Pahayag

88 taon ng AFP, 88 taon ng pagpapakatuta sa imperyalismo at paghahasik ng teror sa bayan

,

Walumpu’t walong taon nang umiiral ang mersenaryong AFP na naghahasik ng pasismo at terorismo na nagdulot ng pambansang pagdurusa at labis na kahirapan sa bayan para manatili ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Taliwas sa ipinagmamayabang ng AFP, hindi ito ang tagapaglingkod at tagapagtanggol ng mamamayan, kundi mga tagapagtaguyod ng interes ng imperyalismong US at lokal na naghaharing uring malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Labis silang kinamumuhian ng mamamayang Pilipino.

Ang AFP ay itinatag mismo ng imperyalismong US, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri noong Disyembre 21, 1935 sa mersenaryong tradisyon ng mga Guardia Civil na kasangkapan ng kolonyalismong Spain sa pagsupil sa anti-kolonyalistang pakikibaka ng mga Pilipino; ng mga Macabebe at Philippine Scouts na ginamit ng US noong sinakop ang bansa. Pinamumugaran ang AFP ng mga tuta at ahente ng US sa pamamagitan ng Joint Military Advisory Group (JUSMAG) na mahigpit ang hawak sa estratehikong antas sa lohistika, inteligens, pagpaplano at pagsasanay ng mga tauhan para panatilihin ang bulok na estadong malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.

Pangita ang pagpapakatuta ng AFP sa papel nito bilang nangungunang piyon ng US para maiputok ang gerang agresyon sa Asia Pacific. Sunud-sunod ang mga mapang-upat na ehersisyong militar ng US at AFP para itulak ang China na maunang mandigma sa Asia. Sa taong ito naganap ang pinakamalaking Balikatan exercises sa kasaysayan — 17,000 pwersang US, AFP at mga kaalyadong bansa. Higit pang pinaiigting ng US ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pagkontrol sa AFP at paglalayag ng mga sasakyang pandigma nila sa West Philippine Sea (WPS). Tiyak na iniatas ng US ang pagsama ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner sa resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) sa base ng Philippine Navy sa WPS kung saan binomba ng tubig ng Chinese Navy ang sinasakyang barko ng PCG para lalong patindihin ang tensyon sa rehiyon. Sa kasaysayan, hinihila ng US ang AFP sa mga gera nito sa daigdig kagaya noong Vietnam War, Korean War at gera sa Middle East.

Samantala, pinaiigting ng AFP ang kontra-rebolusyonaryong gera sa kumpas ng imperyalismong US upang madurog ang rebolusyonaryong kilusan at itutok ang mga pwersa ng Pilipinas sa paghahanda sa gera laban sa China. Ang kampanyang supresyon ng AFP ay nakabalangkas sa US Counter Insurgency Guide na naglalayong supilin ang lahat ng anyo ng pakikibaka ng mamamayan para sa kalayaan at demokrasya. Patuloy na ginagamit ng US ang AFP para labanan ang pambansa-demokratikong kilusan na nagnanais na patalsikin ang imperyalistang kapangyarihan sa Pilipinas. Sa kasaysayan, ipinatutupad ng AFP ang pasismo at terorismo laban sa lumalakas na paglaban ng mamamayan. Tampok dito ang karahasan noong Martial Law ng matandang Marcos, gayundin sa ilalim ng tiranikong rehimeng US-Duterte kung saan isinabatas ang Anti-terrorism Law (ATL) para mabigyan ng “ligal” na bihis ang karahasan. Naging palasak ang pagamit ng “peace & development” sa mga operasyong militar para linlangin kasabay ng supilin ang paglaban ng masa para sa kanilang mga lehitimong karapatan at interes. Gumagamit din sila ng panlilinlang at saywar para hatiin ang hanay ng nakikibakang mamamayan at itago ang brutalidad ng kanilang gera. Laging ipinamamarali sa propaganda ng imperyalistang US at AFP na mawawala ang seryosong banta sa seguridad, kapayapaan at pag-unlad kung mawawala ang “insurgency”. Kabilang dito ang paggamit ng fake news, black propaganda at mga huwad na proyektong pangkaunlaran. Nagsasalimbayan ang dalawang mukha ng AFP sa kasalukuyang panahon sa mga focused military at retooled community support program operations.

Ibayo pang lumala ang panunupil ng mersenaryong AFP hanggang sa kasalukuyang ilehitimong rehimeng Marcos II. Mula Disyembre 2022 hanggang Disyembre 2023, naitala ang 957 kaso ng paglabag sa karapatang tao kung saan 197 nito ay mula sa Timog Katagalugan. Kabilang dito ang apat na kaso ng pambobomba sa rehiyon na may higit 20,000 mamamayang apektado, apat na kaso ng pamamaslang, dalawang kaso ng panggagahasa at 34 inaresto. Nasa 20 human rights defenders naman ang sinampahan ng gawa-gawang kaso ng paglabag sa ATL.

