Duterte: umuusbong na Hitler sa Pilipinas
Ang tinatalunton ng paghahari ni Duterte sa Pilipinas ay nagpapaalala sa atin kung papaano umakyat si Hitler sa kapangyarihan sa Germany at itinatag ang isang totalitaryan at awtokratikong ideolohiya ng Nazi Germany. Tulad ni Hitler, inilalatag ni Duterte ang pagtatayo ng isang pasistang diktadura sa bansa tulad ng ginawa ni Marcos. Tunghayan natin ang pagkakahalintulad ni Hitler at Duterte:
- Sinangkalan ni Hitler ang pagkatalo ng Germany sa World War I bilang kagagawan ng pataksil na pagsaksak-sa-likod sa bansang Germany ng mga Hudyo, komunista at mga pulitikong Aleman. Ginamit ni Hitler ang pagkatalong ito upang paypayan ang diskuntento at tuntungan ang popular na sintimyento ng mamamayang Aleman para itaguyod ang ultra-nasyonalismo at isisi ang kinasadlakang krisis ng Germany sa mga Hudyo, komunista at mga oposisyon para itulak ang paglipol sa lahing Hudyo, pagtugis sa mga komunista at iba pang anti-Nazi na oposisyon.
Samantala, tinuntungan naman ni Duterte ang kampanyang anti-droga at ipininta ang sarili bilang “sosyalista”, makamahirap, makabayan, anti-US at para sa kapayapaan upang akitin ang boto ng mamamayan at manalo sa eleksyon ng 2016. Subalit mabilis nyang tinalikuran at hinubad ang balatkayong ito at walang pakundangang inilunsad ang madugong gera kontra iligal na droga, binalasubas ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at pinakawalan ang malupit na total war laban sa mamamayan at gerang henosidyo sa Bangsamoro tulad ng ginawa nyang pagpulbos sa Marawi City, ang sentro ng pananampalatayang Islam sa Mindanao. Nakatanim sa bawat yunit ng pulisya at ahensya sa paniktik ang Duterte Death Squad na nagsasagawa ng mga ekstra-hudisyal na pagpatay sa mga lider at kasapi ng ligal na demokratikong kilusan.
- Itinalaga ni Hitler si Joseph Goebbels bilang Ministro ng Propaganda upang malalim na itanim ang isang pasistang ideolohiya, magpalaganap ng paulit-ulit na kasinungalingan upang paypayan ang pagkamuhi sa mga Hudyo, mga komunista’t sosyal-demokrata at simbahang Katoliko. Itinaguyod ni Goebbels ang pilosopiya na ang “pag-uulit-ulit ng isang kasinungalingan, sa dulo ay paniniwalaan ng mamamayan na isang katotohanan”. Kinontrol ni Goebbels ang lahat ng daluyan ng impormasyon, masmidya at sining sa Germany para itaguyod ang pasismo. Ang rehimeng Nazi ang responsable sa henosidyo ng di kukulangin sa 5.5 milyong Hudyo at milyun-milyon pang biktima. Ang pasistang ideolohiyang ito ang nagpakawala sa panatikong pag-atake sa mga Hudyo, simbahang Katoliko, oposisyon at sa pagsiklab ng World War II na kumitil sa 60 milyon kabilang ang 50-55 milyong sibilyan.
Itinalaga naman ni Duterte si Salvador Panelo bilang presidential spokesperson at Martin Andanar bilang kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) upang magpalaganap ng isang tipo ng panatisismo at kulto ni Duterte. Samantala, masugid na asong tagasakmal ni Duterte si Mocha Uson na naghahasik ng mga kasinungalingan at pekeng balita laban sa mga personahe at kalaban ni Duterte sa pulitika. Tulad ni Hitler, garapal na inudyukan ni Duterte ang pulisya at militar na tugisin at patayin ang mga komunista, mga pari’t obispo, mga tulak at adik, tagapagtanggol ng karapatang-tao at kasapi ng mga progresibong organisasyon. Itinayo ng mga propagandista ni Duterte ang hukbo ng mga cyber trolls para magpalaganap ng pekeng balita, disimpormasyon at paninira sa mga kritiko ng rehimen.
Ngayon naman, paulit-ulit na naglalabas ang Malakanyang sa pamamagitan ni Salvador ‘Goebbels’ Panelo ng mga nilubid na kasinungalingan ng diumanong isang Oust Duterte Matrix na nagsasangkot sa mga personalidad at kritiko sa masmidya, burges na oposisyon, at mga progresibo’t makabayan. Itinaon ito ni Duterte at Panelo ilang araw bago ang eleksyon sa Mayo 13 upang siraan at idiskaril ang kampanyang elektoral ng mga progresibo’t oposisyon at pagtakpan o iligaw ang pansin ng bayan sa malakas na ebidensya na nagsasangkot sa pamilyang Duterte sa sindikato ng iligal na droga.
