Pahayag

Tugon ng LDGC-NPA-Mindoro sa SONA ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II Demokratikong Rebolusyong Bayan ang tanging solusyon sa paglutas ng ugat ng kahirapan at armadong tunggalian

,

Pawang buladas lamang ang binanggit ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na mga “tagumpay” sa kanyang ikalawang SONA. Tulad ng inaasahan, puros kahibangan at delusyon lang ang sinambit ng rehimen kaugnay sa tunay na kalagayan ng bansa. Bilang beteranong salamangkero, lumikha ito ng ilusyon na sa isang taon, naihatid ng kanyang rehimen ang pagbabago at kaunlaran ng kabuhayan ng sambayanang Pilipino. Sa totoong buhay ang kanyang pamilya at mga kroni lamang ang tumatag at bumuti ang kabuhayan habang wala itong dinalang pakinabang sa mamamayang naghihirap. Pinatunayan lamang ng ikalawang SONA na hindi dapat bitawan ng sambayanan at mamamayang Mindoreño ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Lalo pa itong nasasalamin sa proklamasyon ng pasistang rehimen na magbibigay ito ng amnestiya sa mga miyembro ng rebolusyonaryong kilusan, lalo na sa mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) at Barangay Development Program (BDP). Matagal nang lantad sa mamamayang Mindoreño ang tunay na mukha ng mga huwad na programang ito ng pagpapasuko ng reaksyunaryong gubyerno. Taliwas sa sinasabi ng delusyonal na rehimeng US-Marcos II, kinasusuklaman ng mga Mindoreño ang Focused Military Operations (FMO) at Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) na walang ibang ginawa kundi perwisyo sa kanilang buhay at kabuhayan. Wala nang maloloko ang buhong na rehimen sa tagumpay ng ECLIP at BDP bilang tugon sa ugat ng kahirapan. Nangangarap nang gising ang rehimen na maaakit ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa binabalandra nitong inasukalang kampanya ng malupit na pagsupil gamit ang ECLIP at BDP ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Hindi malilimutan ng mamamayang Mindoreño kung paano sila dinahas, ginipit, hinamlet, tinortyur, sapilitang pinapirma sa pagsuko at pinagkakitaan ng mga burukrata, sundalo at pulis ang RCSPO-ECLIP-BDP. Mula taong 2019 hanggang sa kasalukuyan, hindi bababa sa 40,348 mamamayan ang naging biktima ng mala-Martial Law na paniniil na ginagawa ng berdugong AFP-PNP-MIMAROPA sa mga pamayanang nilulunsaran ng RCSPO. Hindi bababa sa 7,000 ang nabiktima ng pekeng pagpapasuko sa ilalim ng nasabing programa, kalakhan sa kanila ay mga sibilyan na walang kinalaman o ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.

Garapalang ginamit ang ECLIP at BDP na palabigasan ng mga matataas na opisyales ng AFP-PNP, RTF-ELCAC, at maging ng mga katuwang nitong relihiyosong organisasyon tulad ng Seventh Day Adventist (SDA). Ang ipinangangalandakang ₱15,000 na ayuda at ₱65,000 tulong pangkabuhayan sa ilalim ng ECLIP sa mga ibinalandrang “sumukong miyembro ng BHB” ay showcase lamang sa ilang pekeng napasuko upang makahimok ng iba pa. Tanging ilang pirasong sardinas, ilang salop na bigas, isang kahang tabako, at ilang pirasong noodles lang ang natanggap ng karamihan ng mga biktima. Ganito rin ang sinapit ng mga ipinagmamalaking BDP na ang konkretong proyektong naipatupad ay ilang maliliit na multi-purpose na kubo, kasilyas, ilang pansamantalang maiikling tulay at kalsada, palaro, pasayaw, mga proyektong pakitang-gilas lamang para masabing matagumpay ang mga nailunsad na BDP sa mga pamayanang tinarget paunlarin ng RCSPO. Hindi na nga nasapatan sa panggugulang, ginamit pa ng mga pulis at sundalo ang ECLIP para patuloy na gipitin ang mga nabiktima. Inoobliga silang magpabalik-balik sa kampo para mag-ulat kung may nakitang NPA gayong malaking abala na ito sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.

