Pahayag

Determinadong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Pagpugayan ang Partido sa pamumuno sa digmang bayan!

, ,

Ngayong araw, buong galak at sigla nating ipagdiwang ang ika-53 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nararapat lamang na maging makulay ang paggunita sa ating rehiyon sa okasyong ito dahil higit tayong napanday sa buhay at kamatayang pakikibaka ngayong taon. Kasabay nito, ibigay din natin ang pinakamataas na pagpupugay sa Partido dahil patuloy nitong napamunuan ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Gawin nating tuntungan ang natipong mga aral mula sa mga karanasan upang humakbang tayo pasulong mula sa ating mga kahinaan at kahirapan at ibayong isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas.

Sa okasyong ito, ibinibigay din natin ang pinakamataas na pagpupugay para sa 20 rebolusyonaryong martir na nag-alay ng kanilang buhay ngayong taon. Sinasaluduhan ng PKP-NCMR sina Ka Jorge “Oris” Madlos, Ka Pika, Ka Remix, Ka Dagol, Ka Smart, Ka Sansoy, Ka Jayse, Ka Dems, Ka Agreb, Ka Kiblar, Ka MK at ibang pang martir sa rehiyon. Ang huwaran at magiting nilang pagsasakripisyo ay nagbibigay ng dagdag na tatag at alab sa mga rebolusyonaryo upang ipagpatuloy ang kanilang mga nasimulan.

Mabuwal man ang pinakamalaking puno sa kagubatan, magbibigay ito ng puwang para sa pag-usbong ng mas marami pa—ito ang pinanghahawakan ng mga rebolusyonaryo sa rehiyon nang dinakip at walang-awang pinatay ng pasistang Armed Forces of the Philippines si Ka Oris kasama ang kanyang medik na si Ka Pika. Mananatiling buhay ang ambag at alaala ni Ka Oris at ang kanyang kamatayan ay higit pang nagpaalab sa makauring pagkamuhi ng mga rebolusyonaryo.

Pinagpupugayan din ng Partido ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon na matiyagang sumuong sa lahat ng sakripisyo upang ipagpatuloy at paigtingin ang armadong paglaban. Alinsunod sa absolutong pamumuno ng Partido, patuloy na nagpupunyagi ang ating mga Pulang mandirigma na palalimin at palawakin ang baseng masa upang mas lumawak pa ang saklaw at maniobrahan nito at epektibong mabigo ang atake ng kaaway. Sa gitna ng labis na kalupitan ng kaaway, mapangahas pa ring nakikipaggitgitan ang BHB upang pukawin, organisahin at pakilusin ang masang magsasaka. Dahil dito, nananatiling mahigpit ang ugnayan ng BHB sa masa at nagbibigay ito ng malaking suportang moral at materyal sa armadong rebolusyon.

Mataas din ang pagsisikap ng mga yunit ng BHB na mapanatili at mapatibay pa ang kanilang lakas sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagtatasa at paglalagom ng kanilang mga rebolusyonaryong tungkulin. Patuloy na nakatindig ang karamihan sa mga larangang gerilya ng BHB sa rehiyon dahil sa mahigpit na pagtangan sa gerilyang taktika ng paglilipat, dispersal at konsentrasyon.

Nitong taon, naranasan ng ating mga Pulang mandirigma ang iba’t ibang tipo ng malupit na bigwas ng estado at ng berdugong AFP. Brutal at walang-pakundangang ginamit ng AFP ang kanilang abanteng mga kagamitan, tulad ng FA-50 jet fighters, at tusong binomba ang mga kampo ng BHB. Subalit pinatunayan ng BHB sa rehiyon na hindi nito magagapi ang rebolusyonaryong armadong paglaban at, sa katunayan, pinag-aralan at ginawan nila ito ng epektibong mga hakbang upang iwasan ang malaking pinsala na dulot nito. Laging pinanghahawakan ng BHB ang prinsipyong itinuro ni Kasamang Mao Zedong na “ang mamamayan, hindi ang mga bagay, ang mapagpasya.” Samakatwid, kahit pa nasa kaaway ang abanteng sandata at mga bomba, nasa BHB naman ang umaapaw na suporta ng mamamayan.

