[EARLY EDITION] Biguin ang brutal na kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte! Pangibabawan ang lahat ng balakid upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Kasama ang proletaryado at sambayanang Pilipino, buong galak at may militansyang ipinagdiriwang ngayong araw ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido. Ipinararating ng Komite Sentral ng PKP ang pinakamainit na rebolusyonaryong pagbati nito sa lahat ng kasapi at kadre ng Partido, sa lahat ng Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), sa lahat ng kaalyado at kaibigan nito sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino at sa kanilang mga patriyotiko, demokratiko at progresibong mga pwersa. Ipinaaabot rin namin ang aming militanteng pakikiisa sa lahat ng komunista at rebolusyonaryo sa buong mundo na nagsusulong ng pakikibaka laban sa imperyalismo at lahat ng anyo ng pang-aapi at pasistang panunupil.
Pinararangalan natin ngayong araw ang lahat ng nabuwal na bayani at martir ng rebolusyong Pilipino na isinakripisyo ang kanilang buhay para makamit ang pambansa at panlipunang paglaya. Nagbibigay ng natatanging parangal ang Komite Sentral kina Ka Oris (Jorge Madlos), Ka Nars (Julius Giron), Ka Manlimbasog (Antonio Cabanatan), Ka Plebe (Eugenia Magpantay), Ka Boy (Agaton Topacio), Ka Yuni (Rosalino Canubas), Ka Randall Echanis, Ka Fidel Agcaoili at sa lahat ng ibang nagsilbi sa Partido nang buong proletaryong pagpapakasakit. Hindi masusukat ang mga ambag nila sa rebolusyong Pilipino. Habampanahong inspirasyon ang kanilang alaala sa pagtangan sa pamumuno ng mga proletaryong rebolusyonaryo.
Sadlak pa rin sa malalim na krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista. Patuloy na iniinda ng ekonomya ng mayorya ng mga bansa ang resesyon sa buong mundo noong 2020 matapos ang pagkaputol ng mga suplay dulot ng mga lockdown at pagtigil ng produksyon kaugnay ng pandemyang Covid-19. Malawak ang galit at pumuputok ang mga pakikibakang masa ng mga manggagawa at anakpawis na nagdurusa sa malawak na kawalan ng trabaho, gabundok na utang, dagdag pahirap na mga buwis at sumisirit na presyo.
Palubha nang palubha ang sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas na pinalalala ng korapsyon, pagtatraydor sa bansa, palpak na pagharap sa pandemya at pasistang panunupil ng rehimeng US-Duterte. Lalong pinalalim ng mga patakaran na tahasang neoliberal ang atrasado, agraryo at malapyudal na ekonomya na nakaasa sa inaangkat na mga produktong pangkonsumo at pamproduksyon at nakatuon sa pag-eeksport ng mga bahagyang naprosesong produkto na may mababang dagdag-halaga, mga hilaw na materyales at murang paggawa. Wala itong ibang hahantungan kundi ang palalim na krisis.
Pinagdurusahan ng malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping uri at sektor ang papalubhang anyo ng pagsasamantala at sumisidhing terorismo ng estado. Wala silang ibang mapagpilian kundi ipagtanggol ang kanilang interes at isulong ang mga pakikibakang ligal at ang rebolusyonaryong armadong paglaban.
Higit na determinado ang Partido na pamunuan ang sambayanang Pilipino sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan para kamtin ang hangarin para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ang kilusang pambansa-demokratiko at sosyalistang tinatanaw nito ay nananatiling kagyat, kailangan at kayang isulong sa harap ng papasidhing pang-aapi at pagsasamantalang dulot ng malakolonyal at malapyudal na sistema at pandaigdigang sistemang kapitalista na nasasadlak sa magkakasunod na krisis.
Ginagawa ng mga panatikong pasista ang lahat para durugin ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong mga pwersa. Ginagamit na nila ang pinakamalupit na paraan para ipagtanggol at panatilihin ang paghahari nila ng korapsyon at pandarambong kasabwat ng imperyalismong US.
Nananawagan ang Komite Sentral sa lahat ng pwersa nito na manatiling palagiang alisto at nasa pinakamataas ang alerto para labanan at biguin ang mga deklaradong plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na isagawa ang “huling tulak” para wakasan ang armadong rebolusyon. Sa gabay ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, higit pang determinado ang Partido na pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan, isabalikat ang lahat ng mabibigat na tungkulin, at gawin ang lahat ng kailangang sakripisyo upang biguin ang kontra-rebolusyonaryong gera ng kaaway, at pangibabawan ang lahat ng balakid para isulong ang digmang bayan sa higit na mas mataas na antas.
Nagluluwal ng umiigting na tunggalian at paglaban ang lumalalim na imperyalistang krisis
Lugmok pa rin sa krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista at hindi pa makaahon sa matagalang resesyon sa kabila ng ilusyon ng paglago bunga ng pagsikad mula sa pagkakasadsad ng pandaigdigang ekonomya noong nakaraang taon. Lumiit nang 3.1% ang pandaigidgang ekonomya noong 2020 sa sukatang gross domestic product (GDP) resulta ng pagsasara ng mga bansa, pagtigil ng daloy ng suplay, paghinto ng produksyon at iba pang mga paghihigpit para pigilan ang pagkalat ng pandemyang Covid-19 simula sa maagang bahagi ng 2020. Hindi pa rin istable ang pagbabangong pang-ekonomya at kinatatampukan ng lumalawak na agwat sa pagitan ng abanteng mga kapitalistang bansa at atradasong mga ekonomya.
Nakapagtala ng mabilis na pagsikad ang ekonomya ng mga abanteng kapitalistang bansa simula ng ikalawang hati ng 2020, humina sa unang hati ng 2021, pero tuluyang bumagal sa ikatlong kwarto ng taon. Malaking usapin pa rin ang pandemyang Covid-19 at banta sa pagmamanupaktura at komersyo. Ang paglitaw ng bagong mga baryat ay nagresulta sa panibagong mga bugso ng kaso. Ang pagluluwag sa mga restriksyon at protokol sa pampublikong kalusugan sa US at Europe sa unang hati ng taon ay napatunayang adelantado ngayong humaharap sila sa mga banta ng panibagong mga bugso ng impeksyon.
Sa katapusan ng taon, kalahati ng mga ekonomya ay inaasahang nakapako sa antas noong 2019 o bago ang pandemya. Nakakonsentra ang mga pagbawi sa mga abanteng kapitalistang bansa na nag-ulat ng 90% pagbawi at tinatayang maaabot sa 2023 at 2024 ang antas bago nagpandemya. Higit 75% ng direktang pamumuhunan sa unang hati ng 2021 ay napunta sa “mauunlad na ekonomya.” Taliwas dito, 30% lamang ng hindi mauunlad na bansa ang makalalago, at hanggang 2024, ang karamiha’y inaasahang mananatiling 5.5% na mas mababa sa antas bago ang pandemya. Sa 2025 pa inaasahang maaabot ng pandaigdigang ekonomya ang antas bago ang pandemya.
Kung sa mababaw na pagtingin, ang lubhang hindi pantay na ekonomikong pagsikad mula sa pagguho noong 2020 ay dulot ng labis na hindi pantay na distribusyon at kakulangan sa suplay ng mga bakuna, na nagbigay-daan sa paglitaw ng bagong mga baryant. Habang 70% ng mamamayan sa US at 62% sa Europe ay nakapagpabakuna na, 4% lamang ng mamamayan sa mga bansang mababang-kita ang nakapagpaturok na. Bukod sa hindi pantay na distribusyon, ang suplay ng mga bakuna ay hindi rin sapat dahil sa pagtanggi ng mga kumpanya sa parmasyutika na buksan ang teknolohiya sa pagmamanupaktura upang imonopolisa ang produksyon. Mula sa orihinal na target na 2 bilyon, ang Covax Facility ng World Health Organization ay nakapaglaan lamang ng 1.4 bilyong dosis para sa hindi mauunlad na bansa.
Gayunpaman, sa mas saligan, ang hindi pantay na pagsikad sa ekonomya, ay resulta at lalong nagpalubha sa malapad na agwat sa pagitan ng mga abanteng kapitalistang bansa at mga bansang atrasado, agraryo at hindi industriyalisado. Habang gumamit ng malalaking halaga ng pampinansyang kapital ang mga sentro ng kapitalismo at kinopo ang akses sa mga bakuna, ang dati nang lubog sa utang na mga malakolonya at hindi maunlad na bansa ay napilitang mangutang ng ilandaang bilyong dolyar at naisaisantabi sa bilihan ng bakuna. Ang pagkawasak ng mga pwersa sa produksyon na dulot ng mga paghihigpit sa ekonomya ay malayong mas malala sa mga atrasadong bansa.
Nagamit ang pandemya na dahilan ng mga imperyalistang gubyerno, bangko at institusyon sa pinansya na magbuhos ng wala pang kapantay na halaga ng piskal at salaping pampasikad para diumano muling buhayin ang mga ekonomya. Tanda ng mayor na pagpihit ng mga bansang imperyalistang sa pamumuno ng US tungo sa pagpondo ng ayuda at pagbawing pang-ekonomya, hindi bababa sa \$14 trilyon na pondong pampasigla ang inilaan para sa subsidyo, pautang sa panahon ng kagipitan, pamumuhunan pang-estado, pagkaltas sa buwis at iba pang hakbanging piskal noong 2020 at 2021. Higit 90% ng pondong pampasigla ay nakakonsentra sa anim na bansa: sa US (US\$5.9 trilyon), Japan (US\$2.9 trilyon), Germany (US\$1.5 trilyon), UK (US\$956 bilyon), France (US\$722 bilyon), at China (US\$710 bilyon). Naglaan din ng signipikanteng halaga ng pondong pampasigla, bagaman mas mababa kumpara sa pangunahing imperyalistang mga bansa, sa South Korea (US\$263 bilyon), India (US\$215 bilyon), Brazil (US\$206 bilyon), Russia (US\$85 bilyon) at Indonesia (US\$38 bilyon).
Ang pinakamalalaking nakinabang sa naturang pondong pampasigla ay ang mga monopolyong burgesya sa pinansya, teknolohiya at parmasyutika sa ngalan ng pagpopondo ng kampanya sa pagbabakuna, pagbibigay ng tulong pangkagipitan sa mga manggagawa, gayundin ang paggastos para sa pagtugon sa climate change. Ang malalaking pagbuhos ng pondo ng mga estado ay nagreresulta sa walang kapantay na antas ng utang. Pinatatampok nito na sa nakaraang dekada ay lumobo ang utang sa pinakamalaki at pinakamabilis sa kasaysayan. Sa kalagitnaan ng taong ito, ang pandaigdigang utang ay umakyat sa \$296 trilyon, 13.9% mas mataas nang magsimula ang pandemya. Sa katapusan ng taon, inaasahang lalampas ito sa \$300 trilyong antas. Ang halaga ng pandaigdigang utang ay katumbas ng 353% ng pandaigdigang GDP, higit 26% na mas malaki kumpara sa panumbasang 280% noong 2008. Ang mga paghiram at paglilimbag ng pera ng mga gubyerno ay nagtutulak sa pampublikong utang tungo sa mas matataas na antas, kung saan umaabot ito sa 123% ng GDP sa mga abanteng kapitalistang bansa sa 2021, at 63% sa hindi gaanong mauunlad na ekonomya.
Ibayong pinalalim ng pandemyang Covid-19 ang pandaigdigang krisis ng sistemang kapitalista at pinaigting ang mga kontradiksyon nito. Sa harap ng umiigiting na kapitalistang kumpetisyon at anarkiya sa produksyon, ang higanteng monopolyo-burgesya ay patuloy na nagkakamal ng higit na malaking kapital sa pamamagitan ng pagpapasidhi ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa paggamit sa artipisyal na intelidyens, robotics, kompyuter at iba pang teknolohiya. Ang resesyon, kakulangan sa suplay at pagtigil sa transportasyon at mga deliberi na dulot ng pandemya ay nagresulta sa malawakang pagkasira o pagkatengga ng produktibong mga pwersa laluna sa mga atrasadong mga ekonomya.
