Hustisya para sa Balayan 7! Pagpupugay sa mga rebolusyonaryong martir ng NPA-Batangas! Hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao!
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa limang martir ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas na sina Leonardo “Ka Mendel” Manahan, Joy “Ka Kyrie” Mercado, Maria Jetruth “Ka Orya” Jolongbayan, Alyssa “Ka Ilaya” Lemoncito at Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta. Nabuwal ang mga Pulang mandirigma, kasama ang dalawang sibilyan na sina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda, sa magkakasunod na labanan sa pagitan ng yunit ng EDC at pinagsanib na pwersa ng 59th IBPA, Philippine Navy at Philippine Airforce na nagsimula noong madaling araw ng Disyembre 17 sa Barangay Malalay, Balayan. Inilaan nila ang kanilang buhay para sa paggigiit ng karapatan at kagalingan ng mamamayang Batangueño at masang anakpawis.
Mariing kinukundena ng MGC-NPA ST ang pataksil na pag-atake ng 59th IBPA, Philippine Navy at Philippine Airforce sa yunit ng EDC nang hindi isinaalang-alang ang buhay ng mga sibilyan. Sina Pretty Sheine, 19, at Rose Jane, 30, ay dumalaw sa kaanak nilang si Ka Komi at hindi nararapat na isama sa labanan, lalo ang patayin ng berdugong militar. Sa kabila ng pataksil na atake ng AFP, magiting na lumaban ang mga Pulang mandirigma kung saan nagtamo ang mga pasista ng isang patay sa hanay ng kanilang opisyal at tatlong sugatan.
Walang katumbas ang buhay na ibinuwis ng mga kasama sa Batangas. Si Ka Mendel/Ka Henry, ay mula sa uring magsasaka sa Palawan. Ipinundar siya ng pakikibakang masa para sa lupa at laban sa mina. Lumahok siya sa mga kilusang masa para ipagtanggol ang lupa at kalikasan at nang hindi masapatan sa parlamentaryong pakikibaka, ay sumampa sa NPA noong maagang bahagi ng 2000. Isang intelektwal na magsasaka, kilala si Ka Mendel/Ka Henry bilang masinop at matiyagang kasama, masipag mag-aral, malalim magsiyasat at laging handang matuto ng mga bagong bagay. Gumampan siya ng mga gawaing militar, pampulitika at medikal sa loob ng dekadang paglilingkod sa NPA. Kumilos siya sa panrehiyong yunit sa gawaing pinansya at ordnans sa kalakhan ng kanyang panahon sa loob ng BHB. Malaki ang kanyang naging ambag sa mga gawaing ito para sa pagpapalakas ng NPA at kabuuang pagsusulong ng rebolusyon.
Tubong Batangas si Ka Orya, 33, isang kababaihang magsasakang nakibaka para makaalpas sa pyudal na kaayusan sa kanayunan. Nagsikap siyang magtapos ng pag-aaral at naghanap ng trabaho para iahon ang sarili at ang pamilya sa kahirapan. Nakapasok siya bilang manggagawa sa garments ngunit dinanas din ang pagsasamantala sa loob ng pabrika. Hindi mahirap para sa kanya na unawain ang layunin ng rebolusyon dahil sa kanyang karanasan bilang manggagawa at sa kinagisnang paglaban sa kanilang lugar para sa lupa. Ang pamilya niya ay produkto ng masiglang pakikibaka para sa rebolusyong agraryo sa kanilang lugar. Nagpasya siyang sumapi sa NPA noong 2010 at gumampan ng mga gawain sa lohistika at pulitika. Kilala siya bilang magiliw na kasama at madaling pagbuksan ng mga problema at iba pang mga usapin kaya’t naging malapit sa mga Pulang mandirigma at masa. Kalakasan niya ang mataas na determinasyon sa paggampan ng mga rebolusyonaryong gawain, anuman ang iatas sa kanya ng Partido. Laging maaalaala ng mga kasama ang malakas niyang tawa at mga biro, masarap na luto, pagiging maasikaso sa mga kasama at masa gayundin ang matatalas na kritisismo at puna para mapaunlad ang paggampan ng gawain at mabago ang negatibong pag-uugali ng mga kasama. Naiwan niya ang kanyang mahal na asawa at nag-iisang anak.