Sa harap ng nakapokus na mga operasyong militar, nakapaglunsad pa rin ngayong taon ang BHB-NCMR ng 55 aksyong opensiba laban sa mga pasistang tropa ng AFP, PNP, CAFGU, mga tropang paramilitar at laban sa mga mapangwasak na multinasyunal na plantasyon. Sa mga aksyong ito, umabot sa 120 ang kaswalti ng kaaway kung saan 70 ang napatay at 50 ang nasugatan sa mga labanan.

Dagdag pa, matikas din ang pagsaludo ng PKP-NCMR sa lahat ng masang api at pinagsasamantalahan sa rehiyon. Kayo ang nagsisilbing bukal ng sigla at katatagan ng buong rebolusyonaryong pwersa. Nararapat lamang na ipagpatuloy ang inyong walang-takot na paglantad at paglaban sa kalupitan ng rehimeng US-Duterte. Kailangan ring tuluy-tuloy ninyong igiit ang inyong batayang interes, laluna ang interes sa lupa, disenteng buhay at hanapbuhay, sahod, at iba pang kahalintulad. Walang anumang kalupitan ng estado ang makakahadlang sa inyong nagkakaisang lakas.

Kasabay nito, masaya ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na palaging makasalamuha at makasama ang masang kanilang pinaglilingkuran laluna kung maririnig namin mula sa inyo ang mga katagang: “matagal na namin kayong hinihintay.” Maraming salamat sa inyong walang-sawang pagsuporta at pagsagawa ng mga inisyatiba upang ipagpatuloy at paigtingin ang demokratikong rebolusyong bayan.

Sa gayon, nananatiling mataas ang determinasyon at kasiglahan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon para isulong ang digmang bayan. Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, higit na kailangan natin ngayon ang matalas at wastong paglapat sa unibersal na teorya sa ating rebolusyonaryong pagkilos. Dapat seryoso nating pag-aralan ang lahat ng karanasan at paunlarin ito sa pamamagitan ng mas mataas na antas ng rebolusyonaryong praktika. Lagi’t lagi nating ipinapaalala sa lahat ng kadre at rebolusyonaryo na magsikhay sa pag-aaral at iwaksi ang empirisismo.

Sa darating na mga buwan, inaasahan nating ibubuhos na ng malupit na rehimeng US-Duterte ang “huling tulak” nito upang kamtin ang hangal na hangaring puksain ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Sa gayon, dapat ihanda ng lahat ng rebolusyonaryo ang kanilang mga sarili sa lahat ng haharaping sakripisyo at hirap upang biguin ito. Mabigat man ang mga sakripisyo,sigurado tayong panandalian lamang ito sapagkat inamin mismo ng reaksyunaryong gubyerno na bigo ito sa kanilang todo-gera laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Kailangang iangat ang diwang mapanlaban at determinasyon ng lahat ng kadre at myembro ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, at aktibistang masa upang biguin ang paninibasib ng kaaway. Laging nariyan ang masa na ating masasandalan at handang umanib sa ating paglaban.

Mula 2018 hanggang sa kasalukuyan, bagaman wala nang malalaki, hayag at makulay na mga pagdaraos sa anibersaryo ng Partido, tuloy ang mga sikreto, maliitan at lihim na pagdaraos nito. Ito ay dahil sa lupit ng hambalos at tuluy-tuloy na atake ng kaaway kahit sa panahong may deklaradong tigil-putukan. Gayunpaman, sa gitna nito, hindi ito naging balakid sa masaya at maalab nating pagdaraos sa anibersaryo ng Partido. Batid natin hanggang ngayon, na ang tunay na pagdiriwang sa espesyal na araw ng Partido ay ang pagdiriwang sa ating mga tagumpay at pagbati sa napangibabawang mga hirap. Kasabay nito ay ang higit pang pagpapayabong sa ating makasaysayang paglaban para sa pambansang paglaya at demokrasya at kamtin ang pantay-pantay at sosyalistang lipunan na hahawan ng landas tungong komunismo.

 

Mabuhay ang ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas!

Determinadong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Pagpugayan ang Partido sa pamumuno sa digmang bayan!