Ang mga krisis sa ekonomya at malawakang pagkasira ng produktibong pwersa ay nagdudulot ng ibayong konsentrasyon ng kapital, laluna sa mga bangko, institusyon sa pinansya, at pamilihan ng sapi. Naghuhugis din ito sa pagkabangkarote, gayundin ang mga pagsanib at pagbili sa mga kumpanya, kung saan nilalamon ng malalaking kapitalista ang mahihina at maliliit. Ang bilang ng mga nabangkarote simula ng pandemya ay napanatiling mababa ng malalaking paglalaan ng pondo ng estado ngunit inaasahang bubugso sa malapit na hinaharap. Umaabot sa 16% ng maliliit at katamtamang-laking negosyo sa abanteng mga bansa sa Europe at Asia-Pacific ang inaasahang mababangkarote sa susunod na mga taon, at lulusaw sa 20 milyong trabaho. Sa pandaigdigang saklaw, ang bilang ng mababangkarote ay inaasahang aakyat nang 15% kasabay ng unti-unting pagkasaid ng pondong pampasigla ng mga estado at patuloy na pagkabalaho sa resesyon ng mga ekonomya. Sa unang siyam na buwan ng 2021, may 44,000 pagsasanib at pagbili, pinakamarami sa nakaraan, na may kabuuang halagang \$4.4 trilyon, higit sa dating pinakamataas na \$4.3 trilyon noong 2015, na inaasahang tataas pa tungong \$6 trilyon sa katapusan ng taon.
Sa katapusan ng taon, tinatayang mas mababa nang 125 milyon ang buong-panahong trabaho kumpara bago magpandemya. Nananatiling mataas ang tantos ng pandaigdigang disempleyo habang mahigit 220 milyong manggagawa (o 6.3%) ang inaasahang mawalan ng trabaho sa katapusan ng 2021, bahagyang mas mataas kumpara sa katapusan ng 2020. Inaasahang babagsak ito sa 5.7% sa 2022 na mas mataas pa rin sa 5.4% tantos ng disempleyo noong 2019. Tinatayang 119 milyon hanggang 124 milyong indibidwal sa buong daigdig ang nasadlak sa labis na karukhaan simula 2020, na sa kabuua’y umaabot na sa 711 milyong indibidwal. Dagdag na 161 milyon ang nakararanas ng gutom, na sa kabuua’y umaabot sa 811 milyon.
Sa kabilang panig, ang pinakamayayamang bilyunaryo sa mundo ay patuloy na nagkakamal ng yaman. Ang sandakot na ultra-bilyunaryo ay may abereyds na yaman na \$147 bilyon. Ngayong taon, ang pag-aari ng 500 pinakamayayamang indibidwal ay pumaimbulog tungong \$7.6 trilyon, ang pinakamalaking paglago sa kasaysayan. Habang ang mamamayan ay nagdurusa sa gutom at kawalan sa lipunan, ang mga super-yamang indibidwal na ito ay nagtatapon ng pera sa lantad, at kadalasan, kaprityosong paggastos, kabilang ang pagbyahe sa mga pribadong jet at yate, at paglipad sa sa multi-bilyong katuwaang pagbyahe sa kalawakan.
Ang sentro ng pandaigdigang kapitalismo ay nananatiling nasa resesyon o di pa rin lumalago. Planong ipatupad ng gubyernong US sa ilalim ni Biden ang isang multi-trilyong dolyar na neo-Keynesian na programa sa paggasta sa tangkang ayusin ang bulok nang imprastruktura at pasiglahin ang kapistalistang ekonomya ng US na dumaranas ng dumadalas na siklo ng krisis, resesyon at mabagal na pag-unlad sa ilalim ng patakarang neoliberal. Sa kabuuan, plano ng gubyernong US na gumasta nang aabot sa \$5.5 trilyon para pondohan ang American Rescue Plan, American Jobs Program at American Families Plan, na sa saligan ay pagpapalapad ng “America First” policy ng gubyernong Trump. Ang paglalaan ng malaking halaga ng kapital ng estado ay maaarng artipisyal na magpasisigla sa ekonomya ng US, laluna sa maiksing panahon, ngunit pinatataas din nito ang panganib ng lumalaking pampublikong utang at mataas na tantos ng implasyon. Ngayong taon, halos 130% na ng GDP ang utang pederal ng US, mas mataas sa sukdulang inabot noong World War II na 120%.
Ang mga programa ito ay inilalarawan “berde” (o “maka-kalikasan”) at “progresibo,” pero sa saligan ay naglalayong ilatag ang imprastrukturang pang-ekonomya at panlipunan para sa malalaking burgesya sa US para makaakit ng mga pamumuhunan at magtulak ng kapitalistang produksyon sa kapinsalaan ng mga manggagawang Amerikano. Layunin nitong ilagay ang ekonomya ng US sa pusisyon para muling igiit ang pandaigdigang paghaharing pang-ekonomya sa harap ng nagpapatuloy na pag-unlad ng China.
Kapansin-pansin ang pagbagal ng paglago ng China sa nagdaang limang taon matapos malunod ang pandaigdigang merkado dulot ng mabilis na pagtaas ng kakayahan nito bilang prodyuser ng mga pyesang elektroniko, bakal at iba pang kagamitan sa konstruksyon. Nadidiskaril ang mga pagsisikap ng gubyerno ng China na magbawas ng sarplas na kapital at kalakal. Bumagsak ang produksyon sa konstruksyon at bakal sa 2021. Masaklaw ang pagbagal sa paggasta ng gubyerno habang ang mga gubyerno sa antas rehiyon at prubinsya ay tumatanggi sa pondong inilaan ng sentrong gubyerno para sa imprastruktura dahil sa pangambang hindi sapat ang kikitain at takot sa lumalaking utang. Bumagal ang produksyon sa gitna ng mga kakulangan sa enerhiya na itinakda ng estado na nagtulak sa mga pagawaan na magsara noong Setyembre, gayundin ng paulit-ulit na mga paghihigpit sa imbing tangka na panatilihing mababa hanggang sa wala ang mga kaso ng Covid-19. Sa pagsisikap na pasikarin ang pamumuhunan, inatas ng gubyerno ng China kamakailan ang paglalabas ng \$188 bilyon mula sa mga bangko.
Nasa bingit ng krisis sa pinansya ang China resulta ng pagbabawas ng US ng import at pagguho ng merkado nito ng real estate na pinalubha ng problema sa salapi ng higanteng kumpanyang Evergrande Group na makailang ulit na hindi nakapagbayad ng malaking utang nitong \$300 bilyon kamakailan. Sa tabing ng pagdepensa sa sosyalistang mga prinsipyo, naglunsad ang naghaharing gubyernong Chinese ng mga atake laban sa mga kumpanya sa tekonolohiya, pangunahin ang mga kumpanya ng mga monopolyo kapitalistang ng estado na kilalang tumutunggali sa naghaharing pangkating Xi Jinping.
Matapos dumanas ng 6.1% pagkitid noong 2020, ipinagmamalaki ng European Union ang mabilis umano nitong pagsikad kung saan nakabalik na sa antas bago magpandemya ang produksyon sa ekonomya. Ang paglago sa EU ay inaasahang aabot sa 5% sa 2021, pero babagal tungong 4.3% sa 2022, at 2.5% sa 2023. Sa kabila ng paglago, nananatiling mataas ang disempleyo at mas mataas kumpara bago magpandemya. Napipigilan ang paglago ng konsumo ng pinakamatas na implasyon sa 13 taon. Partikular na naapektuhan ang EU ng labis na pagsalalay nito sa kawing ng suplay na dayuhang pagmamanupaktura kumpara sa US at China, at sa dayuhang pinagmumulan ng enerhiya.
Ang Japan, pangatlong pinakamalaking kapitalistang bansa, ay patuloy na nababalaho sa deka-dekada nang istagnasyon sa ekonomya. Kumitid nang 28.2% ang ekonomya ng Japan noong Abril-Hunyo 2020 na nagpatampok sa 19 na buwan ng paghina ng ekonomya. Kahit pa nakabawi ito mula Hunyo 2020, muling kumitid ang ekonomya ng Japan noong Enero-Marso at Hulyo-Setyembre ngayong taon. Ang krisis sa ekonomya ng Japan ay pinalubha ng pandaigdigang pagbagsak sa demand para sa mga ineeksport ng Japan na mga kagamitang elektroniko, sasakyan at mga pyesa ng kotse.
Ang mga bansang atrasado ang ekonomya, kabilang ang Pilipinas, ay kumakaharap ng papalubhang sosyo-ekonomikong kalagayan sa harap ng mabilis na paglaki ng utang para pondohan ang pagbili ng mga bakuna, ang kinaltas na buwis sa malalaking korporasyon, subsidyong panlipunan at lantarang korapsyon. Simula noong nakaraang taon, nagdusa ang atrasadong mga ekonomya sa harap ng malaking bilang ng nabangkaroteng maliliit at impormal na negosyo, at makasaysayang tantos ng kawalan ng trabaho, kahirapan at kagutuman. Humigpit ang kontrol ng mga imperyalista sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga malakolonyal at atrasadong ekonomya. Sa mga darating na taon, ipapataw ng International Monetary Fund at World Bank ang ibayong neoliberal na hakbanging pagtitipid, dagdag na mga buwis, at liberalisasyon sa patakaran sa palitan at pamumuhunan na tiyak maghahatid ng higit na paghihirap sa mamamayan.
Patuloy na umiigting ang inter-imperyalistang mga tunggalian sa harap ng walang-lubay na krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema. Sumisidhi ang tunggalian sa ekonomya at kalakalan, gayundin sa karera sa armas, paghahandang militar, panghaliling digma at pang-uudyok sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Patuloy na pinaiigting ng US ang mga patakaran at hakbangin nitong anti-China. Nagpataw ito dagdag na panggigipit sa mga kumpanyang Chinese na sinasabing nang-eespiya at gumagamit ng lakas-paggawa ng mga bilanggo, sa layuning itulak ang lokal na produksyon at demand para sa mga produktong Amerikano. Layon ng trilyong dolyar na planong gastahin ng gubyernong Biden sa darating na mga taon ang paunlarin ang imprastruktura at lakas-paggawa para hikayatin ang lokal na pamumuhunan at bawasan ang pagsalalay sa imported na mga pyesang elektroniko. Gayunpaman, kailangan harapin ng US ang mas mataas na halaga ng paggawa sa bansa, sa pamamagitan ng pagbababa ng sahod, o sa pamamagitan ng pagpapatindi ng pagsasamantala sa mga manggagawang Amerikano, laluna sa mga migranteng manggagawa at mga manggagawa sa kanayunan. Makikita kung magtatagumpay ang mga hakbanging neo-Keynesian ni Biden na humiwalay sa China at sa malawak nitong dagat ng murang paggawa at taga-suplay ng pyesa, na hindi naeetsapwera sa malawak na pamilihan ng China na kumokonsumo ng kagamitang elektroniko at iba pang produktong may tatak US.
Nagbubuhos din ng bilyun-bilyong dolyar ang China para pabilisin ang pananaliksik nito para paunlarin ang teknolohiya para sa produksyon ng bagong henerasyon ng mga semiconductor. Binabantaan ng US ang akses ng China sa teknolohiyang semiconductor sa pamamagitan ng ibayong pagpapalakas ng ugnayang militar sa at presensyang militar sa Taiwan, na siyang pinakamalaking prodyuser sa daigdig ng mga pyesang elektroniko.
Nagpapatuloy ang girian ng mga kapistalistang kapangyarihan sa produksyon at kalakalan ng langis. Sinamantala ng mga may monopolyo sa produksyon ng langis tulad ng Saudi Arabia, Russia at OPEC ang tumataas na demand para sa krudo nang nagsabwatan sila para ilimita ang produksyon ng krudong langis upang itulak ang presyo nito tungong \$85 kada bariles noong Oktubre, pinakamataas sa nagdaang pitong taon. Matapos indahin ang kakulangan at tumataas na presyo ng langis, naglabas ng kanilang imbak na diesel at gasolina ang US, China, Japan at South Korea at iba pa sa tangkang ibaba ang presyo. Katambal ng panibagong banta ng pandaigdigang bugso ng impeksyon ng Covid-19, nahila nito pababa tungong \$70 kada bariles ang presyo ng langis noong umpisa ng Disyembre.
Patuloy ang paghahabulan ng nangungunang imperyalistang mga bansa sa karera sa armas. Tumaas ang pandaigdigang paggastang militar nang 2.6% tungong \$1,981 bilyon sa pangunguna ng US, China, India, Russia at United Kingdom. Sa badyet ng US na \$753 bilyon para sa militar sa 2022, 39% ang bahagi nito sa pandaigdigang badyet sa militar. Nag-uunahan ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pagpapaunlad ng mga misayl na hypersonic, mga sandatang kontra-satelayt, laser, armas nukleyar, attack drone, mga sundalong robot, nakakukubling mga jet fighter, submarino at iba pang teknolohiyang militar.
