Ang maglingkod para sa uring pinagsasamantalahan, buhay man ay ialay: Pinakamataas na pagpupugay at pagkilala sa mga rebolusyonaryong martir ng Balayan!

Ika-17 ng Disyembre, 2023, nawalan ang sambayanang Pilipino ng limang magigiting, mahuhusay, at mapagmahal na mga Pulang mandirigma sa isang depensibang labanan kontra sa pasistang mga pwersa ng 59th IBPA, Philippine Navy, at Philippine Air Force sa Brgy. Malalay, Balayan, Batangas.

Iginagawad ng Komiteng Probinsya ng Partido sa lalawigan ang pinakamataas nitong pagpupugay at Pulang pagsaludo sa limang bayani ng Eduardo Dagli Command- – Bagong Hukbong Bayan na nagbuwis ng kanilang buhay sa nasabing labanan. Ang sambayanan ay kasamang nagdadalamhati ng pamilya nina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda, mga inosenteng sibilyan na walang-habas na pinaslang ng militar habang dumadalaw sa kanilang mahal sa buhay na kasapi ng NPA. Labis-labis din ang pagkamuhi ng rebolusyonaryong mamamayan ng Batangas sa patuloy na pagtatago ng AFP kay Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, kadre ng Partido at Pulang mandirigma na nasugatan sa kaparehong labanan, labindalawang araw na ang nakararaan.

Marahil, marami ang may tanong sa kanilang isipan. Sino ang mga namatay na NPA?

Joy “Ka Kyrie” Mercado, batang kumander at kadreng militar ng BHB

Nagmula sa uring magsasaka ang 25-taong gulang na binatang si Ka Kyrie. Pang-apat sa anim na magkakapatid, bata pa lamang ay namulat na siya sa bangis ng pang-aapi ng pasistang estado sa katulad nilang mga magbubukid. Saksi ang rebolusyonaryong pamilyang Mercado sa walang habas na paglabag ng berdugong AFP sa karapatang tao sa ilalim ng Oplan Bantay Laya I ng rehimeng US-Arroyo. Mula sa Brgy. Malaya sa malayong bayan ng General Luna sa Quezon, itinulak ang kanyang pamilya patungo sa isang komunidad ng mga magsasaka sa Cavite dulot ng panggigipit ng militar sa kanyang mga magulang. Sa kanilang nilipatan, higit niyang nagagap na hindi lang pala sila kundi napakarami pang mga magsasaka at katutubo ang pineperwisyo ng pasistang militar. Kasabay ng kanyang paglaki ay ang unti-unting pagkamulat sa lipunan sa tulong na rin ng kanyang rebolusyonaryong pamilya.

Hindi na nagtagal sa pagkilos sa legal na demokratikong kilusang masa si Ka Kyrie, sapagkat maaga niyang napagtanto na ang armadong rebolusyon ang pangunahing landas sa ganap na paglaya ng mga magsasakang katulad ng kaniyang pamilya at ng iba pang aping uri at sektor mula sa pagsasamantala. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan sa isang larangang gerilya sa rehiyon noong 2017, dalawang taon matapos maunang sumampa ang kanyang nakatatandang kapatid na si Jay-ar “Ka Sander” Mercado na namartir sa isla ng Mindoro noong 2020. Sa loob ng Hukbo, nakita kay Ka Kyrie ang mahigpit na pagtangan sa disiplina at kasigasigan sa pagkilos, gayon din ang husay sa gawaing politiko-militar. Umunlad siya bilang isang terrain master at giyang pangkombat sa loob ng BHB. Magiliw din sa masa at mahusay sa pagpopropaganda si Ka Kyrie kaya naman mabilis niyang nakakapalagayang-loob ang masa lalo’t turol niya ang kalagayan at interes nito. Bagaman likas na tahimik, hindi rin nagdadalawang-isip na makipagtalakayan at makipagbiruan si Ka Kyrie sa mga bagong mandirigma at bisita sa kanilang yunit. Ni minsan ay hindi siya kinakitaan ng panghihina ng loob, bagkus ay pagmamalasakit at paggalang sa kanyang mga kapwa opisyal at mandirigma.

