Pahayag

Hinggil sa daluyong ng Kilusang Masa

Teleconference ng mga kinatawan ng mga organisasyong ng BAYAN sa Metro Manila, 12 December 2018

1. Ilang NDF consultant na ang hinuli, pati ang peace advocate na si Rey Casambre, may Martial Law extension, Memo 32, at bubuuin ang Death Squad laban sa NPA. Samantala, may panawagang resume peace talks. Paano ang pagbitbit ng panawagang ito habang sinusulong ang kampanyang talsik?

JMS: Totoong sunud-sunod na ang ginawa ni Duterte na pangharang at sabotahe sa peace negotiations: all-out war habang may peace negotiations at kahit na may kasunduang ceasefire sa nakaraan, pagtalikod sa pangakong amnesty at pagpapalaya sa lahat ng political prisoners, paulit-ulit na termination hanggang pormal na termination sa ilalim ng Proclamation No. 360 at designation ng CPP at NPA bilang “terrorista”, Memorandum Order No. 32 na deklarasyon ng state of national emergency, pahayag na magbuo ng mga Duterte death squad, at Executive order No. 70 na naglalagay sa buong burukrasya sa ilalim ng militar.

Mas masahol pa, nangyari na ang pagbobomba at okupasyong militar sa mga baryo, pamamamaslang sa mga manggagawa, magsasaka, katutubo , aktibista, pari, abogado at iba pang human rights advocate at paglabag sa safety and immunity guarantees sa mga peace consultant sa pamamagitan ng false charges at planted evidence.

Maliwanag na may kontradiksyon ang panawagan ng resumption of peace negotiations sa panawagan ng pagpapatalsik sa rehimeng Duterte. Para resolbahin ang kontradiksyon, dapat maliwanag na ang prinsipal na panawagan ay ang pagpapatalsik. Marapat na isagawa ito sa lahat ng paraan. Segundaryo lamang ang panawagan ng resumption of the peace negotiations. Naging pasubali na lang.

Ginagawa ang panawagan ng resumption ng peace negotiations kung ito ay makakapigil sa pag-alagwa ng tiraniya at pasistang diktadura at tutuloy sa seryosong usapan ang tungkol sa mga repormang sosyal, ekonomiko at pulitikal na kailangan para malutas ang sanhi ng gera sibil at para sa makatarungang kapayapaan. Habang ayaw ni Duterte sa peace negotiations at patuloy ang all-out war nito, wasto at makatarungan lamang na isulong ang kilusang papapatalsik. Pwedeng maglaho ang panawagan ng resumption ng peace negotiations para bigyang daan ang daluyong ng kilusang pagpapatalsik o itodo ang kilusang pagpapatalsik.

2. Sa first quarter ng 2019, kasabay ng kampanyang halalan, samut-saring isyung pang masa ang titingkad tulad ng presyo ng bilihin, dagdag-buwis, at pasismo ng estado. Ano ang inyong payo sa pagdadala ng mga kampanyang ito na magpopokus sa taktikal na usapin habang ang pulitika ng bansa ay nakasentro sa halalan?

JMS: Tuunan ang mga isyu tulad ng binanggit: pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pabigat na buwis sa masa , korupsyon, pasismo o terorismo ng estado at pagtataksil ng rehimeng Duterte. Dapat lumaki nang lumaki ang mga protestang masa. Pati mga miting ng oposisyon kaugnay ng halalan ay mga protesta laban sa rehimen. Nasa interes ng iba’t ibang grupo ng oposisyon na batikusin at salungatin ang mga krimen ng rehimeng Duterte.

Kung matutuloy ang halalan, tiyak na lolokohin ni Duterte at mga asungot niyang militar ang resulta at lalabagin nila ang tunay na pagpapasiya ng sambayanang Pilipino laban sa rehimeng Duterte. Tandaan na bumagsak si Marcos kaugnay ng eleksyon ng 1986 dahil sa kanyang pandaraya. Huwag katakutan na maging distraction o harang ang halalan sa kilusang pagpapatalsik. Sa balangkas ng malawak na nagkakaisang hanay at kilusan laban sa tiraniya, pwedeng magsabay at magtulungan ang mga kilos protesta ng masa at mga miting ng oposisyon kaugnay ng halalan. Hindi naman mananalo ang oposisyon kung di nito labanan ang mga masamang pataklaran at krimen ng rehimeng Duterte.