Noong Setyembre, kinumpleto ng US ang pag-atras sa Afghanistan matapos matalo ang 20-taong okupasyon nito sa bansa. Gayunman, wala itong planong bawasan ang dami ng mga base militar at pwersa nito sa ibayong dagat. Taliwas dito, nais ng militar ng US na ibayong dagdagan ang lakas nito alinsunod sa pagpapalakas ng presensya kapwa sa Asia at Europe, habang pinananatili ang presensya sa Africa, West Asia at iba pang rehiyon sa daigdig. Sa balangkas ng deklarasyon nito na ang China ang “pinakamalaking estratehikong banta,” patuloy na pinalalakas ng US ang presensyang militar sa East Asia sa pagtalaga ng pinakamalaking grupo ng aircraft carrier sa East China Sea, South China Sea at Taiwan Strait sa tabing ng mga “operasyong para sa malayang paglalayag,” habang pinabibilis ang konstruksyon ng mga base at pasilidad militar sa Pilipinas, Australia, Guam at iba pang lugar. Patuloy itong nagtutulak para sa bagong mga alyansang militar tulad ng Quad (kasama ang UK, India at Japan) at ang AUKUS (kasama ang UK at Australia.) Nagsagawa ito kamakailan ng huwad na Summit of Democracies sa kagustuhang kumuha ng suporta para palibutan at ihiwalay ang China at Russia.
Pinaiigting din ng US ang presyur militar sa Russia, at naglulunsad ng mga operasyong panghimpapawid malapit sa silangang hangganan ng Russia. Sa sulsol ng US, pinalayag ng UK ang barkong pandigma nito sa Black Sea malapit sa Crimea, na nang-udyok sa Russia na magpakawala ng mga misayl; at hinarang ng Germany ang konstruksyon ng mayor na gas pipeline ng Russia. Patuloy na nagbibigay ng tulong militar ang US sa Ukraine na nagsilbing pangontra sa pagpapalawak ng impluwensya at hegemonya ng Russia tungong Europe, habang nagpapatuloy naman ang Russia sa pagbibigay ng suportang militar sa mga rehiyon ng Russia sa Donbass, Ukraine. Sa harap ng banta ng pananakop ng Russia sa Ukraine, pinalaki ng US ang mga pwersang militar sa mga base militar nito sa Germany.
Nakapagtatag ang Russia at China ng de facto na alyansang militar laban sa US at NATO, na may mga kasunduan para sa pinagsanib na mga pagsasanay militar at pinagsanib na pagpapatrulya. Isinagawa nila ang pinagsanib na pandagat na pagpatrulya sa Sea of Japan at East China Sea. Ang China na ngayon ang may pinakamalaking pwersang nabal, bagaman nananatiling lubhang mas mahina ito sa militar ng US sa usapin ng mga aircraft carrier.
Patuloy ang mga imperyalistang kapangyarihan sa paglulunsad ng mga digmang proksi sa Middle East, Africa at iba pang bahagi ng daigdig. Sa harap ng hayag na suporta ng US, makailang ulit nang inatake ng Israel ang Palestine gamit ang mga misayl at bomba mula sa himpapawid. Nagsagawa ito ng serye ng pagpaslang at nagbabantang maglunsad ng lantarang pag-atakeng militar laban sa Iran. Patuloy na binabayo ng Saudi Arabia ang Yemen gamit ang mga bombang sinusuplay ng US. Patuloy na nagdurusa ang mamamayan ng Syria mula sa pambobomba mula sa himpapawid ng mga pwersa ng US.
Milyun-milyong mamamayan ang napalayas ng mga digma at tunggaliang udyok ng US sa Syria, Kurdistan, Libya, Ethiopia, Sudan, Afghanistan at iba pang bansa. Sa unang hati ng taong ito, umabot sa halos 90,000 tao ang napilitang tumawid ng mga dagat para magsangtwaryo sa Europe at ibang mga bansa ngunit hindi pinayagang makapasok. Labag sa internasyunal na mga batas sa pagprotekta sa mga refugee, gumagastos nang malaki ang mga bansa para itayo ang mga pader sa kanilang mga hangganan at itaboy ng mga refugee na nagreresulta sa pagkamatay ng mga tao sa peligrosong byahe sa dagat.
Lumilikha ang pandaigdigang kapitalistang krisis ng papalubhang kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala na nagtutulak sa maraming mamamayan sa buong mundo na maglunsad ng pakikibakang masa at iba pang porma ng paglaban. Kapansin-pansin ang pagdami sa bilang ng welga ng mga manggagawa ngayong taon, laluna noong Oktubre sa US, kung saan iginiit ng mga manggagawa ang pagtataas ng sahod at mas maayos na mga kundisyon sa paggawa. Mayroon ding mga pambansang protesta at welga ng mga manggagawa sa France na tumutuligsa sa labis na mababang mga sahod, gayundin ang isang mayor na welga ng mga manggagawa sa riles sa Germany, at istap sa unibersidad sa buong UK.
Malawak ang lehitimong pagkabahala at pagtuligsa sa mapanupil na mga patakarang paghihigpit kaugnay ng pandemya, sapilitang pagbabakuna at iba pang mga patakarang di pantay na pagtrato sa mga di nabakunahan. Gayunman, ang mga progresibo at pwersang rebolusyonaryo ay hindi nakapag-iinisyatiba at nakapamumuno para kundenahin ang malalaking kumpanya sa parmasyutika sa pagmomonopolisa ng mga ito sa produksyon, suplay at labis na pagpepresyo, at sa pagtanggi na buksan at ibahagi ang pormula ng bakuna para matasa ng mga independyenteng siyentista ang bisa at kaligtasan ng mga ito, magsilbing batayan para makapaghikayat ng maramihang pagbabakuna, at para bigyan ng sapat na impormasyon ang mamamayan para makapagbuo sila ng maalam na desisyon. Dahil dito, nagagawa ng mga grupong maka-kanan na palaganapin ang mga ideyang anti-siyentipiko at atrasado at mang-udyok ng mga aksyong protesta at kaguluhan sa maraming mga bansa sa Europe sa iba pang bahagi ng daigdig.
Sa India, sumambulat noong Nobyembre 2020 ang higanteng mga demonstrasyon ng ilampung milyong pesante at magsasaka na naggigiit ng wakasan ang mga patakarang neoliberal sa agrikultura, na humawan sa daan para sa buong-taong pagkakampo at protesta ng ilandaang libo sa labas ng sentro, at matagumpay na pumwersa sa rehimeng Narenda Modi na ibasura ang anti-magsasakang mga batas pang-agrikultura. Inilunsad din ng mga manggagawa at masang anakpawis ang mayor na mga protestang masa sa Myanmar, Thailand, Brazil, Palestine, Sudan, El Salvador, Colombia, Uruguay, Russia, Serbia at iba pang mga bansa para ipahayag ang hinaing ng mamamayan laban sa pasistang tiranya, mga hakbangin at patakarang neoliberal at imperyalistang interbensyon, at para igiit ang demokratikong mga reporma. Sa buong China, ilandaang welga ng mga manggagawa na naggigiit para sa pagbabayad ng sahod at protesta ng mangagawa sa transportasyon laban sa hindi patas na mga kalakaran ang ispontanyong sumiklab.
Muling umusbong ang isang “pink tide” sa Latin America sa pagkakahalal ng mga gubyernong anti-imperyalista sa Peru, Argentina, Bolivia, Dominican Republic Nicaragua, Honduras, Costa Rica at Chile, at inaasahang ibayong lalakas dahil sa mataas na posibilidad ng pagkapanalo ng mga anti-US na kandidato sa Brazil at iba pang mga bansa sa rehiyon. Binigo ng anti-imperyalistang mga gubyerno ng Cuba at Venezuela ang mga subersibong tangka ng US kamakailan na “palitan ang rehimen.” Dulot ng abanteng pampublikong sistema sa kalusugan, ang deklaradong sosyalistang gubyerno ng Cuba ay matagumpay na nakagawa at nagpaparami ng sarili nitong bakuna laban sa Covid-19, nagbakuna sa halos 100% ng populasyon nito, at nagbahagi ng kaalaman sa ibang mga bansa tulad ng Venezuela, Iran at iba pa. Sa kabila ng pahirap na panggigipit ng US, nanatiling militante ang Iran at North Korea sa pagdepensa sa soberanya ng kanilang mga bansa.
Patuloy na inilulunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa India, Manipur, West Papua, Turkey, Syria, Kurdistan, Myanmar, Colombia, Peru at ibang mga bansa para labanan ang pasistang pagsasamantala at dayuhang agresyon. Sa India, ang makasaysayang digmang bayan na isinusulong ng People’s Liberation Army ay patuloy na sumusulong sa ilalim ng pamumuno ng Communist Party of India (Maoist).
Sa harap ng matinding krisis, ilandaang milyong mamamayang api at pinagsasamantalahan ang humahanap ng komunistang pamumuno para makapagbigay ng direksyon at inspirasyn sa kanilang paglaban sa imperyalismo at lahat ng anyo ng reaksyon sa kani-kanilang mga bansa. Ang nakatayo at bagong-tatag na mga grupo at partido komunistang may pundasyon sa Marxismo-Leninismo-Maoism ay humaharap sa paborable kundisyong sa buong mundo para sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan at paglulunsad ng mga pakikibakang masa at armadong paglaban.
Nagluluwal ng ibayong paglaban ang lumulubhang krisis sa ilalim ng rehimeng US-Duterte
Sadlak pa rin sa pamalagiang krisis ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas na pinalala ng pagbagsak ng ekonomya kaugnay ng pandemya noong nagdaang taon, at ng militarista, nakaasa-sa-utang at neoliberal na tugon sa kagipitan sa pampublikong kalusugan. Lalong nalalantad ang bulok na kaibuturan ng naghaharing pampulitikang sistema habang nalalagas ang burges demokratikong mga palamuti nito at gumagamit ng lansakang terorismo ng estado ang naghaharing pangkatin na naghahawan ng daan para sa lumalaking kapangyarihan ng militar.
Ang pangunahing mga kagamitan sa produksyon ay nananatiling atrasado, agraryo at di industriyalisado, nakatuon sa pag-eksport ng hilaw na materyales, murang lakas paggawa at malamanupakturang mga kalakal, at nakaasa sa pag-import ng mga kalakal na pangmanupaktura at pangkonsumo. Ang nagtagal na mga lockdown na nagresulta sa pagguho ng produksyon noong 2020 ay ganap na naglantad sa naghihingalong kalagayan ng sistemang pang-ekonomya at kabiguan nitong isustine ang sarili at lumikha ng saligang pangangailangan ng mamamayan. Ang nagpapatuloy na pandaigdigang kapitalistang pagtumal ay nagresulta sa labis na paghina ng lokal na mala-manupakturang pang-eksport, na lalong nagpalobo sa bahagi ng agrikultura at mga sektor na mababa ang produktibidad, at nagpalubha sa di-pantay na palitan ng iniluluwas na murang hilaw na materyales at mala-manupakturang may mababang dagdag-halaga, at ng mga inaangkat na may mataas na halaga. Winawasak ang agrikultura ng Pilipinas ng malakihang pag-import ng bigas at iba pang produktong pagkain at ng pagtatago sa ibayong dagat ng kita mula sa eksport na produktong prutas.
Bumulusok noong nagdaang taon ang matagal nang lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, karaniwang mga kawani at maliliit na propesyunal. Lalo silang naghihirap sa gitna ng mataas na tantos ng disempleyo, kawalan ng kita, mababang sahod, nagtataasang presyo ng pagkain, petrolyo, iba pang batayang pangangailangan at pangangalagang medikal, nananatiling saradong mga eskwelahan, dislokasyon mula sa kanayunan, paghihigpit sa mga byahe sa ibayong dagat, pabigat na mga buwis, kawalan ng tirahan at demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lungsod.
Pinalalaki ng mga teknokrata ng rehimeng Duterte nasinanay ng World Bank na lumago ang GDP sa unang mga buwan ng 2021 gayong pagtalbog lamang ito mula sa 9.6% na pinakamalala sa kasaysayan ng Pilipinas na pagbagsak ng ekonomya noong 2020 dulot ng malubhang kapalpakan sa pagtugon sa pandemya na kinatampukan ng isa sa pinakamatagal na lockdown sa mundo.
