Pahayag

Bibiguin ng Masang Bikolano ang RTF

 

Hindi kailanman magtatagumpay ang isang gerang kinatatangian ng pagiging marahas, kontra-mamamayan at reaksyunaryo. Ilanmang task force ang buuhin at pamunuan ng 9th IDPA, hindi ito magwawagi laban sa makatarungan at makatwirang rebolusyon ng mamamayan. Tiyak na bibiguin ng masang Bikolano, katuwang ang rebolusyonaryong kilusan, ang bubuuhing Regional Task Force at kakambal nitong pang-aatake sa mamamayan. Sa kabila ng kanilang mga pinalalabas na pahayag, nananatili at mananatiling bigo ang 9th IDPA at ang buong Joint Task Force Bicolandia sa pagpapahupa sa armadong pakikibaka ng masang Bikolano.

Mula nang tuldukan ng rehimeng US-Duterte ang usapang pangkapayapaan noong 2017 at tahasang iwasiwas ang pasista at kontra-mamamayang gera sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at Kapanatagan, umabot na sa isang batalyon ng kaaway ang napinsala ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa rehiyon. Samantala, nakasamsam ang Pulang Hukbo ng sapat na armas upang sandatahan ang hindi bababa sa isang kumpanya ng BHB. Kahit sa pinatinding koordinasyon ng militar at pulis mula nang mabuo ang JTFB noong Hunyo 11, 2018, nagtamo pa rin ang kanilang hanay ng hindi bababa sa isang kumpanyang kaswalti. Mula Marso hanggang Hulyo ngayong taon, naitala ang 59 na kaswalti sa hanay ng militar, pulis at mga ahente nito.

Kung may lumaki man sa datos ng 9th IDPA at JTFB, iyon ay ang bilang ng kanilang krimen laban sa mamamayan at mga orkestradong labanan. Ngayong taon, idinulot ng kanilang desperasyon na lumikha ng ilusyon ng tagumpay ang siyam na pekeng engkwentro. Kabilang dito ang isang misengkwentro sa pagitan ng yunit ng 83rd IBPA at Police Mobile Force Camarines Sur. Kinaugalian na ng 9th IDPA na gawing panabing ang palabas na mga engkwentro sa tuwing dadahasin ang masa. Isa sa mga tampok na kaso nito ang pagpatay sa mag-asawang Herminio, 69 taong gulang, at Soledad Aragdon, 60 taong gulang, sa Caramoan noong Setyembre 11, 2018. Buong kawalanghiyaang pinalabas ng 9th IDPA na mga kasapi ng BHB ang dalawang senior citizen at namatay umano sa gitna ng isang sagupaan.

Sa harap ng malaganap na teroristang atake at panunupil sa mamamayan, higit pang napapanday ang kapasyahan ng masang api at pinagsasamantalahan na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka at taas-noong ipaglaban ang kanilang kalayaan mula sa kamay ng imperyalismo at lokal na naghaharing-uri. Ito ang aral na hindi matutunan ng mersenaryong hukbo sa kabila ng paulit-ulit na pagkabigo sa kasaysayan.

Hanggat binubusabos ng reaksyunaryong pwersa ang sambayanan at hanggat pasismo ang tugon ng kaaway sa makatwirang paglaban ng mamamayan, hindi titigil ang Pulang Hukbo at ang buong rebolusyonaryong pwersa sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Bibiguin ng Masang Bikolano ang RTF