatlong (3) bala ng 40MM, mga pampasabog, mga bala ng 5.56MM at 7.62MM at mga subersibong dokumento. Para kumpletuhin ang drama ng kunwaring labanan, kagyat na nagtayo ng mga tsek point sa highway ng Bulalacao at Mansalay at nagpasok ng ilang trak ng militar sa baryong “pinaglabanan.”

Ang katotohanan, wala ni isa mang yunit ng BHB sa nasabing erya noong mga panahong iyon. Maging ang mga masa sa erya ay nagtataka at natatawa sa kalokohang palabas ng 4th IBPA. Nilikha nila ang pekeng labanan upang bigyang katwiran ang pagdagsa ng kasundaluhan para sa ikakasang focused military operation (FMO) at ang kasunod na pagkakampo sa gitna ng mga pamayanan sa tabing ng Retooled Community Support Program Operation (RCSPO). Sa pagdagsa ng kasundaluhan maasahan ang kaakibat nitong mga paglabag sa karapatang pantao kagaya ng pagpatay, pambubugbog, pagdukot, iligal na aresto, pambobomba, istraping, pagnanakaw, at iba pa. Ngayon pa lang, kinukundisyon na ng 4th IBPA ang isip ng mamamayan bilang paghahanda sa teroristang atake nito sa kanilang komunidad.

Hindi na bago sa kaaway ang pagpapakalat ng gawa-gawang kwento hinggil sa mga labanan o engkwentro kuno sa pagitan ng mga reaksyunaryong armadonh pwersa at BHB. Pinakahuling kaso nito ay naitala noong Nobyembre 13, 2023 sa Barangay Buong Lupa, Gloria, Oriental Mindoro kung saan pinatay ng kaaway sina Ka Pascual at Ka Roche na nahuli nang buhay. Matapos walang awang paslangin ang dalawang Pulang mandirigma na may katayuang prisoner of war o bihag ng digma, pinalabas ng kaaway na napatay sina Ka Pascual at Ka Roche sa isang labanan.

Ganito din ang ginawa ng 4th IBPA noong June 7, 2022 sa Sityo Tauga Diit, Barangay San Vicente, Roxas. Nasugagaan ng nag-ooperasyong kaaway ang mga balatik ni G. Inyab sa kanyang lupa na sadyang nilikha para sa panghuhuli ng mga hayop. Nag-resulta sa kaswalti sa tropa ng 4th IBPA ang aksidenteng pagdaan nila sa balatik. Sa tindi ng galit ng kaaway, pinagbabaril nila ang bahay ni G. Inyab kung nasaan ang buong pamilya niya. Matapos mapatay ang dalawang masa at masugatan ang isa pa, ipinangalandakan ng kaaway may naganap na labanan.

Ganito din ang naganap noong June 2022 sa Barangay Iriron, Calintaan at October 2022 sa Barangay Aguas, Rizal sa Occidental at noong October 1, 2023 sa Sityo Kolitob, Panaytayan, Mansalay sa Oriental. Para pagmukhaing totoo ang mga labanan, nagpaputok ng mga baril ang mga sundalo bago ipinakat sa mga nasabing komunidad ang dagdag pang mga tropa nito. Nagpalipad ng mga drone, helicopter; nagpasok ng mga tangke at kanyon saka nambomba at nag-istraping ang mga sundalo sa mga lugar na “pinaglabanan”.

Ang mga pekeng labanan at disimpormasyon ay bahagi ng taktikang shock and awe ng reaksyunaryong hukbo upang maghasik ng takot sa mamamayang Mindoreño at nang sa gayo’y pigilan ang pag-oorganisa at pagkilos ng masa lalo na sa mga eryang pokus ng operasyon ng militar. Paraan din ito ng AFP-PNP-CAFGU upang gawing lehitimo at bigyang katwiran ang terorismong kanilang inihahasik sa kanayunan sa pamamagitan ng sustenidong FMO at RCSPO.
Personal na interes din ng mga opisyal militar ng 4th IBPA at ng namamatnugot dito na 203rd Infantry Brigade (IBde) ang isa pang dahilan ng pagpapalaganap ng mga pekeng labanan. Sa paghahabol ng mas mataas na ranggo, ginagawa ng mga heneral ng AFP na katawa-tawa at mga sinungaling ang buong tropang hawak nila para lamang sa inaasam na promosyon at pinaglalawayang milyong pabuya sa mga yunit ng NPA na “nakalaban” nila. Desperado ang mga heneral ng 203rd IBde at 4th IBPA na palabasing totoo ang kanilang propaganda na kakaunti at matatalo na ang BHB sa Mindoro.

Lantad na sa mamamayang Mindoreño ang pekeng labanan at iba pang disimpormasyong pinapakalat ng reaksyunaryong pwersa. Matalas ang masa kung kaya’t kaya nilang pasubalian ang mga kasinungalingang ibinubuga ng kaaway.

Nananawagan ang Lucio de Guzman Command – BHB Mindoro (LDGC-BHB Mindoro) sa mga sundalo ng 4th IBPA at iba pang yunit sa ilalim ng 203rd IBde: Huwag na kayong magpauto pa sa inyong mga opisyal dahil ginagamit lamang kayo upang makapagkamal ng malaking pondo at sweldo sa mga pekeng labanan. Kayo ang bumabalikat ng hirap at kapahamakan sa mga operasyon habang ang pagtaas ng sweldo at ranggo ay para sa inyong mga opisyal.

Higit sa lahat, panawagan ito sa mamamayang Mindoreño na magkaisa upang labanan ang lahat ng porma ng terorismong inihahasik ng AFP-PNP-CAFGU sa kanayunan. Gaano man kabagsik, sa kaibuturan ay tigreng papel ang reaksyunaryong armadong pwersa na kayang kayang biguin ng nagkakaisang mamamayan. Hindi nag-aarmas at lumalaban ang AFP-PNP-CAFGU para sa prinsipyo o sa paglilingkod kung hindi para sa personal na interes na makatanggap ng malaking sweldo. Patunay rito ang mga pekeng labanang kinahiligan na ng AFP sa desperasyong palabasin na may katuturan ang kanilang kontra-rebolusyonaryong digma na mauuwi sa kabiguan at itatapon sa kangkungan ng kasaysayan.

4th IBPA at 203rd Brigade, hari ng fake news at terorismo!