Saanman ipakat ang yunit ng militar at pulis sa operasyong RCSP, ligalig ang hatid sa mamamayan. Pinakahuling naitalang karahasan at panunupil sa ilalim ng RCSPO ang Sityo Kilapnit, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Sa kasagsagan ng operasyon ng mga pulis at sundalo, dinukot, binugbog, tinortyur at iligal na bininbin si G. Pedro Ambad, isang Hanunuo-Mangyan sa kanyang bukid. Piniringan, binusalan, at kinaladkad sa isang lugar ng mga elemento ng 4th IB, Philippine Army ang biktima bago walang habas na binugbog. Paulit-ulit itong tinanong kung nasaan ang mga pinatagong armas ng NPA sa kanilang lugar. Bali ang tadyang ni G. Ambad resulta nito. Inalpasan lamang ang biktima matapos ang 12 oras ng tortyur.

Samantala, iligal namang pinasok ang bahay at pinagtangkaang dukutin si G. Admiraw Ambad noong gabi ng Hulyo 16. Nagkataon lamang na wala siya sa kanyang pamamahay nang mangyari ang insidente. Dahil sa takot at tumitinding represyon sa sityo ng RCSPO tim, lumikas ang hindi bababa sa limang pamilya dahil sa banta sa kanilang seguridad. Naantala na ang kabuhayan at pag-aaral ng mga bata dahil dito, dagdag pa ang pangamba dahil sa karahasan ng mga pulis at sundalo.

Ginamit ng mga nakakampong sundalo ang pagpapalinis ng pangalan at pagpapasuko sa mga pinaghihinalaan nilang “tumutulong sa NPA”, bilang rekisito upang mabenepisyuhan ng ECLIP at BDP. Ito ang paraan ng panggigipit sa mga residente ng Sityo Kilapnit. Ito rin ang kairalan sa iba pang mga pamayanan na tinatakan ng rehimen na “focus barangay” sa ilalim ng RCSPO. Isang mapait na biro sa hanay ng mga residente na kailangan pala nilang maging NPA muna para makakuha ng ayuda sa gobyerno. Patunay lamang na malaking kasinungalingan ang pinangangalandakan ni Marcos na tinutugunan ng ECLIP at BDP ang pangangailangan ng mamamayan!

Pinatutunayan lang nito na madilim ang tunay na kalagayan ng bansa hangga’t nananatiling nakaupo sa estado poder ang mga naghaharing-uring kumakatawan sa mga panginoong maylupa, burgesya kumprador at malalaking burukrata na ngayon ay pinangungunahan ng kawatan, pahirap, pasista at papet na rehimeng US-Marcos II. Nananatiling wasto ang pagsusulong ng mamamayang Mindoreño ng rebolusyon. Pagtangkaan man ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na apulahin ang rebolusyonaryong diwa sa isla sa pamamagitan ng proklamasyon ng amnestiya, paulit-ulit itong mabibigo sa kanyang hibang na pangarap. Sing-aga pa lang ng dekada 1980, niyakap na ng mamamayan ang DRB at armadong pakikibaka upang lumahok sa digmang mapagpalaya.

Matagal nang batid ng rebolusyonaryong mamamayan sa isla na hindi amnestiya ng gubyerno, ECLIP, at BDP ang magwawakas sa ugat ng armadong tunggalian. Hindi matutumbasan ng mga huwad na programang ito ang ginhawa ng tunay na paglaya ng mamamayang naghihirap sa tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala, na siyang makakamit lamang sa tagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB). Lulutasin ng DRB ang matagal nang problema sa kawalan ng lupa ng mamamayan, at hahawanin ang daan upang makaalpas ang bansa sa kolonyal na paghahari ng imperyalismong US, ang amo ng tutang rehimeng Marcos II.

Sa ganitong diwa, patuloy na maglulunsad ang mga Mindoreño ng makatarungan at makauring digma at lalahok sa armadong pakikibakang nilulunsad ng BHB sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas. Tuloy ang rebolusyon hanggang makamit ang pagkapatas at opensiba, at hanggang sa ganap na tagumpay at paglaya ng aping uri!

Mamamayang Mindoreño, mag-armas! Sumapi sa BHB!
Makatarungan ang magrebolusyon!
Digmang bayan, sagot ng mamamayan sa pasistang estado!

Demokratikong Rebolusyong Bayan ang tanging solusyon sa paglutas ng ugat ng kahirapan at armadong tunggalian