Pahayag

Hors de Combat na Kasama, Brutal na Pinatay ng mga Berdugong Militar

,

Nasa katayuang hors de combat si Dioscorro L. Roma “Ka JR”, 46 taong gulang ng Salvacion Ragay, Camarines Sur nang siya ay patayin ng mga berdugong militar bago pa man maganap ang 30 minutong palitan ng putok sa pagitan ng yunit ng Norben Gruta Command (NGC)-BHB West Camarines Sur at ng pinagsanib na pwersa ng 9th at 96th IBPA sa 902nd PA Brigade initiated strike operation bandang tanghali noong ika-12 ng Septyembre 2021 sa Tible Lupi, Camarines Sur.

Bago ang aktwal na palitan ng putok nasumpungan ng mga militar si Ka JR sa labas ng base ng kasama para kumuha ng supply. Nahuli siya ng buhay at sa proseso ay pinatay ng walang kalaban-laban.

Nabigo ang militar na mapinsalaan ang BHB sa aktwal na sagupaan. Umalerto at naghanda ang mga kasama nang marinig ang putok ng kaaway na nakahuli kay Ka JR sa layong 200 metro sa kanilang posisyon. Inantay nilang dumikit ang tropa ng militar na kumukubkob sa kanila upang mapagpasya itong labanan. Sa kabila ng malaking pwersang ikinasa ng militar ay mahusay na nakapanlaban ang BHB at ligtas na nakamaniobra.

Halos hindi na makilala ang labi ni Ka JR nang kunin siya ng kanyang pamilya sa munisipyo ng bayan ng Lupi. May tama ng bala sa braso, basag ang mukha, mga daliri at bayag, nangingitim sa pasa ang buong katawan, patunay na dumanas ng sobrang pagpapahirap bago pa man siya tuluyang patayin ng mga militar na humuli sa kanya.

Ang hindi makatao at brutal na pagpatay kay Ka JR ay gawi ng isang berdugo at mersenaryong hukbo na kasimbangis ng kanilang among si Duterte. Malinaw na paglabag ito sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang-tao at Internasyunal na Makataong Batas kung saan dapat igalang ang karapatan ng isang kombatant na wala na sa katayuan at walang kakayahang lumaban o armasan ang sarili.

Taliwas ito sa mahigpit na ipinapatupad ng BHB na “Huwag pagmalupitan ang bihag” na nakasaad sa Tatlong Pangunahing Alituntuntunin at Walong-puntong dapat tandaan. Ito ang disiplinang gumagabay sa BHB sa lahat ng pagkakataon sa pakikihamok nito sa reaksyunaryong pwersa. Matatandaan kung paano iginalang ang karapatan bilang hors de combat at ginamot ng pwersa ng BHB ang dalawang sugatang elemento ng 2nd Platoon Provincial Police Mobile Force Company (PPMCF) na sina Pcpl. Erick Hermoso at Pat. Aldrin Aguito sa isinagawang reyd ng Armando Catapia Command (ACC) noong Marso 19 nitong taon sa Brgy. Dumagmang Labo, Camarines Norte.

Taas- kamaong nagpupugay ang NGC kay Ka JR sa pag-aalay ng sarili sa rebolusyon. Ang kanyang sinapit sa kamay ng pasistang militar ay laging magpapaalala sa mga kasama na mas higpitan ang hawak sa sandata para bigyang katarungan ang mga biktima ng kalupitan ng AFP at PNP.

Kung inaakala ni Duterte at ng kanyang mga mersenaryong pwersa na mapipigilan ang armadong paglaban sa pamamagitan ng kanilang karahasan at brutalidad, nagkakamali sila, sapagkat lalo nitong pag-aalabin ang di-magagaping diwa ng Bagong Hukbong Bayan at ng malawak ng pambansa-demokratikong rebolusyonaryong pwersa na nagpasyang wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng reaksyunaryong estado. Aanihin ni Duterte sampu ng kanyang mga berdugong galamay ang galit ng mamamayan sa maduming gyerang inilulunsad nito.

Kundenahin ang brutalidad ng AFP at PNP!

Ubos-kayang panagutin at pagbayarin si Duterte sa kanyang maduming gyera laban sa mamamayan!

Magpunyagi sa armadong pakikibaka at ipagtagumpay ang digmang bayan!

Hors de Combat na Kasama, Brutal na Pinatay ng mga Berdugong Militar