- Itinatag ni Goebbels ang Hitler Youth organization upang gawing makinarya sa propaganda para manipulahin ang isip ng mga kabataan at bata para sa adyenda ng Nazi Party. Itinatag ito noong 1926 para sa layuning sanayin ang mga batang lalaki para maging kasapi ng Storm Detachment, tumulong sa armadong pwersa ng Germany at ihanda sila para magserbisyo sa SS—isang paramilitar na organisasyon sa ilalim ni Hitler.
Sa ilalim ni Duterte, itinatag ang Duterte Youth Movement na pinamumunuan ngayon ni Ronald Cardema upang maging kontra-agos sa progresibong kilusan ng mga kabataan at mamamayan, magpalaganap ng kulto ni Duterte at bulag na panatisismo sa hanay ng kabataan at mamamayan, maging makinarya sa itim na propaganda at demonisasyon sa mga kritiko at lahat ng disgustado na sa korap, taksil at teroristang paghahari ng rehimen.
- Nang buo-buong mahawakan ni Hitler ang mga sangay ng lehislatibo at ehekutibo ng gubyerno, sinimulan nyang supilin ang natitirang oposisyon. Ipinagbawal ang Social Democratic Party at kinumpiska ang mga ari-arian. Giniba ng mga stormtrooper ang mga upisina ng mga unyon sa buong bansa at noong 1933, pinuwersang lusawin ang lahat ng unyon at ikinulong ang mga lider sa mga concentration camps. Sa sumunod na mga taon, napilitang lansagin ng ibang mga partidong pulitikal ang sarili. Sa ganito, itinatag ni Hitler ang isang diktadura sa Germany.
Sinusundan ngayon ni Duterte ang yapak ni Hitler sa Germany. Sa pamamagitan ng iba’t ibang maniubra, nakontrol ni Duterte ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at naging mayorya ang kanyang mga kaalyado sa Senado. Inilagay ni Duterte ang buong Mindanao sa walang-taning na Martial Law sa suporta ng Kongreso at Senado at pagkatig ng Korte Suprema. Gamit ang iba’t ibang anyo ng panunuhol at pagbusog sa matataas na upisyal ng militar at pulisya, nakuha ni Duterte ang bulag na pagsunod ng buong pwersang panseguridad ng bansa para ipailalim ang Pilipinas sa isang de facto Martial Law.
Pinapakana ni Duterte ang pagbabago ng Konstitusyong 1987 tungong pederalismo upang itatag ang kontrol ng mga dinastiyang pultikal sa mga pederal na rehiyon at ang sariling pangkatin bilang punong diktador sa sentral na gubyerno. Ang pagpapakulo ng mga inimbentong sabwatan para pabagsakin daw ang kanyang gubyerno ay paglalatag ng mga kundisyon para sa isang pambansang crackdown matapos ang eleksyon at pagtatayo ng isang lantad na paghaharing pasista sa Pilipinas.
Gayon na lamang ang takot ni Duterte sa pagsiklab ng galit ng mamamayan kaya’t kabi-kabila ang pagmamanupaktura ng kanyang mga propagandista at ahensya sa paniktik ng kathang-isip na sabwatan para pabagsakin ang kanyang rehimen. Isang bangungot sa naghaharing pangkatin ang nagbabadyang pagputok ng malawakang protesta sa di na matiis na kahirapan, panunupil, terorismo at pang-aapi ng rehimen sa mamamayan.
Dapat na patuloy na itaas ng mamamayan ang pagmamatyag upang biguin ang pasistang pakana ni Duterte na maghari nang walang taning ang kanyang angkan sa Pilipinas, itatag ang pasistang diktadura sa bansa at pakawalan ang walang kasing-lupit na pagsupil sa karapatan at mga demokratikong aktibidad ng mamamayan. Tinatawagan namin ang lahat ng makabayan at nagmamalasakit sa kapakanan at hinaharap ng bansang Pilipinas na magkaisa at ubos-kayang labanan ang pasismo at terorismo ng rehimeng US-Duterte. Sa malao’t madali, sasapitin ni Duterte at ng lahat ng kanyang kampon ng kasamaan at kasinungalingan ang parehong kapalaran ng mga ibinagsak na pasista at teroristang rehimen sa kasaysayan ng daigdig. ###