Sa kasagsagan ng labanan na kanyang ikinamartir, hanggang sa kanyang huling sandali ay kapakanan ng mga kasama’t masa ang kanyang inalala. Binuhat pa niya ang noo’y sugatan pa lamang na si Ka Ilaya bago muling bumugso ang putukan. Hanggang sa kanyang kamatayan, hindi inisip ni Ka Kyrie na sumuko sa kaaway kahit may tama na siya ng bala. Natagpuan ang kanyang mga labi humigit-kumulang kalahating kilometro mula sa sentro ng engkwentro. Siya ay tumatayong Iskwad lider at pana-panahong Giyang Pampulitika nang mamartir.

Mula Malaya hanggang Malalay, mula Quezon tungong Batangas, ipinamalas ni Ka Kyrie ang di-magagaping diwa ng isang huwarang rebolusyonaryo, Pulang kumander, at komunista na habang-buhay paghahalawan ng aral at inspirasyon ng masang inaapi.

Maria Jetruth “Ka Orya” Jolongbayan, dakilang ina, kadre ng Partido at opisyal ng BHB

Tubong Calaca, Batangas at nagmula sa pamilya ng mga magsasaka sa tubuhan ang 33-anyos na inang si Ka Orya, na kilala rin sa mga pangalang Ka Seven, Astra, Amay, at Ailin. Pangalawa sa apat na magkakapatid, bata pa lamang ay nakikita na niya sa kanilang tahanan ang mga kasama na bumibisita at naggagawaing masa sa kanilang pookan. Nakalakihan na niya ang maningning na kasaysayan ng kanilang baryo sa pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang lupa mula sa panginoong maylupa na kumakamkam nito. Saksi siya sa di-mabubuwag na lakas ng pagkakaisa ng mamamayan hindi lamang para sa pananatili sa lupang sinasaka, kundi upang mai-angat din ang antas ng kanilang kabuhayan at produksyon. Naging trabahador at manggagawa si Ka Orya pagkalabas ng paaralan.

Isang araw noong Marso 2008, pag-uwi mula sa trabaho ay nadatnan niya ang dalawang kasamang Hukbo na bumibisita sa kanilang bahay. Matapos ang sandaling pakikipagtalakayan, sinabihan niya ang isang kasama, “Hindi na ho ako babalik sa trabaho, sasama na ako sa inyo.” Mula noon, nagtuloy-tuloy na sa pagkilos Ka Orya at tumangan ng mahahalagang tungkulin sa iba’t-ibang erya. Sa maraming pagkakataon sa kanyang labinlimang taon bilang Pulang mandirigma, tumayo bilang Pinunong Panlohistika si Ka Orya. Tumampok sa mga kasama ang mga katangian niyang maingay, masayahin, at determinado. “Purong Batangenya” ika nga, dahil hindi maitatanggi ng kanyang punto at lakas ng pagsasalita ang kanyang lupang tinubuan. Walang malungkot na sandali sa piling niya ang masa at mga kasama. Sa bawat tungkulin at gawain, laging mababakas sa kanya ang buong-pusong kaseryosohan at dedikasyon. Walang balakid at limitasyon ang makahahadlang kay Ka Orya. Mataas din ang pagmamalasakit niya sa mga kasama at sa Partido. Lagi niyang iniisip at inuuna ang kapakanan at pangangailangan ng masa at mga kasama, habang mahigpit na tinitiyak na walang anumang rekurso ng Partido ang maaaksaya. Maraming krisis, hirap at maging sakit na pinagdaanan si Ka Orya sa buong panahon ng kanyang pagkilos bilang kadre ng Partido at BHB subalit kailanman, nanatili siyang matatag at hindi natinag sa paglilingkod sa sambayanan hanggang sa kanyang huling hininga. Naulila niya ang kanyang anak, gayundin ang libo-libong anakpawis na kanyang pinaglingkuran. Ang kanyang buhay at pakikibaka ay magsisilbing sulo para sa laksa-laksang mga ina at kabataan tungo sa isang maliwanag na kinabukasang malaya mula sa pagsasamantala.

Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, huwarang kabataang kababaihan at Pulang mandirigma

Unang namulat si Ka Ilaya noong 2019 sa gitna ng krisis na nararanasan ng mga katulad niyang kabataan-estudyante dulot ng mga neoliberal na polisiya ng estado sa edukasyon. Ganap siyang naorganisa noong 2020 sa organisasyon ng mga kabataang kababaihan sa kanilang probinsya at kalauna’y naging kasapi ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA, ang lihim na rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihan. Dito ay gumampan siya ng gawaing propaganda.

