Pahayag

Bukas na liham para sa lahat ng mga makabayan at patriyotikong mamamayan ng NCMR

Mahal naming mamamayan ng North Central Mindanao Region,
Isang mainit na pagbati sa inyong lahat!

Hinahambalos tayo ngayon ng isang pambansang sakuna na ipinatutupad ng rehimeng US-Duterte. Hindi ligtas dito ang mamamayan. Hindi maipagkakaila na apektado ang buhay, kabuhayan at kinabukasan ng mamamayan.

Nais naming ipaabot ang aming mahigpit na pakikiisa, laluna sa mga makabayan at may malasakit, mayaman man o mahirap, ano man ang tribu o lahi, paniniwala’t relihiyon, nasa hanay man ng reaksyunaryong gubyerno at sa armadong pwersa nito (AFP, PNP, CAFGU) at iba pa.

Nananalig kami sa inyong praktikal at kritikal na kakayahang basahin at sukatin ang ating kasalukuyang kalagayan. Kayo mismo ang magpapatunay kung natupad ba ni Duterte ang mga kanyang pangakong “pagbabago”? Napawi ba niya ang ENDO? Wasto ba ang kanyang “gera kontra-droga” na kumitil sa libu-libong inosenteng maralita? Nahinto ba ang korapsyon sa gubyerno? Naipagtanggol ba niya ang ating pambansang soberanya laban sa mga dayuhan? Umasenso ba ang buhay ng ordinaryong Pilipino sa kanyang ‘TRAIN Law’ at iba pang programa sa ekonomya?

Naniniwala kami na alam ninyong tapos na ang panahon ng pagkukunwari, panlilinlang at panloloko ng rehimeng Duterte. Hindi na matatabunan ng kanyang mga troll at ng mga ipinapalaganap nitong pekeng balita ang bulok na katangian ng kanyang rehimen. Kumupas na ang kanyang “makamasang mukha” habang lalo pang lumitaw ang kanyang sungay
at pangil.

Hindi maikukubli ang patuloy na paghihirap ng maralitang Pilipino. Pawang palabigasan para sa mga dayuhan at mayayaman ang programang pang-ekonomya ng rehimen. Pinapasan ni Maria at Pedro ang dagdag na pasanin ng nananagasang buwis, mataas na bilihin at kawalan ng trabaho. Samantala, lalong bumigat ang pananagutan ng mga dambuhala at dayuhang korporasyon, lalo pang bumaha ang walang buwis na mga pagkaing imported, laluna sa palay, na nagpabangkrap sa lokal na mga prodyuser at nagpabundat sa mga malalaking komersyante at komprador sa loob ng gabinete at tagasuporta ng kanyang rehimen. Pinangunahan naman ng mga dayuhang bansa ang pagtatayo ng base militar, mga pook aliwan at pagsasamantala sa ating mga yamang dagat, mineral, lupa at sa karunungan at lakas-paggawa ng ating mamamayan.

Ang walang patid na iskandalo ng kanyang gabinete at matataas na upisyal ng gubyerno tulad ni Faeldon, Albayalde, Duque, Cam ay iilan lamang sa mga matingkad na halimbawa ng kanyang bulok at garapal na pangkatin. Hindi pa kabilang dito ang singaw ng korapsyon sa Philheath, Bureau of Costums, Bureau of Corrections, kabilang ang nangyaring hazing sa Philippine Military Academy na ikinasawi ni Darwin Dormitorio na taga-Cagayan de Oro.

Sa kabilang banda, walang pakundangang itinakwil ni Duterte ang kahilingan ng mamamayang Moro para sa pabahay, lupa, tulong pinansya at kabuhayan ng daan-libong biktima ng kanyang gyera sa Marawi. Ganito rin ang nangyari sa mga bakwit sa Kamansi, Lagonglong, Misamis Oriental at mga lumad ng Bukidnon at Agusan del Norte at Agusan del Sur. Patuloy din ang malulupit na pagwasak sa tahanan ng mga maralitang lunsod at ang pagpapalayas sa mga maglalako sa gilid ng daan at merkado sa ngalan ng “kaayusan at pagpapaluwag sa daloy ng trapiko.”