Higit pang kinamumuhian ng mamamayan ang AFP dahil sa kabulukan nito. Bilyun-bilyong pondo ang inilalaan sa kanila ng estado para gawing mga bulag na tagasunod at berdugo. Ipinapapasan sa mamamayan ang mga gastusing ito sa halip na ilaan sa serbisyong panlipunan. Winawaldas ang pera ng bayan sa pagbili ng mga mamahaling armas pandigma kagaya ng mga drone, helikopter, howitzer, tangke at iba pa na pawang ginagamit sa mamamayan. Ipinagyayabang ng AFP ang modernisasyon ng arsenal nito pero ang totoo, pulos mga patapong gamit ang ibinebenta sa kanila ng mga imperyalista. Sa katunayan, nagkakailan na ang mga helikopter at eroplano ng AFP na bumagsak kahit na “bagong bili” pa lamang ang mga yunit na ito.

Sinisilaw ang AFP ng imperyalismo at naghaharing uri ng mas mataas na sweldo at pensyon. Inaakit nila ang naghihirap na kabataang Pilipino para magsilbing pambala sa kanyon. Ipinangtatapat ang mga pwersang ito sa nakikibakang mamamayan, sa NPA at iba pang mga armadong pwersang lumalaban para sa pagpapasya sa sarili kagaya ng mga Moro. Sa kanilang hanay nagmumula ang mga pwersa at armas ng mga pribadong goons ng mga panginoong maylupa, warlords at mga burgesya komprador. Patunay nito ang nalantad na papel ng AFP sa pagpaslang sa pulitikong si Degamo ng Negros Oriental.

Walang kabusugan sa yaman at kapangyarihan ang matataas na opisyal ng AFP. Ginagamit nila ang iba’t ibang programa ng reaksyunaryong gubyerno upang makapanghuthot mula sa pondo ng bayan. Tampok ang mga sinita ng Commission on Audit na mga anomalya sa mga ulat ng NTF-ELCAC, AFP at iba pang mga sibilyang ahensyang pinanghihimasukan nila. Ang mga heneral ng AFP ang utak sa likod ng mga maruruming krimen, paninindikato, negosyo ng iligal na droga at iba pang panunulisan sa bansa. Dahil pare-pareho silang sakim, hindi na nakapagtataka na laging mayroong mga iringan sa loob ng hanay ng AFP. Wala silang katapatan at paninindigan liban sa interes ng US at mga naghaharing uri, pera at kapangyarihan.

Nakakasuka ang umaalingasaw na baho ng AFP. Wala silang karapatang magdiwang ng kanilang pagkakatatag dahil isang malagim na trahedya sa buong bayan ang pag-iral ng ganitong mersenaryong hukbo habang dumaraing ang mamamayan sa labis na kahirapan at kapabayaan ng estado. Ang kanilang pag-iral ay naghatid ng pagdurusa at paghihirap sa mamamayan para sa kapakanan lamang ng iilan. Kaya naman mayroong mga makabayang kawal sa kanilang hanay na hindi na maatim ang ganitong sistema at sumasapi sa Lt. Crispin Tagamolila Command na lihim na rebolusyonaryong organisasyon ng mga naliliwanagang sundalo ng AFP. Dapat nilang talikdan ang AFP at sumapi sa NPA upang tunay na mapaglingkuran ang mamamayan.

Kailangang maunawaan ng bayan na ang pagtindi ng pasismo at terorismo ay hindi tanda ng paglakas ng estado kundi desperasyon nitong panatilihin ang bulok na kaayusan. Sa panahong ito, dapat higit na manaig ang tapang at diwa upang isulong ang demokratikong kahilingan at kalayaan. Nararapat na paigtingin ng sambayanan ang mga kampanyang anti-pasista kasabay ng paggigiit sa karapatan sa kabuhayan at kalayaan. Dapat na patibayin ang pagkakaisa ng lahat ng inaaping uri at mamamayan laban sa pasismo at terorismo. Magsilbing malapad na kalasag para ipagtanggol ang mithiin ng mamamayan.

Palakasin ang mga panawagan para singilin at papanagutin ang AFP, PNP, mga paramilitar at reaksyunaryong estado. Makakaasa ang mamamayan at biktima ng paglabag sa karapatang tao na makakamit nila ang katarungan sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan. Aabutin ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya ang mga kriminal at pusakal na AFP, PNP at mga katulad na berdugo.

Kasabay nito, nararapat na paigtingin ang digmang bayan at ilunsad ang mga taktikal na opensiba upang bigwasan ang mga pinakaberdugong yunit at opisyal ng AFP hanggang at kumpiskahan sila ng armas. Nakikibaka ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng bandila ng CPP-NPA-NDFP at rebolusyong Pilipino. Taliwas sa mersenaryong katangian ng AFP, hindi sila bayaran kundi mga tunay na pwersa para ipagtanggol ang pambansa, demokratikong interes at karapatan ng mamamayan. Marubdob na tutupdin ng NPA ang tungkulin nitong durugin ang bulok na estado para maitayo ang tunay na demokratikong gubyernong bayan na tunay maglilingkod sa mamamayan.

88 taon ng AFP, 88 taon ng pagpapakatuta sa imperyalismo at paghahasik ng teror sa bayan