Disyembre 2021 nang dumalo sa Ka Ilaya sa pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa isang larangang gerilya sa rehiyon. Mula nito ay hindi na siya bumaba, bagkus ay nagdeklara bilang buong-panahong kasapi ng BHB. Sa loob ng Hukbo, siya ay gumampan ng gawang pampulitika at naging aktibong katuwang sa pagbibigay ng mga pampulitikang edukasyon sa hanay ng masa at mga kasama. Masiyahin at magiliw si Ka Ilaya sa mga masa at kasama. Sa kabila ng mga hatak ng nakasanayang buhay at burgis na kultura, mas pinili niyang magpatuloy sa pagkilos sa piling ng masang api at maging katuwang nila sa pakikibaka para sa kanilang karapatan at kagalingan. Kabilang si Ka Ilaya sa mga kasamang matiyagang naglunsad ng gawaing pagsisiyasat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga eryang tubuhan lalo na sa mga maggagapak sa kalagitnaan ng matinding panggigipit sa kabuhayan na dinanas ng mga magbubukid matapos ang di-makatarungang pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro sa Nasugbu.

Namartir siya sa edad na 20. Naiwan niya ang kanyang mapagmahal na mga magulang at nakababatang kapatid. Hanggang sa kamatayan ni Ka Ilaya, pinanindigan niya ang pagiging militanteng kababaihan at magiting na lumaban sa pasistang kaaway na pumipinsala sa masang kanyang minamahal. Ang buhay ni Ka Ilaya ay magsisilbing bukas na libro para sa mga kababaihan at kabataang nais na ganap na umalagwa mula sa diskriminasyon at pagsasamantala sa pamamagitan ng pagpapalaya sa uring anakpawis.

Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, militanteng artista at manunulat ng bayan, medik ng mamamayan

Nagmula naman sa pamilya ng panggitnang magsasaka sa isla ng Samar si Ka Komi. Mula sa uring petiburges, siya ay naorganisa sa kolehiyong kanyang pinasukan sa kasagsagan ng pakikibaka ng mga estudyante upang igiit ang kanilang karapatan sa makabuluhan at abot-kayang edukasyon. Mula sa pagkilos sa hanay ng rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante, kumilos nang buong-panahon si Ka Komi sa pambansang kabiserang rehiyon (NCR) hanggang sa maging kadreng pandistrito ng Partido sa kanilang erya. Kalaunan ay kumilos din siya sa hanay ng mga manggagawa.

Pebrero 2022, nagpasya si Ka Komi na tumungo sa kanayunan upang makipamuhay sa BHB. Tatlong buwan lamang ang lumipas, noong Mayo ay nagdeklara na siyang pultaym o buong-panahong Pulang mandirigma sa isang kapihan o pagtitipon na inihanda ng kanyang yunit para sa masa. Sa loob ng hukbong bayan, naging aktibong katuwang si Ka Komi sa gawaing pampulitika sa hanay ng masa at mga kasama. Mahusay siyang gumampan ng gawaing pagsisiyasat, pagbibigay ng pag-aaral at pagsulat ng mga pahayag hinggil sa mga isyu ng masa sa mga eryang kanyang nakilusan. Naging bahagi siya ng Pulang Bandila at gumampan ng gawaing pangkultura sa loob ng BHB. Naging bahagi rin siya ng pamatnugutan ng LAGABLAB, ang panlalawigang pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Batangas. Si Ka Komi ay nagpakita ng kasigasigan at sinop sa paggampan sa rebolusyonaryong gawain, gayundin ng katatagan sa paninindigan para sa rebolusyon. Buo din ang kanyang pagsisikap na imulat ang kanyang pamilya sa buhay na kanyang pinili. Hanggang sa kanyang huling sandali ay hindi niya iniwan ang kanyang kapatid na si Pretty Sheine na nahimatay nang pumutok ang labanan.

Maaalala natin si Ka Komi bilang magiliw, matapang, at mahusay na medik at mandirigma ng mamamayan. Sa kabila ng maalwang buhay na kinasanayan, pinili niya ang landas na punong-puno ng sakripisyo at hirap alang-alang sa pagsisilbi sa interes ng masang inaapi at pinagsasamantalahan.