Tiyak na lolokohin ni Duterte at militar ang eleksyon dahil sa gusto nilang kasangkapanin ang Kongreso at mga lobal na gobyerno sa pagpapataw ng pasistang diktadura sa bayan sa pamamagitan ng chacha para sa pekeng pederalismo na katatangian ng konsentrasyon ng kapangyarihan sa kamay ng pasistang diktador na maging hari ng mga dinastiya at warlord.

3. May nakikita ba kayong posibilidad na magsama-sama ang mga grupong oposisyon upang biguin ang partido ng administrasyon? Kung walang unity sa pambansang lebel sa hanay ng oposisyon, paano imamaksimisa ng mga ND orgs ang kontradiksyon sa hanay ng mga naghaharing uri sa pagsusulong ng mga kampanya?

JMS: Sa balangkas ng united front, ginagawa ang lahat ng pagsisikap na magkaisa ang lahat ng organisadong pwersa at malawak na masa sa layuning patalsikin ang rehimeng Duterte at biguin ang umiiral nang tiraniya at de facto martial law. Nasa interes ng legal na oposisyon na ibunyag at batikusyin ang mga krimen ng rehimen ni Duterte at mga kasapakat niya.

Pero ang malawak na nagkakaisang prente ay mabubuo at lalakas lamang kapag ang kilusan ng batayang masa ng mga manggagawa, magsasaka at mga petiburges ng lunsod ay malakas at ibayo pang lalakas. Naibagsak sina Marcos at Estrada dahil sa malakas na kilusan ng batayang masa na nagbunga ng mas matinding hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo at pag-alis ng militar ng suporta sa nakaupong presidente.

Isa pang mapagpasiyang bagay, dapat lumakas din ang kilusang lihim o underground sa kalunsuran at sandatahang pakikibaka ng aping masa sa kanayunan. Hindi man pumasok ang mga yunit ng NPA sa kalunsuran, maipapamalas nila sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba na marupok, mahina at kinamumuhian ng sambayanang Pilipino ang tiraniya at korupsyon ng rehimeng Duterte.

4. Paano mabisang ipaliwanag sa taong bayan ang dynamics ng relasyon ng China at US habang tila nilalaro ni Duterte ang dalawa para sa kanyang pansariling interes?

JMS: Ibunyag na pakunwari lamang ng tiranong Duterte ang sabi nitong independent foreign policy. Pinananatili niya ang mga tratado, kasunduan at kaayusan para sa patuloy na dominasyon ng imperyalismong US sa Pilipinas. Kaalinsabay nito, umaasa si Duterte na makautang nang malaki mula sa Tsina para sa infrastructure projects. Pero sa ngayon binabagalan ng Tsina ang pagpapautang habang wala pang kategorikal na pagsuko si Duterte sa isyu ng West Philippine Sea.

Sa pagdurog ni Duterte sa Marawi City, ang US ang nagpalipad ng eruplano para bombahin ang lungsod at Tsina naman ang nagbigay ng ilang small arms at ammo. Ibig sahihin ay pwedeng magkasabay ang gusto ni Duterte, US at Tsina laban sa bayan. Pero pwede ring maipit si Duterte ng mga dikta ng US at Tsina sa kanilang bangayan at pagkakaisa laban sa bayan.

Ipaliwanag sa taong bayan na doble ang kataksilan ni Duterte. Papet ng imperyalismong US at papet din ng imperyalismong Tsino. Huwag isipin na iisang imperyalistang poder lamang ang pwedeng magdomina sa Pilipinas. Hindi ba sa nakaraan pinaghatihatiaan ang Tsina mismo ng mga imperyalistang poder sa anyo ng mga sphere of influence.

