59th IBPA, Phil. Airforce at Phil. Navy, panagutin sa pagpatay sa dalawang babaeng sibilyan sa Balayan
“Hustisya!” ang dumadagundong na panawagan ng pamilya at ng mamamayan ng Batangas para kina Pretty Sheine Anacta, 19, at si Rose Jane Agda, 30, ang dalawang babaeng sibilyan na walang awang pinaslang ng mga teroristang sundalo nang walang habas na pagbabarilin. Sila ay mga sibilyan na pinaslang ng AFP habang nasa proseso ng pagbisita sa kanilang kaanak na kasapi ng NPA sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas noong Disyembre 17 ng madaling araw. Limang Pulang mandirigma ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas ang nagbuwis ng buhay sa labanang ito habang may-isa pang sugatang itinatago ng militar.
Lubos na nakikiramay ang NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command) sa pamilya ng mga pinaslang na sibilyan at mga kasamang NPA. Nagdadalamhati man tayo ngayon, ngunit hindi tayo hihinto sa pagpupunyaging makamit ang rebolusyunaryong hustisya para sa mga pinaslang ng uhaw-sa-dugong militar.
Si Pretty Sheine ay nakababatang kapatid ni Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, 26, isa sa mga namartir na Pulang mandirigma sa naturang labanan. Hipag naman ni Ka Komi si Rose Jane. Dumalaw ang dalawang sibilyan kay Ka Komi at habang sila ay namamahinga, nagsagawa ng indiscriminate firing ang pinagsanib na pwersa ng 59th IB Philippine Army, Philippine Air Force, at Philippine Navy.
Ang biktimang si Pretty Sheine, na ayon sa mga panimulang ulat ay hinimatay noong unang bugso ng pamumutok. Buhay siya, subalit tuluyang pinatay ng mga berdugo. Upang palabasing NPA ang dalaga, tinamnan siya ng baril na M16.
Nakababa ang pantalon ng kanilang hipag na si Rose Jane, nang makita ang kanyang bangkay sa punerarya. Kilala ang 59th IBPA at iba pang yunit ng militar sa paglapastangan sa mga kababaihan mula pa sa pinanggalingan nilang probinsya ng Quezon bago maitalaga sa Batangas. Walang paggalang ang mga ito kahit sa patay dahil sa malamang na pagsasamantalang ginawa kay Rose Jane.
Ayon sa Seksyon 4, Artikulo 4 ng Ikaapat na Bahagi ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Law (CARHRIHL) na nilagdaan ng Gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines:
“Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin. Sila ay pangangalagaan laban sa walang habas na pambobomba mula sa himpapawid, istraping, panganganyon, pagmomortar, panununog, pambubuldoser at iba pang katulad na anyo ng pagwasak sa mga buhay at ari-arian, paggamit ng mga pampasabog gayundin ng pag-iipon ng baril, bala, pampasabog atbp. sa malapit sa kanila o sa gitna ng hanay nila, at sa paggamit ng mga sandatang kemikal at bayolohikal.”
Malinaw na nilabag ng mga umatakeng kasundaluhan ang CARHRIHL dahil hindi isinaalang-alang ng mga demonyong militar ang presensya ng mga sibilyan tulad ng dumalaw na kapamilya ni Ka Komi, maging ang mga magtutubóng namamahinga sa tubuhan gayong isang tubuhan ang tinarget ng combat operation. Hindi ba’t napakalaki ng kanilang intelligence fund at ipinagmamalaking hasa sila sa mga pagsasanay at armado ng mga high tech na kagamitan?
Sa kasaysayan, hindi ginagawa ng AFP ang masusing pag-alam kung sino ang mga target nila, kesehodong makapatay ng mga sibilyan, dahil sadyang utak-pulbura, at animo’y asong ulol na hayok na hayok na lumapa ang mga pasistang nagsagawa ng combat operation at ang nais ay lumikha ng terror sa masa’t rebolusyonaryong pwersa.
Malinaw na isinasaad ng Seksyon 4 ng Artikulo 3 ng Ikaapat na Bahagi ng CARHRIHL, ang pagbabawal sa desekrasyon o hindi paggalang sa mga labi ng mga namatay sa proseso ng armadong labanan o habang nakabilanggo, at hindi pagtupad sa tungkuling kaagad na ibigay ang mga labi ng namatay sa kanilang pamilya o bigyan sila ng disenteng libing. Ngunit anong kahayupan ang kanilang ginawa? Ibinilad sa araw, ikinalat na lamang sa sahig ng punerarya at sinadyang bulukin ang mga bangkay. Pinahirapan ang mga pamilya sa pagkuha ng iba-ibang papeles at nakadagdag sa pighati nila ang takot dahil sa makapal na presensya ng mga militar sa punerarya.
Upang pagtakpan ang pagpaslang sa dalawang babaeng sibilyan, naghabi na naman ng kasinungalingan ang kriminal na 2nd Infantry Division, ang dibisyon na may saklaw sa 59th IBPA. Sa kanilang pahayag, pinangalanan nilang “Binhi/Amlai” ang isa sa dalawang sibilyan. Hindi ito totoo sapagkat tinukoy na ng mga kaanak ang mga labi nina Pretty Sheine at Rose Jane. Kung kaya’t si Baby Jane Orbe, ang tunay na Ka Binhi, na naiulat na tinamaan ng bala, ay tiyak na hawak ng mga militar.
Nananawagan ang NPA-EDC sa mga masang Batangueño na higit pang palakasin ang kampanya para palayasin ang mga militar sa kanayunan. Dapat panagutin si 59th IBPA Commanding Officer Lt. Col. Ernesto Teneza Jr.; 2ID Commander Maj. Gen. Roberto Capulong; PAF Commanding Gen. Lt. Gen. Stephen P. Parreño; PN Flag Officer-in-Command VADM Toribio Adaci Jr. at lahat ng nagplano ng operasyong militar na ito.
Hindi para sa mamamayan ng Batangas ang pagpapalakas ng pwersa ng AFP sa lalawigan kundi upang tiyaking mapangalagaan ang interes sa ekonomya’t pulitika ng mga pinakamalalaking kumprador-panginoong maylupa tulad ng pamilyang Sy, Zobel, Alaya at Ang. Mga linta ang mga itong sumisipsip sa pawis at dugo ng anakpawis sa Batangas at nangangamkam ng kanilang lupa, kapaligiran at kayamanan. Ito ang malinaw na kasagutan bakit gumagawa ng overkill na operasyong militar ang AFP na may layuning lipulin ang NPA, sukdulang mandamay ng sibilyan dahil ang mga ito ang tunay na mga pwersang lumalaban sa kanilang mapagsamantala at mapang-aping paghahari. Dapat na kondenahin at labanan ang mga pahayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro at ng iba pang matataas na opisyales ng Armed Forces of the Philippines na nagbibigay katwiran sa pamamaslang sa mga sibilyan.
Sa inyo, Pretty Sheine, Rose Jane at sa mga martir ng Batangas, magsisilbi kayong inspirasyon upang magpatuloy ang Bagong Hukbong Bayan sa kanyang tungkuling ipagtanggol ang mga mamamayan laban sa teror-pasistang atake ng estado.
Hustisya para kina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda!
Hustisya para sa Malalay 7! Pagbayarin ang 59th IBPA, Philippine Air Force At Philippine Navy!
59th IBPA, palayasin sa Batangas! sundin ang CARHRIHL at Geneva Conventions!