Nahuhuli ng 2 hanggang 11 taong sa usapin ng produksyon ang karamihan sa mga subsektor sa ekonomya, laluna ang mga hotel at restoran, transportasyon at pagbobodega, real estate at iba pang serbisyo. Nahuhuli rin ng apat na taon ang pagmamanupaktura. Huli nang dalawang taon ang antas ng subsektor ng agrikultura, paggugubat at pangisda.
Mag-iiwan ang rehimeng Duterte ng gubyernong bangkarote dulot ng nawalang kita sa mga lockdown at kinaltas na buwis sa malalaking korporasyon, ng magastos at batbat sa korapsyon na programang imprastruktura, malakihang pagbili ng sobrang mahal na bago at upgrade na kagamitang pandigma para sa armadong pwersa nito at malakihang korapsyon sa burukrasya at militar. Naging takbuhan nito ang malakihang pangungutang na papasanin ng mga Pilipino sa darating na mga taon sa anyo ng lalong mabibigat na buwis.
Nangutang ang rehimeng Duterte ng ₱2.75 trilyon sa unang sampung buwan ng 2021, higit sa inutang na ₱2.74 trilyon sa kabuuan ng 2020, na nagtaas tungong 63.1% sa tumbasang utang-GDP ng bansa. Aabot sa ₱13.42 ang pampublikong utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2022, dalawang ulit na mas malaki kesa ₱5.9 trilyong utang ng bansa noong Hunyo 2016. Kasinungalingan ang sinasabi ng gubyernong nangutang ito nang napakalaki upang tustusan ang pagtugon sa pandemya. Katumbas lamang ng halos 13% ng kabuuang inutang mula 2020 ang pondong inilaan partikular sa pagtugon sa Covid-19 (₱608 bilyon sa ilalim ng mga batas na Bayanihan 1 at 2, at ₱100 bilyon sa badyet sa 2021).
Sa kabila ng “mabilis na paglago” matapos buksan ang ekonomya simula ikatlong kwarto ng taon, nananatiling nasa 3.5 milyon ang pinaliit na tantya ng “upisyal” na bilang ng disempleyo noong Oktubre 2021, na mas malaki pa rin nang 1.1 milyon kumpara sa bilang ng mga walang trabaho noong Enero 2020. Tinatayang di bababa sa isang 1.4 milyong Pilipino ang nawalan ng pultaym na trabaho, kabilang ang 621,000 empleyado sa mga pribadong negosyo. Sinasabi ng mga upisyal na mga estadistika ng gubyerno na 1.3 milyong katao ang nabigyan ng empleyo. Pero karamihan sa mga ito ay naitala sa agrikultura (lumaki dahil sa mga nagbebenta ng halamang pandekorasyon) at kalakalang pakyaw at tingi (itinulak ng bentahang online). Pinalobo ang bilang na ito ng pagsirit ng bilang ng mga nag-eempleyo sa sarili o self-employed (tumaas nang 758,000), mga empleyado sa mga sakahan o negosyo ng pamilya (tumaas nang 354,000) at di-sinasahurang manggagawang kapamilya (tumaas nang 541,000). Ang empleyo sa manupaktura, akomodasyon at serbisyong pagkain, at transportasyon at pagbodega ay nananatiling mababa kumpara sa antas bago ang pandemya.
Pinaliliit ng reaksyunaryong gubyerno ang datos sa disempleyo sa pamamagitan ng pagbabago sa pang-estadistikang depinisyon at manipulasyon, sa anyo ng hindi pagbilang sa hindi bababa sa 3.5 milyong manggagawa mula sa upisyal na “lakas paggawa” at pagturing na “may trabaho” sa mga katunaya’y wala. Ang palsipikadong datos sa disempleyo ay ibinabatay sa maling salalayang bilang at pagpapalaki sa panaka-nakang pagbabago sa bilang. Noong Oktubre, may hindi bababa sa 15.2 milyon hanggang 17.7 milyong Pilipino na wala at kulang ang trabaho, mula sa 48.5 milyong tunay na bilang ng lakas paggawa.
Dahil sa mga lockdown at kawalan ng subsidyo mula sa estado, napilitang magsara ang nasa 160,000 maliit hanggang katamtamang-laking negosyo. Laganap ang pagpapalit-gamit sa lupaing pang-agrikultura para sa pagpapalawak ng mga plantasyon, at operasyon ng mga kumpanya sa mina, at mga proyektong enerhiya, imprastruktura at turismo. Dulot nito, kakumbina ng tumataas na gastos sa produksyon at mababang presyo ng mga produktong pang-agrikultura, nababangkarote at nawawalang ng kabuhayan ang daan-daan libong magsasaka.
Patuloy na nauungkat ang malawakang korapsyon sangkot ang dambuhalang pampublikong pondo. Sa kasagsagan ng pandemya, ginamit ni Duterte ang pangkagipitang kapangyarihan para ipihit ang puu-puong bilyong pisong pondo ng bayan tungo sa mga bulsa ng kanyang malalaking burukrata kapitalistang upisyal at pinaburang korporasyon. Walang pampublikong pagsisiyasat sa pagbili ng gubyerno ng mga bakuna sa halagang mahigit ₱82.5 bilyon (na malaking bahagi ay binili sa China). Nalantad na sangkot sa pinakamalalaking kaso ang pinakamalalapit na upisyal ng burukrasya at militar ni Duterte. Mismong si Duterte at kanyang malalapit na upisyal ay imbwelto sa isa sa pinakabuktot na kaso ng pagdispalko sa bilyun-bilyong pisong pampandemyang salapi ng bayan na ipinambili sa napakamamahal na face mask, face shield at iba pang kasangkapan sa prenteng korporasyon ni Duterte na Pharmally. Bilyun-bilyong piso din ang kinukurakot ng pinakamatataas na upisyal panseguridad ni Duterte sa National Tasko Force (NTF)-Elcac kung saan ibinubuhos ang pondo sa maanomalyang mga proyektong imprastruktura sa tabing ng kontrainsurhensya. Makikita sa ulat ng pampublikong mga taga-awdit na batbat ng anomalya at kaso ng korapsyon ang halos lahat ng ahensya ng gubyerno.
Papataas ang tantos ng implasyon mula noong nagdaang taon at pinakamataas na ngayon sa loob ng tatlong taon. Tuluy-tuloy na tumataas ang presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan dahil sa manipulasyon sa presyo ng malalaking burgesyang kumprador, mga buwis at walang-tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo mula Enero. Higit 20% nang mas mataas ang presyo ng mga bilihin ngayon kaysa noong simula ng rehimeng Duterte, na humihila sa halaga ng piso. Dahil wala pang 10% ang itinaas ng arawang minimum na sahod, 10% mas mahirap dahil sa implasyon ang mga sumasahod nito.
Lumalaki ang agwat sa pagitan ng naghaharing mga uri at ng malawak na masa. Ang 40% kabuuang yaman ng bansa ay pagmamay-ari ng wala pa sa 1% ng populasyon. Ang pinagsamang yaman ng 2,919 bilyonaryo (sa piso) ay ₱8 trilyon, kung saan 27.5% (₱2.2 trilyon) ay nasa kamay ng 17 pinakamalaki. Ang pinakamayayaman sa kanila ay malalaking burgesyang kumprador sa mga bangko, negosyong eksport-import, mina, mga plantasyon, real estate, mga yutiliti (kuryente, tubig at telekomunikasyon), at pribado at pampublikong konstruksyon, na patuloy na sumusuporta at nakikinabang sa tiranikong paghahari ni Duterte. Nagkakamal sila ng yaman gamit ang kuneksyon sa pulitika na nagbibigay sa kanila ng paborableng mga kontrata sa gubyerno kasabwat ang mga burukrata kapitalista. Winawaldas nila ang kanilang pera sa mga mansyon, mamahaling sasakyan , mga pribadong eroplano, pagbyahe upang maglibang, mga piging, droga, alahas, may tatak na pananamit at bag at mga gadget. Suklam na suklam ang malawak na masa ng sambayanan sa paglulustay ng salapi ng mga taong hindi halos nagtatrabaho samantalang mayorya ng mamamayan na araw-araw na nagbabanat ng buto ay walang maihain sa kanilang hapag kainan.
Dahil sa matinding krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, nagiging imposible para sa reaksyunaryong naghaharing mga uri na maghari sa dating paraan ng bigayan sa kapangyarihan at pangingibabaw ng sibilyan sa militar. Sa isang banda, mas mahirap ang partihan sa poder at pribilehiyo ng iba’t ibang pangkating reaksyunaryo dahil nasasaid na ang mga rekurso ng ekonomya at ng estado at lalong nagiging sakim ang mga burukrata kapitalista. Sa kabilang banda, humantong ang naghaharing estado sa pagpapalakas pa ng militar at pulis sa walang saysay na tangkang supilin ang lumalaking paglaban ng masa at para wakasan ang nagpupunyaging armadong rebolusyonaryong paglaban sa pamamagitan ng superyoridad sa armas.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, pumipihit nang mabilis ang reaksyunaryong pampulitikang sistema tungo sa hayagang paghaharing tiraniko, militarisasyon ng mga ahensyang sibilyan, at lansakang terorismo ng estado. Sa ilalim ng tiraniya ni Duterte, kalakaran nang yurakan ang palamuti ng “checks and balance” (o pagbabalanse sa mga sangay ng gubyerno) at mga prosesong parlamentaryo. Walang pananagutang nilalabag ng armadong mga pwersa ng estado at ng pulis ang karapatang-tao. Sumasaklaw ang papel ng mga aktibo at retiradong mga heneral ng militar sa pulitika sa pagtukoy ng mga patakaran at programa ng estado, pagpapatakbo sa burukrasya at pagkontrol sa mga rekurso at programa ng mga ahensya ng estado. Ang pakanang muling ibalik ang mga Marcos, na buweladong-buweladosa ngayon, ay tanda ng lalupang pagkabulok ng naghaharing pampulitikang sistema, at maghahawan ng daan sa walang-pigil na pag-abuso sa kapangyarihan.
Lubos na kinamumuhian ng mamamayang Pilipino ang tiranikong rehimeng Duterte dahil sa pasismo at terorismo ng estado nito, burukratang kapitalismo, pagtataksil sa bansa, at paglulumpo sa ekonomyang atrasado at agraryo na nagresulta sa lalong pagsadsad ng sosyo-ekonomikong kalagayan ng masang anakpawis.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, ipinatutupad ng armadong mga pwersa ng estado ang sustenidong kampanya ng mabagsik na paninibasib sa mamamayang Pilipino sa anyo ng pekeng “gera sa droga,” gera laban sa mamamayang Moro at kontrarebolusyonaryong gera laban sa mga pwersang demokratiko, progresibo, patriyotiko at rebolusyonaryo. Niratsada ni Duterte at kanyang mga alagad sa kongreso ang malupit na Anti-Terrorism Law (ATL) na hayagang lumalabag sa batayang mga karapatang demokratiko sa tabing ng “paglaban sa terrorismo.” Sa sulsol ni Duterte, brutal na inatake ng reaksyunaryong armadong pwersa, pulis at mga armadong ahente ang mga pwersang pambansa-demokratiko. Kabi-kabila ang malulubhang paglabag sa karapatang-tao. Naging notoryus si Duterte sa buong mundo bilang pasistang tiranong uhaw sa dugo. Iniimbestigahan ngayon sa International Criminal Court (ICC) ang kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kanyang huwad na gera sa droga.
Kapalit ng mga pangakong pautang upang tustusan ang mga proyektong pang-imprastruktura na kaugnay ng maaanomalyang mga kontrata sa gubyerno, walang-kahihiyang isinuko ng rehimeng Duterte ang soberanya ng bansa sa China sa pagpapahintulot nitong magreklamasyon, magtayo ng mga pasilidad militar at magpakat ng mga pwersang nabal at panghimpapawid sa loob ng teritoryong pandagat at eksklusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas. Tumanggi itong itulak at ipagtanggol ang mga karapatan ng bansa sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS) at sa ilalim ng desisyon ng International Arbitral Tribunal noong 2016 na pabor sa Pilipinas kontra sa China. Traydor si Duterte sa pakikipagsabwatan sa China sa panghihimasok-militar at pagtataboy nito sa mga Pilipino sa sarili nilang pangisdaan na nagresulta sa pagkabawas ng kanilang huli.