5. Ang inyong payo sa kilusang kabataan at kilusang TU sa NCR?

JMS: Sa darating na taon, iigting ang mga tunggalian ng rebolusyon at kontrarebolusyon sa buong bansa dahil sa pakana ni Duterte na magpataw ng pasistang diktadura sa bayan. Sa NCR ang magiging sentro ng labanan sa larangan ng propaganda at mga kilos protesta ng masa. Tungkol dito, dapat magpakahusay ang mga kilusang kabataan at mga unyon ng manggagawa sa NCR sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa batayang masa at sa paghimok sa mga alyado.

Sa pagtindi ng labanan, ang kaaway ay gagawa ng mga pagbabanta at mga aktwal na krimen para sindakin ang mga lider at masang makabayan. Huwag magpasindak. Makibaka, huwag matakot. Palakasin ang lantarang legal na kilos protesta ng masa. Pero paghusayan din ng mga kinauukulan ang pag-unlad ng kilusang lihim at paghahanda ng maraming manggagawa at kabataan para sa gawaing rebolusyonaruo sa kanayunan. Sa tingin ko, marami ang nais sumanib sa hukbong bayan.

6. Ano ang mahalagang role ng kilusan sa Metro Manila para pangkalahatang pagsulong ng nd pakikibaka?

JMS: Mahalaga ang papel ng kilusang protesta sa Metro Manila. Sentro ito ng bayan sa pulitika, ekonomiya, kultura at iba pa. Sentro rin ito ng kapangyarihan ng kaaway. Dapat salungatin at yanigin hanggang mapatalsik ang kaaway. Malaking inspirasyon ang pagsulong ng kilusang protesta sa Metro Manila sa lahat ng prubinsya ng Pilipinas. Ito ang hudyat sa pagsulong ng kilusang protesta sa buong bayan. Kung matandaan ninyo, parang apoy na kumalat sa buong Pilipinas ang FQS ng 1970 at yung EDSA uprising at pagpapalibot sa Malakanyang noong 1986.

7. Batay sa karanasan at aral sa pakikibakang pagpapatalsik kay Gloria Arroyo, anu-ano ang inyong mungkahi at rekomendasyon upang paunlarin at palakasin ang pagbigo sa pasistang diktadurang US-Duterte at pagpapatalsik? Paano tayo dapat gagradweyt sa estilong red letter day mass action at magluwal ng daluyong ng pakikibaka?

JMS: Nagkulang sa laki at militansya ang kilusang patalsikin si Arroyo. Madaling kontrolin ng pulis ang mga aksyong protesta sa pamamagitan ng mga negosasyon na nakakapigil sa martsa at entusiasmo ng masa. Sa kalaunan, nagkaroon si Arroyo ng pagkakataon na pataasin ang buwis at kita ng gobyerno at nakapangutang pa nang malaki mula sa labas ng bansa. Aralin kung paaano bumuwelo ang FQS ng 1970 at EDSA Uprising at ang Yellow Vest revolt ngayon sa Pransya.

Ngayon, bankrap ang gobyerno ni Duterte. Nagpipilit na pataasin ang buwis at kita ng gobyerno at mangutang nang malaki mula sa labas ng bansa. Nagpipilit na mangutang sa Tsina kahit na sa mataas na interes para sa overpriced na infrastructure projects. Kasabay nito, yong dating naipon nang USD-denominated loans, lumalaki ang debt service dahil sa pagtaas ng interes na inumpisahan na ng US Federal Bank.

Kriminal ang paggamit ng rehimeng Duterte sa pinalaking buwis na kuha sa karaniwang masa sa anyo ng excise taxes dahil nauuwi ang pondong publiko sa korupsyon na pinangungunahan ng Office of the President at Kongreso. Pinalaki rin ang gastos para sa militar at pulis at binawasan ang gastos para sa serbisyo sosyal, tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa. Ang pondong kinikita ng rehimen mula sa masa ay ginagamit sa korupsyon at para sa brutal na pagsupil sa kanila. ###

Hinggil sa daluyong ng Kilusang Masa