Pahayag

Banta ni Duterte na manhunt sa GCTA freed prisoners, balasubas at utak-kriminal

Pangitang-pangita ang pagiging utak-kriminal at balasubas ni Duterte sa banta niyang hulihin at pabalikin ang mga pinalayang bilanggo sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), kung saan sinabi niyang “pabalikin ang mga bilanggo, buhay man o patay, ngunit mas mainam na patay”. Ibinunga nito ang kontrobersyal na pagbalik ng mga naturang bilanggo nang mas marami pa kaysa nasa listahan nito.

Patunay ito na utak-kriminal ang pasista at tiranong si Duterte. Suklam na suklam na ang sambayanan sa kanya. Pinagdurusa pa niya ang mga pamilya ng patuloy na pagkukulong sa mga bilanggong karapat-dapat na gawaran ng GCTA habang pinalalaya ang mga nagkasala ng karumal-dumal na krimen na kayang bilhin ang kalayaan sa pamamagitan ng panunuhol sa mga korap na upisyal ng Bureau of Corrections tulad ng mga rapist, drug at human trafficker, murderer at mga katulad. Samantala, pinagtatakpan naman niya ang kabulukan at katiwalian ng kriminal na gang ni Faeldon sa BuCor na nagbibigay ng ispesyal na pagtrato—kapalit ng suhol—sa mga halang-ang-bituka at malalaking sindikatong kriminal tulad ni Sanchez—na rapist-murderer nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, ng mga rapist-killer ng Chiong sisters at ng apat na druglord ng Hongkong Triad drug syndicate.

Kaya hindi kataka-taka na mamamalayan na lamang ng taumbayan na nailagay na sa panibagong pwesto sa kanyang gubyerno ang mga kriminal na gang na ito sa BuCor tulad ng nangyari sa mga dating BOC commisioner Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña at sa dating PDEA director-general Ismael Fajardo na inilipat lamang kung di man binigyan ng mataas na katungkulan matapos malantad ang nkatiwalian at ismagling ng droga sa Bureau of Custom at PDEA.

Anuman ang gawin ni Duterte, hindi na niya maikukubli na batbat ng kabulukan at korapsyon ang kanyang gubyerno. Kinasusuklaman na siya ng sambayanan at lalo pa siyang nahihiwalay sa mamamayan bunga ng kalupitan, panlilinlang at pasismo. Kailangang patuloy na maging mapagmatiyag ang sambayanang Pilipino sa pakanang ito ng rehimen. Sa pagdami ng mga kaso at krimen ni Duterte laban sa bayan, dapat padagundungin ang mga panawagan para ibagsak ang taksil, mamamatay-tao, bulok, pasista at papet na rehimeng US-Duterte.###

Banta ni Duterte na manhunt sa GCTA freed prisoners, balasubas at utak-kriminal