Habang naninikluhod sa China, nananatiling pinuno si Duterte ng neokolonyal na estadong nakapailalim sa lahatang-panig na paghahari ng US sa pulitika, ekonomya, kultura at militar. Pinananatili ng imperyalistang US ang kapangyarihan nito pangunahin sa pagkontrol, patuloy na indoktrinasyon, pagsanay, pagpondo at pag-armas sa reaksyunaryong armadong pwersa. Habang nananatili ang Pilipinas sa ilalim ng imperyalismong US, ang dominanteng imperyalistang kapangyarihan sa bansa, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang China sa ilang bahagi ng mga naghaharing uri gamit ang panunuhol, sosyohan, at pagbuhos ng malalaking pondo sa tangkang pahinain ang dominanteng impluwensya ng US.
Pinalubha ni Duterte ang krisis pang-ekonomya ng malakolonyal at malapyudal na sistema at binangkarote ang gubyerno sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga dikta-ng-IMF na patakarang neoliberal. Lalo pa niyang ibinukas ang kalakalan at pamumuhunan sa kapinsalaan ng lokal na mga negosyo, mga manggagawa at prodyuser sa agrikultura. Iniutos niya ang liberalisasyon ng pag-import ng bigas at karneng baboy, kinaltasan ang buwis ng malalaking korporasyon, ibinaon ang bansa sa gabundok na utang, pumasok sa pabigat at maaanomalyang mga kontrata sa imprastruktura, nagpataw sa mamamayan ng karagdagang mga buwis, binansot ang sahod at binigyang-daan ang malawakang pagpapalit-gamit sa lupa.
Nagpapatuloy ang kapalpakan ng rehimeng Duterte sa pagtugon ng bansa sa pandemyang Covid-19. Itinalaga niya ang mga heneral sa halip ng mga ekspertong pangmedikal upang pamunuan ang pagtugon ng gubyerno sa kagipitan sa pampublikong kalusugan. Mahigit isa’t kalahating taong ipinailalim sa mapang-aping lockdown ang bansa, na nagpasara sa produksyon, mga negosyo, eskwelahan at mga pangkulturang aktibidad. Sa gitna ng pandemya, kapos na kapos ang mga hakbang na palakasin ang sistema ng pampublikong kalusugan. Hanggang ngayon, walang libre at maramihang testing, at walang maaasahang sistema ng contact tracing na dahilan bakit mahigit isang taong mabilis na kumakalat ang sakit. Ilang buwang naantala ang pagbibigay ng mga benepisyo at pondong pangkagipitan para sa mga nars at manggagawang pangkalusugan, na nagresulta sa matinding kahirapan sa medikal na mga frontliner. Sa takbo ng buong-taon na lockdown, wala pa sa katumbas ng buwanang sahod ang subsidyong ipinamigay ng rehimen, na nagresulta sa kahirapan at kagutuman ng milyun-milyong pamilya.
Kulang ang suplay ng bakuna ng bansa. Mahigit 40% pa lamang (o 46.95 milyon noong huling linggo ng Disyembre) ng mga Pilipino ang nabakunahan, habang napag-iwanan ang mamamayan sa kanayunan. Aabot pa lamang sa 1.34 milyon ang nakaturukan ng “booster,” kaya magiging problema ang pagkawala ng bisa ng bakuna sa mga darating na buwan sa harap laluna ng lumilitaw na mga bagong mas nakahahawang baryant. Wala pa ring makabuluhang hakbang upang paunlarin ang imprastruktura ng sistema pampublikong kalusugan, kinaltasan pa ang badyet ng ilang pasilidad medikal na nasa frontline na tungkulin sa pagtugon sa pandemya. Ipinakikita ng mga ulat ng gubyerno ang makabuluhang pagliit sa bilang ng arawang kaso ng Covid-19 mula Nobyembre na maiuugnay sa mga pagbabakuna at iba pang salik. Sa paglitaw ng bagong mga baryant ng Covid-19, nariyan ang pangambang magkaroon muli ng di-makontrol na bugso ng bagong hawaan sa Pilipinas dahil sa kakulangan ng mga hakbang ng gubyerno na palakasin ang sistema ng pampublikong kalusugan. Walang mga hakbang para itulak ang lokal na produksyon ng bakuna o suportahan ang mga syentistang Pilipino na magpaunlad ng mga bakuna laban sa Covid-19, na siyang dahilan para umasa ang bansa sa imported na mga bakuna. Taliwas sa batayang mga karapatang demokratiko, ginawa ng mga upisyal ni Duterte at ng malalaking negosyo na sapilitan ang pagpapabakuna gayong lubhang kulang ang suplay. Isinisikreto ng malalaking kumpanyang parmasyutika ang pormula at teknolohiya sa produksyon ng inieeksperimentong mga bakuna. Hindi ito nakatutulong sa mga hakbang na kumbinsihin ang mamamayan sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna at ang pagmamandato nito ay nagiging hakbanging diktador. Ikinukubli rin nito ang katotohanang walang sapat na bakuna, at kapos ang hakbang na hikayatin at imulat ang mamamayan tungkol sa mga bakuna.
Ilalantad ng eleksyong 2022 ang pinakamasasamang aspeto ng naghaharing sistemang pampulitika na kinatatampukan ng sistemang padrino, pulitika ng may pera, pandaraya at panlilinlang. Hindi bababa sa pitong mayor na pampulitikang partido ang tumatakbo para sa mga susing pwesto na patunay ng malalim na pagkakabitak-bitak ng naghaharing mga uri. Wala ni isa sa mga partidong ito ang nagtagumpay na makabuo ng kumpletong linyada para sa senado.
Layunin ni Duterte na panatilihin sa pwesto ang sarili at ang kanilang dinastiyang pampulitika upang patuloy na magkamal ng yaman sa pamamagitan ng korapsyon at upang umiwas sa imbestigasyon at pag-usig ng ICC. Bahagi ng kanyang pakana ang dayain ang eleksyong 2022 upang tiyaking pabor ang resulta nito sa kanyang binasbasang mga kandidato, tulad ng pandaraya sa eleksyong 2019 upang ipwesto ang kanyang mga alagad sa senado at sa mababang kapulungan ng kongreso. Nakapwesto na ang makinaryang pandaya ni Duterte sa pagkakatalaga sa mayorya ng mga upisyal ng Commission on Elections at sa “dekompyuter na sistema ng pagbibilang.” Maaari pa rin niyang piliing ipataw ang pasistang diktadura kung hindi niya makuha ang mga pabor sa kanyang pampulitikang alyansa o kung hindi niya mapigil ang umiigting na mga protesta sa darating na mga buwan bago ang eleksyon.
Nakonsolida ng naghaharing pangkating Duterte ang alyansa nito sa mga Arroyo, Marcos at Estrada, kilalang mga tirano ng reaksyunaryong sistema ng Pilipinas, na kumakatawan sa pinakabrutal at pinakakorap na mga pangkatin ng mga naghaharing uri. Sa ngayon ay naplantsa nila ang kanilang mga tunggalian sa hatian sa kapangyarihan at partihan ng mga kontrata ng gubyerno, kahit pa lantarang ipinahayag ni Duterte ang kanyang pagkayamot na hindi napiling kandidato bilang presidente ang kanyang anak na babae. Ang pinakamapera sa pangkating ito, ang mga Marcos, ang siya ngayong dominante sa anyo ng tambalang presidente at bise-presidente nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio. Ibinubuhos sa kanilang kampanyang pang-eleksyon ang dambuhalang halaga ng rekursong dinambong sa pinagsamang 20 taon ng tiranikong paghahari ng kanilang mga ama. Pagkatig sa pinakabrutal at korap na reaksyunaryong pangkat ang ipinakikita ng ilang oligarko, kabilang ang ilang kroni noong batas militar, sa pagsuporta nila kay Marcos. Ang ibang malalaking burgesyang komprador, sa takot na balikan sila sakaling umiral ang ikalawang diktadurang Marcos, ay nagbubuhod din ng suporta sa kampanya ni Marcos Jr.
Ang pinakamalaking oposisyong katunggali ng tambalang Marcos-Duterte ay si Bise Presidente Leni Robredo, kandidato ng Liberal Party sa pagkapangulo. Gayunman, pinili niyang dumistansya sa pambansa-demokratikong mga pwersa na may napatunayang base sa eleksyon na hindi bababa sa ilang milyong boto. Lalupa siyang lumikha ng disgusto sa patriyotiko at demokratikong mga pwersa nang iendorso niya ang NTF-Elcac ni Duterte sa tangkang tiyakin ang suporta ng militar. Makukuha pa rin niya ang suporta ng patriyotiko at demokratikong mga pwersa sa pamamagitan ng ibayong pagpapalakas ng kanyang oposisyon sa rehimeng Duterte at paglaban sa pagbabalik ng mga Marcos, at pagkakaroon ng malinaw na tindig para sa libreng pamamahagi ng lupa at pambansang industriyalisasyon, pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, pagwawakas sa mga brutal na taktika ng AFP, dagdag sahod at pagwawakas sa kontraktwalisasyon at seryosong pakikipag-usapang pangkapayapaan sa NDFP.
Dapat sikapin ng pampulitikang oposisyon na likhain ang milyong-lakas na kilusang masa laban sa tambalang Marcos-Duterte upang pigilan ang balak ng naghaharing pangkatin na dayain ang eleksyong 2022. Sa ganito, malinaw nilang malalantad ang manipulasyon ng mga resulta kapag dinaya ito pabor sa mga Marcos at Duterte. Dapat buong-buong nakahanda ang kilusang masa ng patriyotiko at demokratikong pwersa na maglunsad ng mga aksyong protestang masa upang biguin at gapiin ang pakana ng mga Duterte na dayain ang eleksyon, at sakaling magawang nakawin ito nila Marcos-Duterte, pigilan silang makapagkonsolida ng kapangyarihan, at hamunin ang kanilang paghahari mula sa unang araw hanggang sila’y mapatalsik.
Ipinatupad ng rehimeng Duterte ang walang habas na kontra-rebolusyonaryong gera laban sa patriyotiko, progresibo at rebolusyonaryong mga pwersa sa desperasyon ipreserba ang bulok na naghaharing sistema at panatilihin ang sarili sa kapangyarihan. Sa ilalim ng doktrina ng kontra-insurhensya at “anti-terorismo,” ipinatutupad ng mga pasista ang masaklaw na panunupil na bumibira sa lahat ng direksyon at tumatarget sa malawak na bahagi ng lipunan. Tumindi ang mga atakeng ito mula nang pandemyang Covid-19 nang ipinailalim ang buong bansa sa kontrol ng pulis at militar sa tabing na pangangasiwa sa pampublikong kalusugan.
Ang National Task Force (NTF)-Elcac, ang huntang sibilyan-militar ni Duterte, ang nagsisilbi ngayong utak ng rehimen sa kampanya ng terorismo ng estado. Labag sa prinsipyo ng pagtatangi sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, malisyoso nitong binabansagan “komunista” (red-tag) ang buu-buong mga komunidad, ligal na mga organisasyon, mga progresibo, grupong sibiko, mamamahayag, myembro ng akademya, mga pulitiko, taong simbahan, gayundin ang internasyunal na mga organisasyon.
Gamit ang ATL, pinalabo ang NTF-Elcac ang pagkakaiba ng mga armadong kombatant sa mga sibilyan. Biniktima nito ang mga lider at aktibista ng mga organisasyong pangmasa at mga komunidad sa mga masaker at ekstrahudisyal na pagpaslang, paniniktik, pagdukot, tortyur, iligal na pag-aresto at detensyon, pagbabanta at intimidasyon at iba pang malulubhang paglabag sa karapatang-tao. Pinupwersa nito ang mga manggagawa na itiwalag ang kanilang mga unyon sa mga pambansa-demokratikong sentro ng militanteng unyonismo. Pinupwersa nito ang mga organisasyon ng magsasaka na magbuwag at bumuo ng pasistang mga organisasyon sa pangunguna ng AFP na sumasang-ayon sa mga interes ng mga kumpanya sa mina at malalaking plantasyon.
