80th IB, "Steadfast" sa mga kasinugalingan at pang-aabuso

Mariing kinukundena ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal ang mga kasinungalingan at paglabag sa karapatang-tao na isinasagawa ng 80th IB sa nakaraang mga linggo.

Noong Hunyo 29, sinuntok ng elemento nitong si Marvin Stamo si David Rizalte Papagitan, residente ng Barangay San Jose, Antipolo City. Matapos manuntok, pagbabanta sa buhay at red-tagging ang ginawa nito kay Papagitan nang sabihing papatayin siya kung mananatili ang ugnayan nito sa NPA.

Pinakalat din kamakailan ng 80th IB na ni-reyd ng NPA ang isang farm sa Sityo San Ysiro, Barangay San Jose, Antipolo City. May nasamsam umanong armas sa naturang farm. Mariin naming itinatanggi at pinasisinungalingan ang paratang na ito ng 80th IB. Anumang reyd na isinasagawa ng NPA ay para labanan ang mga sagadsaring panginoong maylupa, malalaking burgesya-kumprador, at mga pasistang galamay nito, sa layunin ng pagtataguyod sa karapatan at interes ng mamamayang anakpawis. Maingat naming isinasaalang-alang at tinitimbang ang mga batayan para dito, at inaako ng Bagong Hukbong Bayan ang mga aksyong militar na ito.

Ang barangay ng San Jose ay ilang buwan nang nasa ilalim ng kanilang paggagarison. Sa panahon na bantay sarado ng mga ito ang buong baryo ay saka ito naganap. Ang 80th IB ang nagpakana ng reyd para lamang magpasimula ng kasinungalingang ito at tangkang dungisan ang marangal na pagkilala ng mamamayan sa NPA, na pinanghahawakan ang Tatlong Alituntunin sa Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan na nagbabawal sa mga gawain at pagkilos na lalabag sa interes ng mamamayan. Matatandaang noong Marso ay nagpakalat din sila ng kasinungalingang magnanakaw ang NPA habang tropa nila mismo ang halos umubos sa mga niyog ng masa malapit sa kampo nila sa Maugraw, Barangay Puray nang hindi man lamang nagpapaalam.

Dapat na ilantad sa mamamayan ang mga kasinungalingan at mga paglabag ng 80th IB sa karapatang-tao. Dagdag na naman ang mga ito sa mga kaso ng pasistang tropa sa mamamayang Rizaleño. Dapat na kundenahin at panagutin ang mga elemento nito at ang kumander nitong si Lt. Col. Mark Anthony Ruby sa mga kaso ng karahasan, pag-abuso sa awtoridad, at pagtapak sa karapatan ng mamamayan.

Ibayo lang nitong pinakikita ang tunay na halimaw sa likod ng pagpapakitang-tao ng AFP sa kanilang mga medical mission, pagbubuo ng mga samahan, seminar at pamamahagi ng binhi. Ang pagiging “Steadfast” o matatag ng reaksyunaryong tropang ito ay sa pagtataguyod ng pasistang mga pakana ng rehimeng US-Marcos II. Dahil dito, sa kabila ng panlilinlang, sinusuka sila ng mamamayang Rizaleño at tinuturing na mga pasista, perwisyo at pahirap sa masa.

80th IB, panagutin sa mga krimen sa mamamayan!
Itakwil at Palayasin ang 80th IB sa Rizal!

80th IB, "Steadfast" sa mga kasinugalingan at pang-aabuso