Alalahanin ang Gem-Ver, singilin ang pag-abandona sa mangingisda at sambayanang Pilipino
Sa gitna ng pandemya at pasismo, alalahanin natin ngayong araw kung papaanong binangga ng isang barkong Chinese at iniwang palutang-lutang sa gitna ng dagat ang mga mamamalakayang Pilipino ng bangkang Gem-Ver, isang taon na ang nakaraan. Walang nakasuhan at walang nanagot. May humingi ng paumanhin at nagbigay ng danyos, pero walang naparusahan sa krimen na ito.
Hindi sila tinulungan o kinatawan ng gubyerno ng Pilipinas. Sa halip, Malakanyang pa mismo ang kumumbinse sa mga biktima na manahimik at tanggapin na lang ang bayad-pinsala, at huwag nang magsampa ng kaso.
Ang pag-abandona sa interes at karapatan ng mga mangingisda ng Gem-Ver ay katulad ng pag-abandona ni Duterte sa karapatan at kagalingan ng lahat ng mamamalakayang Pilipino at buong sambayanan. Isinuko niya ang dignidad ng Pilipinas sa altar ng mga imperyalistang kapangyarihan. Dahil dito, ang teritoryo at kasarinlan ng Pilipinas ngayon ay walang pakundangang pinanghihimasukan ng China at nilalapastangan ng mga barkong militar ng US sa kanilang pag-aagawan at paggigiitan ng kapangyarihan.