Sa kanayunan, mga sibilyan ang tinatarget ng inilulunsad na gera ng AFP sa tabing ng “community support program” o “barangay development program” kung saan ipinaiilalim ang mga residente sa pinakamalulubhang anyo ng panunupil. Sa udyok ng NTF-Elcac at pangakong ₱20 milyon bawat “nalinis” na barangay, naghuhuramentado ang mga yunit pangkombat ng AFP sa mga “kampanyang pasurender” nito sa mga baryo sa kanayunan. Nagpapataw ang AFP ng batas militar sa mga komunidad at gumagamit ng mga taktikang pangsindak na naghahasik ng takot sa mga sibilyan. Tuluy-tuloy na nilalabag ang batayang mga karapatang sibil at pampulitika ng mamamayan. Ipinaiilalim sila sa walang humpay na intimidasyon. Pinapasok ng mga sundalo ang mga bahay nang walang mandamyento. Pauli-ulit na ipinatatawag sa mga kampong militar ang mga residente upang “linisin” ang kanilang mga pangalan at ipinaiilalim sa mga interogasyong tumatagal ng ilang oras. Inuudyukan ang mamamayan na “tukuyin” ang kanilang mga kapitbahay bilang “tagasuporta ng NPA.” Nagpapataw ng blokeyo sa pagkain at kabuhayan ang nag-ooperasyong mga yunit ng AFP. Pinipigilan ang mga magsasaka at manggagawang bukid na magsaka sa kanilang mga lupain.
Dumadalas ang paggamit ng AFP sa pambobomba mula sa ere upang sindakin ang mga sibilyan, at paluhurin ang mamamayan sa kanilang pangmilitar na superyoridad, na lansakang labag sa internasyunal na makataong batas. Ang mga bulubunduking lugar, sakahan at eryang malapit sa mga komunidad ay tinarget ng 500-librang mga bomba na inihuhulog ng mga eroplanong pandigma, mga rocket mula sa mga pang-atakeng helikopter, at panganganyon. Likas na walang pakundangan ang pambobomba mula sa ere at panganganyon, at inilalagay sa panganib ang buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kanilang ari-arian. Puu-puong libong mamamayan ang napupwersang magbakwit mula sa kanilang mga komunidad dahil sa takot bunsod ng kampanyang pambobomba ng AFP. Labis na nato-troma ang mamamayan, laluna ang mga bata at nakatatanda, dahil sa kampanyang pambobomba ng AFP. Ilang sibilyan na ang namatay dahil sa pagkataranta at takot. Winasak ng mga bombang inihulog ng AFP ang mga sakahan at sinunog ang mga kagubatan na siya ring pinagkukunan ng pagkain, tubig, gamot at kabuhayan ng mga magsasaka at minoryang mamamayan.
Ipinakikita ng pinatinding pampulitika at pangmilitar na panunupil ang lumalaking desperasyon ng naghaharing reaksyunaryong rehimen na pigilan ang paglakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Bilyun-bilyong pisong pera ng bayan ang nilulustay sa pagbili ng mga jet fighter, mga pang-atakeng helikopter, drone, bomba, rocket, kanyon, artileri, riple at bala, gayundin ng mga GPS tracker, kamera na paniktik at iba pang kagamitan. Nangako ang AFP na paiigtingin ang opensibang militar nito sa darating na mga buwan dahil sa paulit-ulit nitong deklarasyong “dudurugin” ang BHB bago matapos ang termino ni Duterte.
Pawang walang-saysay ang mga deklarasyong ito. Sa kabila ng natamong pinsala ng ng ilang yunit ng BHB, ang higit na nakararami sa mga yunit gerilya ng BHB ay napapawalambisa ang superyoridad ng kaaway at matagumpay na nakapagpalakas at nakapagpalawak ng kanilang suportang base.
Dahil sa dinaranas nilang higit na lumalalang kalagayang panlipunan, napupukaw ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino na lumaban sa lahat ng paraan. Sa paghantong sa lansakang teroristang mga atake ng estado, parami nang parami ang inuudyok ng tiranikong rehimeng Duterte na sumapi sa BHB, maglunsad ng armadong pakikibaka at mag-ambag sa pag-abante ng digmang bayan.
Nagpupunyaging paglaban sa harap ng pinasidhing panunupil
Nagluluwal ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ng lalong hindi mabatang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi at lalong nagtutulak sa mamamayang Pilipino sa landas ng rebolusyonaryong paglaban. Sa harap ng papalubhang terorismo ng estado, korapsyon at pambansang pagtatraydor sa ilalim ng tiraniya ni Duterte, higit na determinado ang malawak na masa na ipagtanggol ang kanilang pambansa at demokratikong mga karapatan at interes at isulong ang pambansang demokrasya.
Sa kabila ng brutal na mga taktika ng kontra-rebolusyon, patuloy na sumusulong at nag-iipon ng lakas ang digmang bayan. Kasabay nito, sustenido ang mga protestang masa sa harap ng palpak na tugon sa pandemya, kakulangan ng ayudang pang-ekonomya, malalaking kaso ng korapsyon, malakihang pangungutang, pumpaimbulog na presyo ng pagkain at langis, liberalisasyon sa importasyon ng bigas at karne, pagkaltas sa buwis ng malalaking korporasyon, pabigat na buwis sa mamamayan, pagsirit ng gastos sa militar, lumalaking bilang ng paglabag sa karapatang-tao, dumaraming kaso ng pambobomba mula sa ere, at iba pa.
Ang mga kadre at aktibista ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nasa ubod ng papalakas na paglaban ng masa sa tiraniya ni Duterte at ng sumusulong na demokratikong rebolusyong bayan. Ang mga lihim na sangay at komite ng Partido ay patuloy na itinatayo at pinalalakas kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Nasa taliba ng mga demokratikong pakikibakang masa at armadong pakikibaka ang mga kadre ng Partido. Kasama ang mga Pulang mandirigma ng BHB at mga rebolusyonaryong pwersang alyado sa National Democratic Front of the Philippines, patuloy na matapang at mapangahas na isinasabalikat ng mga kadre ng Partido ang mahihirap na tungkulin para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, kahit sa harap ng pasistang pagpapahirap at brutalidad.
Sa kanayunan, patuloy na nagsusulong ang Bagong Hukbong Bayan ng digmang bayan sa buong bansa. Nagbibigay ng estratehikong pamumuno ang Komite Sentral ng Partido, sa pamamagitan ng Komiteng Tagapagpaganap at Komisyong Militar, katuwang ang mga upisyal ng Pambansang Kumand Pang-operasyon ng BHB. Nagbibigay naman ng taktikal na pamumuno ang mga panrehiyong komite ng Partido at mga panrehiyong kumand pang-operasyon ng BHB sa 14 na rehiyon at ang kanilang mga kumand sa subrehiyon at mga larangan.
Ang pambansa at panrehiyong kumand pang-operasyon ng BHB ay nananatiling buo sa kabila ng walang-tigil na mga laking-dibisyon at laking-batalyon na mga operasyon ng AFP. Sa Mindanao, kung saan inilulunsad ng AFP ang pinakabrutal na mga anyo ng panunupil mula 2017, mabilis na nakaangkop ang mga yunit ng BHB sa malalaking estratehikong opensiba ng AFP, at ngayo’y nagpapaigting ng gawaing masa at gawaing militar. Patuloy nilang tinatamasa ang malalim na suporta ng masang magsasaka at minoryang Lumad, laluna’t nalalantad nang nalalantad ang mga kasinungalingan, korapsyon at pakikipagsabwatan ng AFP sa mga kumpanya sa pagmimina at plantasyon. Sa nagdaang taon, nabigo rin ng BHB ang mayor na mga estratehikong opensiba ng kaaway sa mga prubinsya ng Cagayan, Ilocos Sur, Quezon, Camarines Norte, Masbate at iba pang prubinsya sa Bicol, gayundin sa mga isla ng Mindoro, Palawan, Samar at Negros.
Sa buong bansa, ipinakikita ng BHB ang pagkadalubhasa nito sa paggamit ng mga taktikang gerilya ng pagkakalat, paglilipat-lipat at konsentrasyon para iwasan ang pagkubkob ng kaaway at pagbira sa kaaway mula sa likod o mga tagiliran. Patuloy silang nagpapatatag, nagrerekrut at nagsasanay ng bagong mga Pulang mandirigma, nagpapalawak ng teritoryo at nagpapalakas ang Bagong Hukbong Bayan. Alinsunod sa itinakdang direksyon ng Partido, pinalakas ng mga yunit ng BHB ang pagpapalalim at pagpapalawak ng gawaing masa upang palaparin ang mga erya ng operasyon nito at biguin ang mga estratehikong opensiba ng kaaway.
Sa nagdaang taon, matagumpay na naisagawa ng mga yunit sa gawaing masa ng BHB ang mga kampanya upang iahon ang masa mula sa labis na pagdurusa, laluna sa mga lugar na tinamaan ng peste, malalakas na pag-ulan, bagyo at matinding pagbaha. Pinakikilos ang mga Pulang mandirigma bilang mga pangkat pamproduksyon para sa pagkukumpuni ng mga bukid, pagtatanim at pag-ani. Isinagawa ang mga kampanya ng pagtatanim ng gulay at kamote para tiyakin ang suplay ng pagkain at pagaanin ang epekto ng lockdown sa mga komunidad. Tinutulungan ng mga komite ng Partido at yunit ng BHB ang masang magsasaka na mag-organisa at itaas ang kapasidad sa sama-samang produksyon sa pamamagitan ng pagtipon ng kanilang rekurso at lakas paggawa.
Sa harap ng banta ng hawaan sa Covid-19, nagsasagawa ang mga yunit ng BHB, katuwang ang mga lokal na organisasyong masa at manggagawang pangkalusugan, ng kampanyang pang-edukasyon sa mga baryo upang itaas ang kaalaman at pag-unawa ng mamamayan sa kalikasan ng pandemya, sa mga hakbanging pangkalusugang pampubliko para pigilan itong kumalat, at sa mga halamang gamot para labanan ang mga sintomas, at upang hikayatin ang pagbabakuna kung meron nito. Kasabay nito, naglulunsad ng mga klinikang bayan ang mga medik ng BHB upang magsagawa ng mga pagtsekap para alamin ang sakit, pag-aruga at paggamot sa mga karaniwang sakit at magbigay ng serbisyong dental, simpleng mga pag-opera at iba pang serbisyong medikal.
Maraming mahirap na mag-aaral sa kalunsuran at kanayunan ang napag-iwanan mula isinara ang mga paaralan noong nakaraang taon at ipinatupad ang “distance learning system” dahil wala silang pondo o akses sa mga serbisyong pangtelekomunikasyon (internet). Upang lutasin ang pangangailangan ng mga bata, maraming mga Pulang mandirigma ang nagsisilbing titser sa komunidad para magturo ng mga leksyon sa mga bata upang maipagpatuloy nila ang pagkatuto at tulungan sila sa kanilang mga asaynment.
Sa dati at bagong mga erya, nagbubuo ang mga yunit ng BHB ng mga batayang organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at mga bata. Binubuo ng mga ito ang mga komite para isagawa ang pambansa demokratikong edukasyon, pagrerekrut, pagpapalitaw ng pondo at iba pang tungkulin. Nagrerekrut at nagsasanay ng mga Pulang mandirigma para sa mga yunit nito ng milisyang bayan. Binubuo ng mga organisasyong masa ang kanilang mga kwerpong pananggol-sa-sarili para panatilihin ang katiwasayan sa mga komunidad at makipagtulungan sa mga milisya.
Inilulunsad ang mga kampanya masa na nagpapakilos at pangunahing nakaasa sa mahihirap na magsasaka at manggagawang-bukid para sa pagpapapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas sa sahod, pagpapababa sa presyo ng abono at iba pang kagamitang pang-agrikultura, makatwirang presyo sa bentahan ng mga produkto at iba pang repormang agraryo na bumubuo ng minimum na programa sa reporma sa lupa. Sa mga lugar na sapat ang lakas ng BHB at mga lokal na organisasyon ng Partido, ipinatutupad ang maksimum na programa ng pamamahagi ng lupa.
Itinatatag ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa ipinatatawag na pagtipon ng mga asembliya sa baryo o ng mga kinatawan ng mga lokal na organisasyong masa upang ihalal o hirangin ang mga upisyal ng mga rebolusyonaryong komite sa baryo, at itayo ang mga komite sa depensa, hustisya, edukasyon, kalusugan, kultura at iba pa. Itinatayo ang mga organisasyong pangkultura upang payabungin ang kulturang patriyotiko, siyentipiko at makamasa at itaas ang militansya at determinasyon ng bayan na lumaban.
Paalun-alon na nagpapalawak at nagpapalakas ang BHB sa pamamagitan ng wastong balanse ng pagpapalawak at konsolidasyon. Ang mga panlarangang yunit ng BHB ay nagmamantine ng kumpanyang istruktura ng pwersa upang magawa nitong magpakat ng mga platun na panggawaing masa sa erya sa palibot ng sentro ng kumpanya, habang pana-panahong inililipat ang sentro upang umiwas sa pagkubkob ng kaaway, ibayong palawakin ang erya ng operasyon nito at maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mahihina at nahihiwalay na yunit ng kaaway.