Ating nauunawaan kung bakit mahigpit na sinusupil ni Duterte ang kalayaan sa pagpapahayag. Tanging ang kanyang mga “kabutihan” at yaong pumupuri sa kanyang paghahari ang nais niyang iparinig at ipakita sa mamamayan. Sinusupil din niya ang lahat ng bumabatikos sa kanya. Tinatakpan ang umaapaw na kapalpakan ng kanyang rehimen. Dama natin ang pagtutol at paglaban ng kritikal na mamamahayag sa Cagayan de Oro, Bukidnon at Butuan City. Sila’y pinapapatahimik, pinahihirapan, binubusalan, sinisita, at pinararatangang kasapi o tagasuporta ng New People’s Army (NPA). Ang mga organisadong pagkilos ng mamamayan para sa kanilang karapatan at kagalingan, tulad ng paggiit nang ayudang bigas sa gubyerno sa panahon ng tagtuyot ngayong taon ay tinuturing na kasangkapan ng NPA. Pinagbabantaan at ginigipit din ang mga nakikisangkot na mga upisyal ng lokal na gubyerno. Maging sa hanay mismo ng AFP at PNP, marami ang diskontento sa kanilang kalagayan.

Tulad ni Marcos, martial law ang tabing ni Duterte upang kumapit sa kapangyarihan lagpas ng 2022. Liban sa kalupitan at pasismo, tinitiyak niya ang kanyang paghahari sa pamamagitan ng pagtalaga ng mga dating heneral at upisyal militar ng mga posisyon sa gubyerno.

Sa NCMR, umabot na sa 41 lider magsasaka, lider-lumad, mga aktibista na kilalang nakikibaka para sa interes ng bayan ang pinaslang mula nang maupo sa pwesto si Duterte. Kalkulado at sadyang hiwa-hiwalay ang arangkada ng piling pagpaslang upang hindi maisiwalat sa publiko. Noong Hulyo, apat na sibilyan ang sunud-sunod na pinatay sa Agusan del Norte at Agusan del Sur. Noong Agosto hanggang sa maagang bahagi ng Setyembre, limang inosenteng sibilyan naman ang sunud-sunod na pinaslang sa Bukidnon. Naniniwala si Duterte na sa pamamagitan ng pagpaslang sa mga aktibista at tagasuporta ng kilusan, hihinto sa pag-rerebolusyon ang masa at mawalan nang liderato ang mga organisasyong masa. Ang mga sundalo’t pulis na nagmistulang asong ulol, hukuman at bilanggoan ay ginamit din upang maghabla nang gawagawang mga kaso at idetine nang walang-taning ang mga makabayang nakikibaka, laluna ang mga maralita.

Pawang panlilinlang, pagpapasuko at todo-gera ang layunin ng rehimeng Duterte sa usaping kapayapaan. Sa ngayon, ang Oplan Kapanatagan na idinugtong sa Oplan Kapayapaan bilang pagpapaunlad sa kanyang kontra-insurhensyang kampanya na nagsadlak sa mamamayan sa dustang kalagayan. Ginamit nito ang buong ahensya ng gubyerno sa pagbubuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang sawatain at busalan ang bayang
lumalaban. Nagpalabas si Duterte nang gantimpalang pera sa bawat mapatay na NPA. Sa paghahabol ng gantimpala, dumami pa ang kaso ng pamamaslang sa mga inosenteng sibilyan sa mga operasyong militar ng AFP laban sa NPA.

Sa kabila nito, alam natin na may hangganan ang kapangyarihan at lakas ng rehimeng Duterte. Sa kasalukuyan, lalong nalantad ang mga kabigoan at kahinaan nito. Batid natin ang mapanlabang diwa at kasaysayan ng mamamayang Pilipino na sa sama-samang pagkilos nito ay magagapi ang pasismong nangingibabaw ngayon.

Kailanman, hindi niya magagapi ang rebolusyonaryong kilusan. Hindi kailanman tatalikod ang rebolusyonaryong kilusan sa tungkulin nitong palayain ang bayan mula sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Determinado ang rebolusyonaryong kilusan ng NCMR na pagkaisahin ang buong bayan para mapangahas na harapin at biguin ang humahambalos na atake ng rehimeng Duterte. Isa itong oportunidad para sa atin upang lalo pang mapanday at matuto sa buhay at kamatayang pakikibaka. May kakayahan tayong mag-ambag sa pagbigo sa mabangis na atake at paggapi sa kalupitan ng rehimeng Duterte. Huwag tayong panghinaan ng loob at magpadala sa takot at pagdadalamhati, at itransporma ang ating pagkamuhi sa mga kongkretong aksyon. Magiting nating suungin ang sakripisyo upang palayain ang bayan at kamtin ang hustisyang panlipunan.

Muli, laban sa iisang kaaway, bukas ang pinto ng rebolusyonaryong kilusan sa pakikiisa at pakikipagtulungan sa inyo para sa lahat ng posibleng paraan upang ibagsak itong pasista at diktador na rehimeng Duterte.

Lubos na sumasainyo,

Ka Norsen Manggubat, Tagapagsalita
North Central Mindanao Region
Partido Komunista ng Pilipinas

Bukas na liham para sa lahat ng mga makabayan at patriyotikong mamamayan ng NCMR