Isang kabataang magsasaka si Ka Kyrie, 28, na namulat sa gitna ng matinding pang-aatake ng estado sa kilusang magsasaka. Dinanas ng kanyang pamilya na magpalipat-lipat ng lugar upang mapreserba ang sarili at makaiwas sa pasismo. Isa siyang responsableng anak na mahigpit na katuwang ng kanyang mga magulang sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Lumahok siya sa mga pakikibakang magsasaka sa kanilang lokalidad hanggang sa magpasyang sumapi sa NPA noong 2017. Una siyang kumilos sa sonang gerilya sa Mindoro kung saan siya nagpultaym at matapos ang ilang taon ay buong pusong tinanggap ang atas ng Partido na italaga sa Batangas. Minahal siya ng masang katutubo at magsasaka dahil sa kanyang husay sa gawaing pangkultura, pag-aambag sa produksyon at likas na kabaitan. Isa siyang matapang at mapangahas na Pulang kumander ng Hukbo. Mula sa rebolusyonaryong pamilya, kapatid siya ni Jay-r “Ka Sander” Mercado, kilalang magiting na Pulang kumander ng BHB na brutal na pinaslang ng mga pwersa ng 4th IB noong 2020 sa Mindoro.
Isang petiburges na kabataan si Ka Ilaya, 21, na nagmula sa Laguna. Dati siyang mag-aaral ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo sa Laguna. Nasaksihan niya ang paghihirap ng mga manggagawa sa pagawaan, maralita sa mga komunidad laluna sa baybayin ng Laguna de Bay at ng mga magsasaka sa mga hacienda sa kanyang probinsya. Nagpasya siyang sumapi sa NPA noong Disyembre 2021. Pinangibabawan niya ang krisis na mapawalay sa pamilya at nagsikap na ipinaunawa sa kanila ang kanyang pasya. Kalaunan, tinanggap at iginalang ng kanyang mga kapamilya ang kanyang pasyang bagtasin ang landas ng rebolusyon. Kilala siya ng mga kasama at masa bilang masayahin, palabiro at mabilis makapalagayang-loob. Magiliw sa masa si Ka Ilaya at masipag siyang makipagtalakayan at mag-alay ng kulturang pagtatanghal sa kanila sa tuwing may pagkakataon.
Si Ka Komi, 25, ay mula sa hanay ng kabataang estudyante. Dinanas niya ang kapabayaan ng estado sa pagkakaloob ng serbisyong panlipunan sa mahihirap. Napilitan siyang magtrabaho sa maagang edad upang itaguyod ang sariling pag-aaral at makabawas sa gastusin ng pamilya. Dahil likas na kritikal sa kanyang paligid at lipunan, madaling naunawaan ni Ka Komi ang layunin ng rebolusyon kaya’t maagap siyang nagpultaym sa kilusang masa sa kalunsuran. Nakipamuhay siya sa mga manggagawa, naging guro nila sa mga paaralang bayan at nakiisa sa kanilang paghihirap at pakikibaka. Nagpasya siyang lumahok sa armadong rebolusyon noong 2022 at iniambag ang kanyang husay sa gawaing edukasyon, propaganda at kultura para sa masang Batangueño.
Hindi makalilimutan ng mga kasama at malawak na inaaping mamamayan ang inyong sakripisyo at buong pusong pagsisilbi sa bayan. Ang buhay at pakikibaka ng Balayan 7 ay magsisilbing inspirasyon upang magpatuloy sa pakikibaka para sa lupa, karapatan at hustisyang panlipunan. Matapang nilang tinanggap ang hamon na kumilos sa Kanlurang Batangas na pinamumugaran ng pinakasagadsarin at nangungunang malalaking burgesya kumprador at despotikong panginoong maylupa na bumubundat sa mga mersenaryong AFP-PNP sa probinsya at buong bansa. Sa kabila ng mahigpit na pakikipaggitgitan sa kaaway, nagpunyagi sila sa lugar at tinangkilik ng malawak na masang Batangueño. Nabuwal man ang kanilang katawan, hindi mapapawi ang mga tagumpay na nakamit sa buong panahong pagkilos nila sa lugar. Magiging puhunan ito upang ibayo pang sumulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa Batangas at sa buong rehiyon.
