Statement

Mga Mangyan na Iligal na inaresto at ikinulong ng 203rd Bde, palayain!

,

Pinagbalingan ng mga pasistang pwersa ng 203rd Brigade ang mga katutubong residente at ang mga lider sa aming mga komunidad dahil sa pinsalang tinamo ng mga pasistang sundalo laban sa nakasagupang yunit ng LDGC-NPA-Mindoro noong Hulyo 11. Tampok na kaso ang iligal na pag-aresto at pagpapakulong kay Sityo Lider Itaw Agrumyan ng So. Lukban, Barangay. Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Walang batayan at walang kaukulang proseso ng batas ang pag-aresto at pagbinbin kay G. Itaw kung kaya malinaw na paglabag ito sa karapatang pantao ng mga katutubo at pagsalaula sa batas ng digma.

Idinadawit siya sa naganap na aktibong pagdepensa ng NPA nang inatake ito ng pwersa ng reaksyunaryong pamahalaan. Nagngingitngit ang mga sundalo na hindi nila nadurog ang yunit ng NPA at sa halip ay sila itong nagtamo ng malaking kaswalti.

Mariing kinokondena ng MINDORO, ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga katutubong Mangyan, ang iligal na pag-aresto at pagbinbin kay So. Lider Itaw. May pananagutan ang mga berdugong 203rd Brigade sa lansakang paglabag na ito sa karapatan ng mga katutubong Mangyan.

Nauna pa dito, dalawa namang Hanunuo-Mangyan na taga-Bulalacao ang iligal na inaresto at ikinulong matapos silang maharang sa tsekpoynt sa simpleng pagdududa na nagpik-ap diumano sila ng pasaherong miyembro ng NPA. Aming pinatutunayan na karaniwang mamamayan at hindi NPA ang mga katutubong Mangyan na nagsaydlayn sa pamamasada bilang pandagdag na kita sa pagsasaka.

Hinahangad namin ang katarungan at ang agad na pagpapalaya kay Sityo LiIder Itaw at sa dalawa pang Hanunuo Mangyan na nakakulong hanggang sa mga oras na ito sa Roxas District Jail, Oriental Mindoro.

Napakadaling mag-imbento ng gawa-gawang kaso ng berdugong 203rd Bde kapag ang nais nilang gipitin ay kaming mga katutubong Mangyan. Hindi na mabilang ang mga kaso bagamat malinaw sa aming alaala ang duguang kamay ng AFP-PNP kung sa pagtrato ng mga katutubong Mangyan pa lamang ang pag uusapan.

Ang pagbaling sa sibilyan laluna sa aming mga katutubo sa mga inilunsad ng operasyong militar ng AFP-PNP laluna tuwing nabibigo ang operasyon ng sundalo ay nagiging karaniwang kaganapan na. Kaya lalong nabubuo ang galit naming mga katutubong Mangyan sa mga pasistang sundalo at lalo lamang na patunay ito na walang maasahang proteksyon ang mga Mangyan sa kamay ng sundalo ng reaksyunaryong gobyerno. Naturingan pang alagad ng batas subalit kabaliktaran ang nangyayari dahil sila ang naghahasik ng teror sa aming hanay. Sila itong mga tagapagyurak sa aming karapatan at kagalingan, mga berdugong nanghahalihaw sa aming pamayanan, mga salot na nagbabagsak ng bomba sa aming mga bahayan at bukid at nagpapaputok ng walang patumangga saan man at kailan man nila naisin. Sila din itong sapilitang nagpapasuko at may pagbabanta kung hindi susundin ang sapilitan nilang pagpapasuko kahit wala kaming kasalanan. Sila din itong nanggagahasa sa aming mga ina at kadalagahang katutubo.

Nanawagan kami sa lahat ng Mindoreño na suportahan ang aming kahilingan na ipatigil na ang ibinubuhos na pondo ng bayan sa mersenaryong AFP PNP, sa programang NTF ELCAC ng pasistang rehimeng US-Marcos II. Hindi napapakinangan ng mamamayan ang mga pondo ng bayang inilaan dito at pagwawaldas lamang ng pera sa programang kontra insurhensya na walang ibang binibiktima kundi kaming mga katutubo at iba pang mamamayang lumalaban para sa kanilang lehitimong karaingan at interes.

Tunay ngang nakikita naming mga Mangyan at kapatid na mamamayang Mindoreño na ang New People’s Army (NPA) ang tunay na Hukbong nagtatanggol sa aming mga katutubo at mga mahihirap. Ang NPA ang siyang naging katuwang namin upang ipaglaban at nagtatanggol sa aming mga lupang ninuno at naggagarantiya ng aming karapatan sa pagpapasya-sa-sarili.

Nauunawaan namin na ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ay hindi maihihiwalay sa aming pagkatao at ang pinakamataas na pagsasabuhay nito ay ang karapatang lumaban sa isang mapang-aping gobyerno kapag hindi ito umaayon at naglilingkod sa aming batayang karapatan at interes.

Nananawagan kami sa aming kapwa Mangyan na igiit natin ang paglaya ng nakakulong nating kapwa katutubong kasamahan, at habang nasa kulungan ay dalawin sila. Ipaabot natin ang hinaing at mga kahilingan sa kinauukulan para sila ay mapalaya. Patuloy tayong kumilos at magpataas ng kakayahan sa pulitika at organisasyon tungo sa pagtatayo ng isang gobyernong tunay na demokratiko, representatibo at malaya sa dayuhang kontrol. Isang gobyernong iluluwal ng rebolusyonaryong pakikipagkaisa sa iba pang aping uri at sektor sa lipunang Pilipino.

Igiit at ipaglaban natin ang karapatan sa lupang ninuno at papapasya sa sarili bilang tuntungan sa pagkakamit ng katarungan sa ating kaapihan, diskrimasyon at pagpapabaya ng gobyerno sa ating kalgayan. Nanawagan din kami sa lahat ng Mindoreno na aktibong kumilos upang patuloy na imulat, pataasin ang pag-unawa sa lipunan at pataasin ang pagkakaisa sa ilalim ng pambansa demokratikong programa na isinusulong ng rebolusyonaryong pwersa sa pangunguna ng CPP-NPA-NDFP.

Sa kagyat dapat na kumilos upang mapalaya ang lahat ng iligal na inaresto at pinaratangan ng gawa gawang kaso na walang tinutuntungang batayan.

Ipaglaban ang karapatasn at kagalingan ng mga katutubong Mangyan at mamamayan. Ito lamang ang tamang landas ng pagsulong upang makamit ang tunay na kalayaan, karapatan, katarungan at kapayapaan.

Mga Mangyan na Iligal na inaresto at ikinulong ng 203rd Bde, palayain!