Engkwentro sa Balayan, muling pagpapatunay ng brutalidad at kawalang-paggalang ng AFP sa karapatang pantao at mga batas ng digma
Madaling-araw ng Disyembre 17, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng 59th Infantry Battalion, Philippine Navy at Philippine Airforce ang isang yunit ng Eduardo Dagli Command-New People’s Army Batangas (NPA-EDC) sa Barangay Malalay, Balayan. Naiulat ang pagkasawi ng limang (5) Pulang mandirigma at dalawang (2) kababaihang sibilyan na dumalaw lamang sa kanilang kaanak na hukbo. Namartir sina Maria Jetruth “Ka Orya” Jolongbayan, Alyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, Joy “Ka Kyrie” Mercado, at Leonardo “Ka Mendel” Manahan; gayundin ang mga sibilyang napaslang na 19 taong gulang na nakababatang kapatid ni Ka Komi na si Pretty Sheine Anacta at kanyang hipag na si Rose Jane Agda. Nawawala naman ang isang sugatang si Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Pulang mandirigma ng NPA-EDC. Samantala, isa ang napatay at tatlo ang sugatan sa hanay ng mga militar.
Kasamang nagdadalamhati ng mga naulilang pamilya ang libu-libong magsasaka at mamamayan ng Batangas at rehiyong Timog Katagalugan dahil sa pagkabuwal ng mabubuting anak ng bayan at magigiting na Pulang mandirigmang naglingkod hanggang sa kanilang huling hininga. Kaisa ang NPA-EDC sa pagkamit ng hustisya at pagpaparusa sa mga walang-awang militar na nangdamay at pumaslang, nanakit, at nanakot sa bawat sibilyang biktima ng kanilang karahasan.
Mariing kinukundena ng NPA-EDC ang pagdamay ng AFP sa mga sibilyang sina Pretty Sheine at Rose Jane. Sa nalikom na ulat, nahimatay si Pretty Sheine sa unang bugso ng putukan at hindi na nagawang makalabas sa kapal ng putok ng kaaway. Ngunit pinaslang siya ng kaaway at tinamnan ng isang M16 para pagmukhaing NPA. Karumaldumal ang krimeng ito ng utak-teroristang AFP sapagkat sinalakay nila ang yunit ng NPA nang wala man lamang na pagsasaalang-alang sa buhay ng mga sibilyan. Higit na kasuklam-suklam ang pagpapakalat ng mga litrato ng mga labi ng mga martir na Pulang mandirigma at biktimang sibilyan habang ipinagyayabang nilang na-pinpoint nila ang pwesto ng mga NPA.
Tahasan at garapalang nilabag ng berdugong militar ang mga umiiral na Internasyunal na Makataong Batas, mga alituntunin ng digma, at mga kasunduang pirmado kapwa ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines. Walang ipinakitang bahid ng awa at pagiging makatao ang AFP kahit sa mga labi ng mga pinaslang at kanilang mga pamilya. Matindi ang sinapit na pambababoy at paglapastangan sa mga labi ng mga mahal nating martir at kaanak na sibilyan sa kamay ng berdugong militar, laluna ang mga kakabaihan. Halos hindi na makilala ang pitong labi dahil wasak na ang kanilang mga mukha, inuuod at lumobo na ang kanilang mga katawan, at masangsang na ang kanilang amoy. Hinayaan ng berdugong kaaway na mabilad sa araw ang mga labi at matagal na pinabayaan sa pinangyarihan ng labanan. Malayo ang pagkakaiba nito sa ipinakitang larawan ng imbestigador.
Sa katawan pa lamang ni Ka Orya, hindi mabilang na bala ang tumama sa kanyang ulo, leeg at tiyan, bukod pa ang mismong ipinutok sa kanyang mukha kaya ito ay wasak na wasak. Ganito rin ang hitsura ng mukha ni Ka Kyrie nang makita ng pamilya mula sa punerarya—bukod sa wasak na ang mukha, basag na ang ilong at parang may lason sa bibig. Nagkaroon ng malaking itim na pasa sa gitna ng mukha ni Ka Ilaya. Nakababa naman ang maong na pantalon ni Rose Jane, palatandaang pinagsamantalahan pa ng mga berdugo.
Habang nagdadalamhati ang mga pamilya ng mga pinaslang, ibayong pighati pa ang kanilang naramdaman nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga labi sa puneraryang pinagdalhan ng 59th IBPA. Ayon sa mga nagsagawa ng humanitarian mission, nakahandusay sa sahig ng punerarya, naaagnas na, at walang anumang postmortem protection ang mga labi. Para lamang silang mga kinatay na baboy na pinabayaan ng mga pasistang militar. Napakakapal pa ng mukha ng 59th IBPA para pagbawalan ang mga pamilya na kuhanan ng litrato ang mga pinabayaang bangkay na kanilang pinaslang sa palusot na “igalang ang privacy ng mga bangkay.” Nais lamang ng 59th IBPA na ikubli ang ginawa nilang paglapastangan sa mga labi ng namartir!
Labis na pasakit ang dulot ng teroristang 59th IBPA sa mga pamilya, na bukod sa tinatakot ay pinaiikot-ikot pa sa samu’t saring proseso bago makuha ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay. Hindi rin nila pinapayagang makalapit sa mga labi ang humanitarian team na umaalalay sa mga pamilya.
Muli na namang pinatunayan ng AFP at buong reaksyunaryong gubyerno na sagad-sa-buto ang kanilang kasamaan, hindi lamang sa mga Pulang mandirigma kundi pati sa mga karaniwang sibilyan kasama ang mga kaanak ng mga rebolusyonaryo. Hindi makakalimutan ng mga Batangueño ang mga sibilyang biktima ng pamamaslang ng 59th IBPA na sina Maximino Digno at Kyllene Casao na pinaslang noong Hulyo 2022. Dapat singilin at papanagutin ang AFP sa brutal na pagpaslang sa mga Pulang mandirigma at paglabag sa karapatan ng mga sibilyan.
Sa inspirasyon ng mga bagong martir ng NPA-EDC at biktima ng paglabag ng 59th IBPA sa karapatang tao, itatransporma ng mga Pulang mandirigma at rebolusyonaryong pwersa sa Batangas ang aming pagdadalamhati, tungo sa rebolusyonaryong galit para parusahan ang AFP at reaksyunaryong estado sa kanilang krimen sa bayan. Patuloy na magpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusan sa Batangas at isusulong ang digmang bayan hanggang tagumpay!
Panagutin ang berdugong AFP sa mga paglabag sa internasyunal na makataong batas!
Itaguyod at igalang ang internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digmaan!
Mamamayang Batangueño, tuloy ang rebolusyon para sa paglaya ng bayan!