Habang nagpapalawak ng erya ng operasyon ang BHB, nananatili ang mahigpit nitong ugnay sa masa sa mga konsolidadong erya, laluna yaong mga dumaranas ng matinding operasyong militar ng kaaway. Mahigpit ang koordinasyon at pagtulong ng BHB sa masa sa kanilang paglaban sa mga hakbanging panunupil ng kaaway. Naglulunsad ang mga yunit ng BHB ng napapanahong mga taktikal na opensiba upang parusahan ang pinakabrutal na mga yunit ng kaaway upang idiskaril ang operasyon at palayasin ang mga ito.
Magiting na nilalabanan ng rebolusyonaryong masa ang armadong panunupil ng kaaway. Napupukaw silang lumaban dahil sa pasistang mga pang-aabuso at paggambala sa katiwasayan. Aktibo at mapanlikha nilang nilalabanan ang presensya ng kaaway sa kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng harapan at di harapang protesta. Patuloy nilang pinalalakas ang kanilang mga organisasyon at nagpupulong at nag-aaral na di nakikita ng paniniktik ng kaaway. Patuloy silang nakadugtong at nakikipagtulungan sa mga lokal na yunit ng BHB. Nagbibigay sila sa BHB ng napapanahong impormasyon tungkol sa aktibidad at kilos ng kaaway. Sa ilang komunidad, nagpapanggap silang mga “sumurender” para gawing kampante ang kaaway. Nagkukunwari silang mga “impormante” pero ang totoo’y katuwang nila ang BHB. Niloloko lang ng kaaway ang kanilang mga sarili sa pagsasabing dumaragsa ang masang “sumusurender” sa kanila.
Sa harap ng pinaigting na paggamit ng kaaway ng mga drone at elektronikong paniniktik, ang mga yunit ng BHB ay inatasang magpakahusay sa gerilyang mga maniobra at paraan ng paggawa. Malalim ang pag-unawa ng mga Pulang mandirigma sa prinsipyong “mamamayan, hindi mga bagay, ang mapagpasya” na inilahad ni Tagapangulong Mao. Nasa kaaway man ang malaking bentahe sa sandata at lakas pamutok, talo naman sila sa superyoridad sa pulitika ng BHB. Taglay ang malalim na suporta ng masa, napananatili ng mga yunit ng BHB na bingi at bulag ang kaaway sa kilos at mga operasyon nito. Taglay ang pagkadalubhasa sa lokal na tereyn at mataas na antas ng disiplina upang manatiling di nakikita o natutunton sa paraang elektroniko, sa kalakhan ay nagagawa ng BHB na ipawalangsaysay ang mga drone at kagamitan sa paniniktik ng kaaway.
Matagumpay ang higit na nakararaming yunit ng BHB na umiwas sa tinaguriang nakapokus na operasyong militar o mga opensiba ng kaaway at nabigo ang layunin ng kaaway na isagawa ang mga mapagpasyang labanan. Humalaw ang Partido at BHB na mahahalagang aral sa mga taktikal na kabiguan ng ilang yunit gerilya, kabilang yaong dulot ng pambobomba ng kaaway, na nagresulta sa pagkamartir ng ilang mga Pulang mandirigma.
Patuloy na kinukuha ng BHB ang inisyatiba sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa iba’t ibang dako ng bansa, inaasinta laluna ang mga yunit ng AFP na may malalalang paglabag sa karapatang-tao at kaso ng terorismo. Kasama ang mga magsasaka at masang minorya, patuloy ring nagsisilbi ang BHB na mga tagapangalaga ng kalikasan, laban sa mga kumpanya sa pagmimina, plantasyon at iba pang mandarambong at mananaklot ng kanilang kabuhayan.
Nagpapatuloy ang paglaban sa neoliberal na mga patakarang pang-agrikultura, laluna ang liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas, pati na sa ismagling ng iba pang produktong pang-agrikultura na humihila sa presyo ng bentahan ng mga produkto at bumabangkarote sa libu-libong magsasaka. Nilalabanan din ng masang magsasaka at masang minorya ang walang habas na pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural, pang-aagaw ng lupa at pagwasak sa kapaligiran.
Katuwang ng masang manggagawa at malaproletaryado, at iba pang anakpawis, nilalabanan din ng masang magsasaka ang pagtaas ng presyo ng langis, buwis sa mga produktong petroloyo at iba pang pabigat na buwis, pagpaimbulog sa presyo ng pagkain at batayang mga kalakal at serbisyo, liberalisasyon ng importasyon ng isda at karne, at iba pang patakarang lalong umaapi sa kanila.
Sa gitna ng pandemya, walang patid ang mga pakikibaka para isulong ang kapakanan at interes ng iba’t ibang sektor sa buong bansa. Nagsasama-sama sila para igiit ang ayudang pampinansya at mga subsidyo, at ang pagpapalawak at pagpapalakas ng sistema ng pampublikong kalusugan. Matagumpay ang inilunsad na mga aksyong protesta ng mga nars at manggagawang pangkalusugan para igiit ang mas mataas na sweldo at iba pang benepisyo.
Sumiklab ang mga welgang manggagawa at aksyong protesta para sa umento sa sahod at kaseguruhan sa trabaho. Paulit-ulit ang mga protesta ng mga pampublikong guro para itaas ang sweldo, at bayaran ang obertaym at karagdang alawans para punan ang lumaking gastos nila sa pag-angkop sa nakasarang mga paaralan. Ipinanawagan ng mga estudyante ang ligtas na pagbubukas ng mga eskwela at ipinahayag ang kolektibong hinaing laban sa sistemang “blended learning.” Nagprotesta rin ang mga drayber para ibalik ang ruta ng kanilang mga dyip, ibaba ang presyo ng langis, bayaran ang serbisyong ibinigay nila sa gubyerno at iba pa. Pumutok ang mga protesta ng mga nagdedeliber laban sa mapang-aping kundisyong itinatakda ng mga opereytor ng mga serbisyong ito.
Tiyak na dadami pa ang mga aksyong protesta laluna sa harap ng pagsirit ng mga gastos sa pamumuhay na nagreresulta sa paglala ng katayuang sosyo-ekonomiko ng bayan. Lalong nagagatungan ang galit ng sambayanan sa paglapad ng agwat sa pagitan ng malaking mayorya ng masang anakpawis, sa isang panig, at ng matataas na burukrata at malalaking kapitalista na patuloy na nakapagpapayaman sa korapsyon at pabor ng gubyerno, sa kabilang panig.
Sa harap ng lumalalang pampulitikang panunupil, lumalakas rin ang paglaban sa terorismo ng estado at pasismo. Dahil sa mapaniil na ATL ni Duterte, nagsama-sama ang malawak na mga pwersang demokratiko para hingin ang pagbabasura nito. Malawak din ang pagtutol sa NTF-Elcac at malakas ang panawagan para alisan ito ng pondo at buwagin. Nag-aaksyong masa rin bilang protesta sa red-tagging, ekstrahudisyal na pamamaslang, pag-aaresto, tortyur at walang taning na detensyon sa bisa ng gawa-gawang mga kaso. May ilang aktibistang di makatarungang inaresto at sinampahan ng palsipikadong kaso batay sa ebidensyang tanim ng pulis ang nagkamit ng mga ligal na tagumpay at napalaya na mula sa pagkakabilanggo.
Isang malawak na hanay ng mga pwersa ang humaharap ngayon sa tambalang Marcos-Duterte sa eleksyon, kahit di pa sila nagkaisa sa susuportahang mga kandidato. Aktibong nilalabanan ng kabataang Pilipino ang panunumbalik ng mga Marcos at pagpapanatili ng pampulitikang dinastiya ng mga Duterte, dahil batid nilang kinabukasan nila ang nakataya. Malamang na malamang na sisiklab ang isang malaking pag-aalsa ng mamamayan tulad noong 1986 matapos puspusang nalantad ang pandaraya ni Marcos sa eleksyon.
Ang mga rebolusyonaryong organisasyong kaalyado ng NDFP ay patuloy na nakapagpapalapad at nakapagpapalakas. Sa pag-igting ng pasistang panunupil, lalong lumilinaw sa papalaking bilang ng mamamayan na dapat palakasin ang lihim na kilusang rebolusyonaryo at armadong pakikibaka.
Namumukod na tungkulin ng Partido
Pinamumunuan at isinusulong ng Partido and demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas upang kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya. Ang saligang layunin ay palayain ang sambayanang Pilipino mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, ibagsak ang malakolonyal na estado at maka-uring paghahari ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa at wakasan ang sistemang malakolonyal at malapyudal. Itatatag nito ang demokratikong gubyernong bayan na magsasagawa ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, magtataguyod sa demokrasyang bayan upang ihanda ang mga salik para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.
Nagtagumpay ang Partido sa pagtataguyod, at sa masikhay at mapanlikhang aplikasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan sa Pilipinas. Nagawa nitong isang di malulupig na pwersang materyal ang unibersal na teorya ng proletaryado. Itinatag ng Partido ang sarili nito bilang abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino at ginabayad ang paglago at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa nagdaang limang dekada.
Naitayo ng Partido ang buong tatag na organisasyong tumatalima sa mga prinsipyo ng demokratikong sentralismo, o demokrasyang ginagabayan at pinag-iisa ng sentralisadong pamumuno, sentralismong nakabatay sa demokrasya. Isinasakatuparan ang kolektibong pamumuno sa pamamagitan ng sistemang komite. Ang Komite Sentral ng Partido, Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap, mga hinalal sa Ikalawang Kongreso ng Partido noong 2016, ang nagbubuklod at namumuno sa buong Partido at mga rebolusyonaryong gawain nito.
Mahigit 150,000 ang kasapi ng Partido, at may baseng masa na ilang milyong mamamayan, kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Malalim na nakaugat ang Partido sa mga manggagawa at magsasaka, gayundin sa malaproletaryado at mga intelektwal na petiburges sa kalunsuran. Sumasailalim ang lahat ng kasapi ng Partido sa proseso ng rebolusyonaryong pagpapanibagong-hubog sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasapraktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Nakapagpalitaw ang Partido ng malaking bilang ng mahuhusay na komunista at rebolusyonaryong mandirigma, na marami’y ibinigay ang pinakamalaking sakripisyo para sa hangarin ng proletaryado at mga aping uri. Habampanahon silang aalalahanin. Patuloy na payayabungin ng Partido ang bunga ng kanilang mga pagpupunyagi at mga sakripisyo.
Itinatatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan mula sa isang platun ng mga Pulang mandirigma noong 1969 na nagsilbing binhing pwersa para sa pagsuong ng matagalang digmang bayan alinsunod sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula kanayunan. Naitatag ng BHB ang baseng masa ng ilang milyong maralitang magsasaka at manggagawang bukid sa pamamagitan ng matatag na pagsulong ng rebolusyong agraryo alinsunod sa rebolusyonaryong gabay sa reporma sa lupa ng Partido. Nakapagsasariling lumago ang BHB sa isang pambansang pwersang gerilya, na kumikilos sa mahigit 110 larangang gerilya sa 90% ng mga prubinsya sa Pilipinas. Mabilis at malawakang lumago ang Partido sa 14 na taon ng armadong paglaban sa batas militar ni Marcos, at pinangibabawan ang mga opensibang militar ng anim na presidente mula 1986. Bibiguin rin ng Partido at ng BHB ang walang-saysay na deklarasyon ni Duterte na pupulbusin ang armadong paglaban bago magtapos ang termino niya sa taong darating.
Itinakda ng Komite Sentral ang layuning kumpletuhin ang rekisito ng pagsulong tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba at sumulong sa susunod na yugto ng digmang bayan sa pamamagitan ng malawakan at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalapad at papalalim na baseng masa. Dapat tasahin ng Partido ang kasalukuyan nitong Limang-Taong Programa. Dapat lagumin ng mga sentral at panrehiyong komite ng Partido ang mga nakamit at tukuyin ang mga kahinaan sa pagpapatupad nito. Dapat tayong humalaw ng mga aral mula sa mga abanteng karanasan, pati mula sa mga kabiguan.