Leonardo “Ka Mendel” Manahan, nakatatandang kadre ng Partido at Pulang mandirigma

Tubong Palawan at nagmula sa uring magsasaka ang 62-anyos na si Ka Mendel. Namulat siya sa pakikibaka ng mga magsasaka sa lupa at laban sa mapanirang proyektong pagmimina sa Palawan. Kalakasan niya ang pagsisiyasat at pagsasaliksik, lalo ang pag-alam ng opinyon ng masa sa mga kinakaharap nilang problema. Kumilos siya sa Palawan bago itinalaga sa Batangas. Sa lalawigan ng Batangas, pangunahin siyang kumilos sa mga eryang tubuhan at pangisdaan at naging kabahagi ng mga gawain sa pag-oorganisa at pag-aangat ng pampulitikang kamalayan ng masa. Marami nang iniinda si Ka Mendel. Matanda na siya, may mga sakit, at sabog ang direksyon ng mahina niyang pandinig. Gayunpaman, hindi niya hinayaang maging balakid ang mga ito sa kanyang dakilang interes na pagsilbihan ang mamamayang Pilipino. Mula Palawan hanggang Balayan, isinulong ni Ka Mendel ang rebolusyon ng uring anakpawis hanggang sa kanyang kamatayan. Ang kanyang katatagan sa kabila ng kanyang edad at kalusugan ay magsisilbing inspirasyon sa bawat kabataang komunista upang mas mahigpit na panghawakan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa mga mamamayan.

Ang alaala nina Ka Kyrie, Ka Orya, Ka Ilaya, Ka Komi at Ka Mendel ay mananatiling buhay at naglalagablab sa puso at isipan ng masang pinili nilang paglingkuran at pag-alayan ng kanilang kaisa-isang buhay.

Nagkakamali nang malaki ang pasistang kaaway sa layunin nilang gawing bangungot para sa masang Batangenyo at mga mandirigma ng BHB ang pagkamartir ng mga kasama. Bagkus, apoy ito na ibayong nagpapalagablab sa rebolusyonaryong galit ng masang anakpawis sa sagad-sa-kaibuturang pagkaganid at kasamaan ng kasalukuyang naghaharing estado sa ilalim ng ilehitimo at pasistang rehimeng US-Marcos. Nangangako ang buong rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Batangas sa pamilya Anacta at Agda na hinding-hindi ito titigil sa pagkamit ng rebolusyonaryong hustisya at sa walang humpay na pakikibaka tungo sa isang lipunan kung saan iginagalang ang karapatang tao ng bawat mamamayan, lalong-lalo ng mga sibilyan gaya nina Pretty Sheine at Rose Jane.

Ang mga kasamang namartir ay magigiting na mandirigma ng masang anakpawis. Walang alinlangan nilang tinahak ang landas ng armadong pakikibaka at iniwaksi ang sariling interes alang-alang sa rebolusyonaryong adhikain ng inaaping sambayanan. Isinanib nila sa masang anakpawis ang kanilang ubos-kayang lakas, talino at kabataan nang walang pag-iimbot upang palayain ang sambayanan sa pang-aapi at pagsasamantala ng ganid na estado ng naghaharing uri. Sa piling ng masa, nagpakahusay silang gumampan ng kani-kanilang rebolusyonaryong tungkulin at mga gawain at naging tapat sa rebolusyon hanggang sa kahuli-hulihan nilang hininga. Ang halimbawa ng buhay nilang ipinakita kailanman ay hindi matatawaran at hindi matutumbasan nang kahit ilang libo pang walang-dangal na buhay ng pasistang kaaway. Katawang-lupa lamang nila ang nakuha ng reaksyunaryong estado, ngunit kailanman, ang kanilang diwa ay hindi mawawala sa isip at puso ng rebolusyonaryong mamamayan at kanilang mga kasama sa buhay at kamatayang pakikibaka.

Habang-buhay nating itatanghal sa ating puso bilang mga dakilang martir ng sambayanan sina Ka Kyrie, Ka Orya, Ka Ilaya, Ka Komi at Ka Mendel! Tulad sila ng mumunting ningas ng alitaptap na nagbibigay ng ilaw sa karimlan ng gabi, ng apoy sa mga sulo na tatanglaw at magbibigay-liwanag sa ating pagkilos at pagtataguyod ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang tagumpay!
###

Ang maglingkod para sa uring pinagsasamantalahan, buhay man ay ialay: Pinakamataas na pagpupugay at pagkilala sa mga rebolusyonaryong martir ng Balayan!