Nakikidalamhati ang MGC sa mga kapamilya ng Balayan 7, lalo yaong mga sibilyang pinaslang ng AFP. Nararapat singilin at papanagutin ang 59th IBPA, 2nd Infantry Division, Philippine Navy at Philippine Airforce sa mga karumaldumal na paglabag sa karapatang tao sang-ayon sa Protocol I at II ng Geneva Conventions. Gumamit ang 59th IBPA ng labis na pwersang pamutok o overkill para tupdin ang hibang nitong misyong durugin ang NPA sa Batangas. Pangita ito sa naging hitsura ng mga labi ng limang Pulang mandirigma na hindi na halos makilala ang mukha. Pinabayaang mabilad sa araw ang mga labi kaya lumobo at nang dalhin sa punerarya ay hinayaan lamang maagnas, uurin at mamaho.
Dapat ding ilitaw si Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Pulang mandirigma at kadre ng Partido na kasama sa naturang labanan ngunit hindi pa natatagpuan hanggang ngayon. Wala siya sa tala ng imbestigador at hindi rin nakita ng grupong makatao na nagsagawa ng humanitarian mission sa pinangyarihan ng labanan. Iniulat ng kanyang yunit na nasugatan siya subalit hindi siya nakita matapos ang labanan. Dapat siyang ituring na hors de combat, bigyan ng karampatang tulong medikal at hayaang tamasahin ang mga karapatang ginagarantiyahan ng mga batas ng digma at pandaigdigang makataong batas. Ang hindi paglitaw kay Ka Binhi o pagbibigay ng garantiya sa kanyang kaligtasan at paggagamot ay labag sa mga batas ng digma at internasyunal na makataong batas.
Dapat singilin at papanagutin ang 59th IBPA sa pagdamay sa mga sibilyang sina Pretty Sheine at Rose Jane. Berdugong hayok sa dugo ang 59th IBPA sa pagdamay kina Pretty Sheine at Rose Jane. Iniulat ng NPA Batangas na nahimatay lamang si Pretty Sheine noong unang bugso ng putukan kaya’t malaki ang posibilidad na tuluyan siyang pinatay ng AFP. Upang pagtakpan ang krimen, tinamnan ang dalawa ng mga baril at pinalabas na kasapi rin ng NPA. Kabilang din ang kanilang mga labi sa iniwang mabilad sa araw matapos ang labanan. May nakita ring palatandaan ng panggagahasa sa labi ni Rose Jane.
Dagdag pasakit ang pahirap na ipinaranas ng 59th IBPA sa mga kaanak ng Balayan 7. Pinaikot-ikot ang kanilang mga pamilya bago makuha ang labi ng mga martir at dalawang sibilyan. Tinatakot din ang mga pamilya na huwag ipasuri sa mga eksperto ang mga labi upang hindi mabunyag ang mga ginawang paglabag ng AFP-PNP.
Makakaasa ang mga biktima ng pasismo at terorismo ng estado na igagawad ng rebolusyonaryong kilusan ang rebolusyonaryong hustisya sa takdang panahon. Nakahanda ang mga yunit ng NPA sa rehiyon na parusahan ang AFP-PNP, paramilitar at maging ang mga despotikong panginoong maylupa at burgesya kumprador na nasa likod ng militarisasyon at panunupil sa Batangas.
Sa okasyon ng pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng Partido, nagsisilbing inspirasyon ang Balayan 7 at iba pang rebolusyonaryong martir sa rehiyon at buong bansa sa lahat ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng MGC-NPA ST. Taliwas sa inaakala ng reaksyunaryong estado, hindi pinanghihinaan, bagkus higit na naghihimagsik ang damdamin ng rebolusyonaryong mamamayan ng Batangas at Timog Katagalugan. Determinadong isusulong ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersa ang digmang bayan hanggang tagumpay. Kamtin natin ang tunay na kalayaan at demokrasya at itayo ang lipunang malaya, mapayapa, masagana at makatarungan.###