Katulad na nakapanaig ang Partido sa todo-largang mga estratehikong opensiba ng diktadurang Marcos, nagawa rin nitong makapanaig sa mahigit limang taon ng pinakabrutal na paninibasib ng pasistang tiraniyang US-Duterte. Matagumpay ang mga namumunong komite ng Partido sa pagpreserba, pagpapalakas at pagpapalawak ng pinamumunuan nilang rebolusyonaryong pwersa. Dapat bigyang pansin ang pagpapaunlad ng mga internal na salik sa pagpapalakas ng Partido, BHB at nagkakaisang prente sa mas malaking bahagi, at ang pangingibabaw sa mga salik na nagresulta sa istagnasyon o nakapagpahina sa ibang bahagi.
Dapat nakahanda ang Partido na suungin ang mahihirap na labanan sa pulitika at militar sa darating na mga buwan, sa harap ng todo-bwelong mga opensibang militar at total war laban sa bayan sa walang saysay na layuning durugin ang demokratikong rebolusyong bayan.
Sa isang panig, hindi nasisindak ang Partido at ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagpapasiklab ng kaaway, dahil lubos nilang batid na sa likod ng bakal na talukab nito ay ang nagnanaknak na ubod ng labis na kinamumuhian at itinatakwil na naghaharing sistema ng pang-aapi at pagsasamantala, korapsyon, pagtatraydor at terorismo ng estado. Sa kabilang panig, dapat mataman nating pag-aralan ang mga kalakasan ng kaaway at alamin ang mga paraan para biguin ang mga layunin nito. Handa ang mga kadre ng Partido at mga rebolusyonaryo na pangibabawan ang tendensyang maghanap ng sitwasyong maalwan o kasiya-siya, at harapin ang malalaki’t maliliit na sakripisyo para isulong ang rebolusyonaryong paglaban ng bayan.
Dapat nating labanan ang ibayong brutalidad ng rehimeng US-Duterte na gumagamit ng terorismo ng estado para payukuin ang bayan sa kanyang kapangyarihan. Dapat mapagpasyang lutasin ang hindi naiuulat na mga kaso ng pang-aabusong militar at paglabag sa karapatang-tao. Dapat paigtingin ang mga kampanya upang lubos na ilantad at batikusin ang bawat kaso ng paninindak, iligal na pagrerekisa, pagyurak sa karapatan sa pamamahay, di makatwirang pag-aresto, pagdukot, pwersahang “pagpasurender,” at mga ekstrahudisyal na pagpaslang, laluna sa mga baryo na hinahamlet sa tabing “community support program” o “barangay development program” ng AFP. Dapat may kampanya para palakasin ang panawagan sa pagpapahinto sa walang pagtatanging pambobomba mula sa ere, pag-iistraping at panganganyon ng AFP na naglalayong sindakin ng terorismo ang bayan na tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas.
Dapat samantalahin ng Partido at tumatalim na krisis pampulitika ng naghaharing sistema upang ihiwalay ang rehimeng US-Duterte. Sasabog ang krisis na ito sa darating na mga buwan kaugnay ng nakatakdang eleksyong pampresidente. Dapat lubos na ilantad ang mga tangkang dayain ang dekompyuter na pagbibilang sa boto pabor sa naghaharing pangkating Duterte. Dapat tipunin sa isang malapad na nagkakaisang prente ang pinakamalawak na pwersa laban sa rehimeng Duterte. Dapat biguin sa pamamagitan ng dambuhalang mga protesta sa lansangan ang mga tangka ni Duterte na palawigin ang kanyang poder sa pamamagitan ng pandaraya o pagpataw ng hayagang pasistang diktadura.
Dapat walang kapagurang maramihang pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan sa lahat ng anyo ng armado at hindi armadong paglaban. Dapat mahigpit na hawakan ang inisyatiba, ihanda ang bayan at isulong ang kanilang mga pakikibaka sa harap ng posibleng mga pagbabago sa sitwasyong bunsod ng nagkukumbulsyong naghaharing sistema.
Sa mga darating na taon, dapat patuloy na magpalakas ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Dapat pamunuan ng Partido ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.
Dapat patuloy na magpakatatag ang Partido sa ideolohiya sa pamamagitan ng pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoism upang palakasin ang proletaryong maka-uring paninindigan at pananaw ng lahat ng mga kadre at kasapi nito, at ang gagap nila sa pangkasaysayang misyon ng proletaryado at mga tungkulin sa pamumuno sa bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.
Ang tatlong antas na kurso ng Partido ay dapat masigla at masigasig na ipatupad habang isinasabalikat ang kagyat na mga tungkulin sa propaganda at pagpapakilos. Bawat sangay at komite ng Partido ay dapat may upisyal o komite sa edukasyon. Dapat tiyakin na mayroong kinakailangang libro at artikulo, papel man o elektroniko, para sa pagbabasa at talakayan sa lahat ng antas.
Dapat patuloy na palalimin ng mga kadre at komite ng Partido ang kanilang kaalaman at paggagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng panlipunang imbestigasyon upang alamin ang partikular na kundisyon at problema ng masa, upang tasahin ang kanilang lakas at mga kahinaan, upang kilalanin ang kaaway at bumuo ng mga plano para itaas ang antas ng gawain sa saklaw ng kanilang pamumuno. Dapat mulat at sistematikong ginagamit ng mga komite ng Partido ang diyalektikong materyalistang paraan ng pagsusuri upang makabuo ng mga obserbasyon at kongklusyon mula sa datos, at upang maitaas ang antas ng rebolusyonaryong praktika mula sa isang antas tungo sa mas mataas na antas.
Dapat tiyakin ang regular na pulong ng lahat ng komite ng Partido upang tipunin ang kolektibong kapasyahan ng mga kadre at aktibista. Dapat nilang isagawa ang mga pagtatasa at kumperensya ng paglalagom, at mga pulong para sa punahan at pagpuna-sa-sarili. Dapat pana-panahong ilunsad ang mga kumperensya para sa mga gawain para makapagbahaginan ng karanasan ang mga kadre sa layuning itaas ang antas ng kanilang gawain. Dapat tumanggap ang mga namumunong komite ng regular at espesal na ulat mula sa pinamumunuan nitong mga komite, at napapanahong maglabas ng mga gabay o atas. Lahat ng makabuluhang impormasyon ay dapat ipaabot sa Komite Sentral ng Partido.
Dapat patuloy na palakasin ang mga sangay ng Partido bilang susi sa pagtataas ng kakayahan ng Partido na pamunuan ang masa at ang kanilang mga pakikibakang masa. Dapat sistematiko at walang tigil ang pagrerekrut ng bagong mga kadre mula sa hanay ng mga abanteng aktibistang masa. Dapat sikapin ng bawat sangay ng Partido at namumunong komite sa tertoryo na bumuo ng bagong mga sangay ng Partido sa bawat takdang panahon upang tiyakin ang tuluy-tuloy na paglapad ng Partido.
Dapat patuloy na itatag at palakasin ng Partido ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa upang mabuo ang pagkakaisa ng bayan alinsunod sa kanilang maka-uri at pangsektor na interes, gayundin, alinsunod sa masasaklaw o partikular na usapin. Maaaring itayo ang iba’t ibang anyo ng asosasyon upang umangkop sa partikular na sitwasyon sa isang lokalidad. Dapat sikaping mabuo ang mga sangay ng Partido sa lahat ng pinakamalaking enklabong manggagawa at sa mga estratehikong empresang industriyal at komersyal, mga mina at plantasyon, kolehiyo at unibersidad, upisina, mga sektor, institusyon, komunidad at iba pa. Dapat samantalahin ang kundisyon upang itulak ang mayor na paglakas sa kilusang manggagawa sa pambansang at panrehiyon na mga sentrong urban.
Dapat patuloy na pasiglahin ng Partido ang gawaing propaganda upang kontrahin ang antikomunistang mga kasinungalingan at disimpormasyong pinakakalat sa midya at social media ng mga panatikong reaksyunaryo. Dapat puspusang palaganapin ang programa para sa demokratikong rebolusyong bayan at ang mga pagsusuri ng Partido sa mga tampok na usaping pambansa at lokal. Dapat patuloy na palaganapin ang Ang Bayan at mga rebolusyonaryong publikasyon, at lumikha ng iba’t ibang anyo ng propaganda para milyun-milyong abutin ang malawak na masa at itaas ang kanilang kamulatan at militansya. Bawat kadre at aktibista ng Partido ay dapat walang kapagurang magsilbing mga kawal sa hukbong pampropaganda para sa pambansang demokrasya.
Dapat buuin ng Partido ang pinakamalawak na posibleng nagkakaisang prenteng anti-pasista bilang susi sa pagpapakilos sa milyong mamamayan para biguin ang iskema ng terorismo ng estado at panlilinlang ng rehimeng US-Duterte para palawigin ang tiraniya, korapsyon at pagtatraydor. Dapat biguin ng Partido at malawak na demokratikong mga pwersa ang tangkang dayain ang eleksyong 2022 at ilukok ang tambalang Marcos-Duterte o iba pang reaksyunaryong kandidatong magsusunud-sunuran kay Duterte. Dapat palaguin ang kilusan, laluna sa hanay ng kabataang Pilipino, para hadlangan ang lubos na panunumbalik ng mga Marcos. Dapat ikumbina ito sa mga protestang masa para isulong ang kagyat na mga kahilingan para sa karagdagang sahod, trabaho, subsidyong pang-ekonomya at iba pang mga hakbangin para iahon ang bayan sa gitna ng krisis sa ekonomya.
Dapat patuloy na paunlarin ng Partido ang mga pakikibakang anti-imperyalista at antipasista at iugnay ang mga ito sa mga pakikibakang antipyudal at antipasista sa kanayunan. Dapat sikapin ng kilusang magsasaka na maramihang pakilusin ang masa sa pamamagitan ng paglalatag ng kagyat na mga kahilingan para wakasan ang liberalisasyon sa pag-aangkat, pagpapalit-gamit sa lupa at pang-aagaw sa lupa, para sa makatwirang presyo ng mga produktong pang-agrikultura, subsidyo sa produksyon, kanselasyon ng mga utang sa mga lugar na sinalanta, at iba pa.
Dapat patuloy na pamunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan sa paglulunsad ng malawak at maigting na pakikidigmang gerilya sa papalapad at papalalim na baseng masa. Dapat palawakin at patatagin ang baseng masa ng BHB sa pamamagitan ng malawakang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagharap sa pangmatagal at kagyat ng pangangailangan ng masang magsasaka.
Dapat sikapin nating palaparin ang mga larangang gerilya at bumuo ng bagong mga larangang gerilya at mga subrehiyon upang palawakin ang erya ng operasyon ng BHB para biguin ang kaaway sa taktikang blockhouse at kampanya para kubkubin ang mga yunit ng BHB at itulak sila sa mapagpasyang mga labanan. Dapat magpakadalubhasa ang mga namumunong komite ng Partido at kumand ng BHB sa balansyadong pagpapakat ng pwersa para sa pagpapalawak at konsolidasyon, at para sa gawaing masa at gawaing militar. Ang pahalang na pagpapalapad ng baseng masa ay dapat itumbas sa konsolidasyon at pagpapalakas ng mga sangay ng Partido at yunit ng BHB. Dapat isagawa ang mga pagsasanay sa pulitika at militar ng mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma at kumander ng BHB upang maisabalikat ang pabigat nang pabigat na mga tungkulin para mapangahas na isulong ang rebolusyon.
Dapat sikapin nating mapagpasyang lutasin ang mga panloob na suliranin at pangibabawan ang lahat ng balakid para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat nating itaas ang rebolusyonaryong diwa at determinasyon ng lahat ng kadre ng Partido, Pulang mandirigma at aktibistang masa sa pagharap sa lalong brutal at mabagsik na kaaway.
Dapat samantalahin ng Partido ang paborableng kundisyon para palakasin at palawakin ang ugnayan nito sa pandaigdigang proletaryado at lahat ng aping mamamayan, hikayatin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang paglapat nito sa kongkretong kundisyon sa iba’t ibang bansa upang itaguyod ang pagkakaisang anti-imperyalista ng malawak na pwersang demokratiko, patriyotiko at progresibo at mga gubyernong nakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Dapat aktibong ibahagi ng Partido ang kanyang karanasan sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino, habang natututo sa abanteng karanasan ng mga rebolusyonaryo, at iba pang kilusan para sa pambansa at panlipunang paglaya sa iba’t ibang dako ng mundo.
Sa paggunita ng Partido sa ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag nito, dapat nating ipagdiwang ang ating mga nakamit, habang tinatanaw natin ang pangingibabaw sa lahat ng hadlang para isulong ang demoratikong rebolusyong bayan sa hindi pa naaabot na antas.
Download PDF
Read in English