Pahayag

EJK sa Barangay Official sa bayan ng Goa, kagagawan ng mga nag-ooperasyong militar sa ilalim ng RCSP

Tinutuligsa ng Tomas Pilapil Command – BHB Bayan East Camarines Sur ang pamamaslang ng mga pwersa ng Retooled Community Support Program (RCSP) teams ng 9th Infantry Division Phil. Army (9th IDPA) kay July Barotillo, barangay secretary ng Brgy. Lamon, bayan ng Goa, noong ika-1 ng Oktubre, alas-otso ng gabi. Pinatay si Barotillo sa kanya mismong tahanan sa Sityo Sua ng naturang barangay.

Anumang pagpapabango, hindi maikakaila ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) ang karahasang dala-dala ng militarisasyon, higit sa mga komunidad sa kanayunan. Ang pagpaslang kay Barotillo ang ika-apat na kaso ng EJK sa Partido Area matapos simulan ng militar ang operasyong RCSP sa ilang mga bayan sa naturang distrito noong Mayo 2021.

Ang pagpaslang kay Barotillo at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng masa ng Partido Area ay isa sa mga patunay na walang intensyon ang militar na magdala ng kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad na inookupa nito. Sa halip, walang ibang may dala-dala ng kaguluhan, karahasan at terorismo kapwa sa kanayunan at kalunsuran kundi ang nag-ooperasyong militar at pulis. Layunin nilang sindakin sa takot ang masa, payukurin sa kanilang dikta at pahinain ang kanilang kapasyahang labanan.

Nananawagan ang TPC-BHB East Camarines Sur sa masa ng Camarines Sur na hindi magpatinag sa pandarahas, pananakot at panlilinlang ng militar at pulis. Walang pakanang militar ang makakagapi sa matapang na pagkakaisa ng masa. Pinakaepektibo nilang sandata ang armadong paglaban upang kamtin ang panimulang hustisya at pagbayarin ang mga armadong mamamatay-tao ng rehimeng US-Duterte sa kanilang mga krimen.

EJK sa Barangay Official sa bayan ng Goa, kagagawan ng mga nag-ooperasyong militar sa ilalim ng RCSP