Pahayag

Hinggil sa tuluyang pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa usapang pangkapayapaan

 Ang tuluyang pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa usapang pangkapayapaan ay matibay na patunay ng kawalan nito ng kapasyahan at kakayahang resolbahin ang ugat ng armadong sigalot sa bansa. Taliwas sa malisyoso at kontrarebolusyonaryong pahayag ni Brig. Gen. Antonio Parlade Jr., Deputy Chief of Staff for Operations at Civil Military Operations (CMO) Head ng AFP, ang panig ng reaksyunaryong gubyerno ang walang ipinakitang ni katiting na respeto at katapatan sa usapang pangkapayapaan.

Pinalalabas ng militar at reaksyunaryong gubyerno na ang pinakamalaking hadlang sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan ay ang patuloy na pagsusulong ng CPP-NPA-NDFP ng armadong pakikibaka. Sa balighong lohika nila, hindi tapat ang rebolusyonaryong kilusan sa pagharap sa negosasyon dahil bahagi lamang ito ng ‘pakikibakang ligal’ ng rebolusyonaryong kilusan. Linalayon lamang ng pagpapakalat ng ganitong baluktot na mga pahayag na itulak sa pagsuko at pagsasalong ng armas ang mga yunit ng Pulang Hukbo.

Ang usapang pangkapayapaan ay isinasagawa sa pagitan ng panig ng GRP at NDFP upang tugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas. Umiiral ito sa kontekstong mayroong mga makatwirang dahilan ang isang panig kung bakit ito nag-aarmas laban sa kabilang panig. Kinikilala maging sa internasyunal na komunidad ang ganitong katayuan ng gera sibil sa bansa.

Isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang armadong pakikibaka dahil karahasan at panunupil lamang ang tugon ng reaksyunaryong estado sa mga kahingian ng sambayanang Pilipino. Kinakailangan mag-armas ng masa upang ipagtanggol ang sarili at upang makamit ang mga demokratikong interes at mga makabuluhang reporma tulad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang lakas ng nag-aarmas na mamamayan ang siyang nagtutulak sa reaksyunaryong gubyerno na harapin ang mga suliraning patuloy na bumabayo sa lipunang Pilipino. Kung bibitawan ng CPP-NPA-NDFP ang pagsusulong ng armadong pakikibaka, mawawalan ng armas ang sambayanan laban sa pandarahas, pang-aapi at pagsasamantala ng reaksyunaryong estado at mga naghaharing-uri. Magiging malaya ang GRP na ipagsawalambahala ang interes ng masa at supilin ang anumang porma ng ligal na pakikibaka.

Lalo lamang ilinalantad ni Parlade sa publiko ang babaw ng pag-unawa ng AFP sa malalim na ugat ng limang dekadang pag-aarmas ng sambayanan laban sa isang sistemang mapang-api at mapagsamantala. Para sa kanila, hindi mahalaga ang matugunan ang mga suliranin ng bansa. Nagmamadali lamang silang pasukuin at pagsalungin ng armas ang rebolusyonaryong pwersa.

Hindi nakapagtataka kung gayon ang kawalan ng interes ng GRP sa usapang pangkapayapaan. Wala itong balak na harapin at resolbahin ang mga makatwirang dahilang ilinalapit ng CPP-NPA-NDFP sa pagharap sa mga negosasyong pangkapayapaan.

Ngunit nagkakamali ang militar at reaksyunaryong gubyerno kung inaakala nilang maitutulak nila sa pasipikasyon at kapitulasyon ang Pulang Hukbo sa pagtalikod sa usapang pangkapayapaan at pagbabanta ng higit pang mararahas na mga atake laban sa mga rebolusyonaryo. Hanggat hindi nakakamit ang mamamayan ang kanilang mga sosyo-ekonoming kahingian at demokratikong interes, patuloy nilang ilulunsad ang makatwirang digma.

Hinggil sa tuluyang pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa usapang pangkapayapaan