Ibayong magpakatatag! Kamtin ang ibayong pagsulong at patibayin ang kapasyahang isulong ang digmang bayan!
Download statement in: PDF
Pinakamaalab na pagbati ang nais ipaabot ng New People’s Army-Kalinga sa lahat ng kadre at kasapi, mga rebolusyonaryong pwersa at mga tagasuporta ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa okasyon ng ika-54 na taon ng muling pagkakatatag nito. Pinagpupugayan din natin ang lahat ng beteranong kadre at kasapi ng PKP na deka-dekada at walang kapagurang nagmumulat, nag-oorganisa at nagpapakilos sa hanay ng mamayan. Kayo, mga kasama, ay inspirasyon upang mas magpursige ang lahat lalo na ang mga nakababatang henerasyon ng mga rebolusyonaryo upang mas iangat ang antas ng ating pakikibaka.
Pinakamataas na pagpupugay rin ang ating ibinibigay sa lahat ng mga martir ng sambayanang Pilipino na walang imbot na nag-alay ng kanilang lakas, tapang, talino at buhay para isulong ang digmang bayan – kabilang na sila kasamang Rudy Daguitan, Nora Miguel, Wilfredo Gaayon at Julio Dumalyong, mga kadre at kasapi ng PKP sa Kalinga na nagbuwis ng buhay nitong huling mga yugto sa poder ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Katangi-tanging pagpupugay at pagkilala rin ang iniaalay kay Kasamang Jose Maria Sison, isa sa mga tagapagtatag at dating tagapangulo ng PKP, masugid na tagapamandila at mag-aaral ng teorya ng MLM at huwarang rebolusyonaryo. Sa kanyang pagpanaw, nariyan man ang lungkot ay mas masidhi ang kapasyahan ng mga rebolusyonaryo na magpatuloy sa landas na tinahak kasama si Ka Joma sa loob ng 54 na taon. Siguradong mas yayabong pa ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng laksa-laksang mga kadre at kasapi ng PKP na humahalaw ng inspirasyon sa dakilang buhay at pakikibaka ni Ka Joma at lahat ng rebolusyonaryong martir.
Isa na namang Marcos ang nasa poder, nagbabadyang maulit ang malagim na panahon ng matinding korapsyon at batas militar. Sistematikong binubura at nirerebisa ng mga Marcos ang kasaysayan. Historical revisionism, fake news, disimpormasyon at pandaraya sa eleksyon, ito ang nasa gulugod ng tagumpay ng mga Marcos na makatapak muli sa Malacañang. At sa unang mga buwan ni Marcos Jr. sa poder ay walang dudang mas titindi pa ang paghihirap ang dinaranas ng mga mamamayang hindi pa nga nakakabangon muli mula sa hagupit ni Duterte.
Iniwan ni Duterte ang Pilipinas sa kalagayang lubog sa kahirapan, lugmok sa epekto ng COVID-19 at kaakibat na lockdown at gimbal sa terorismo ng estado sa tabing ng War on Drugs. Umupo si Marcos Jr. bilang presidente nang walang plano kung paano iaahon ang bansa mula sa sistematikong krisis. Ang resulta, umaabot na sa 7.7% ang implasyon sa buong bansa, kakulangan sa pagkain, walang-awat na nagtataasan ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, dumarami ang mga Pilipinong naghihirap at nakakaranas ng gutom dahil sa kawalan ng nakabubuhay na sweldo o trabaho.
Bingi at bulag si Marcos Jr. sa paghihirap ng mamamayan. Sa halip, patuloy nitong pinalala ang problema sa pamamagitang ng pagpapaigting ng mga neoliberal na polisiya gaya ng Rice Tariffication Law (RTL) at patuloy na pag-asa sa importasyon ng mga produkto gaya ng bigas at asukal, mga pahirap na batas gaya ng Sim Card Registration Law at pasistang paghahari sa kapuluan.
Sa Kalinga, biktima ang mga mamamayan ng magkakasunod na sakuna na lumumpo sa kabuhayan lalo na sa sektor ng agrikultura. Ang dating atrasado na ay mas lalo pang humirap dahil sa pagkakasira ng mga kalsada, bukirin, irigasyon at iba pang lugar ng produksyon dahil sa pagguho ng lupa at pagbaha dulot ng bagyo at lindol. Sa kabila nito, naging mabagal ang pagtugon upang isaayos ang mga nasirang imprastruktura at mas lalong naging mabagal at halos wala pa ngang naibigay na sapat na ayuda. Dagdag na pasakit ang dulot nito sa dati ng maghihikahos na kabuhayan ng magsasaka sa probinsya. Sa mga unang buwan nito bilang pangulo at siya ring sekretarya ng Department of Agriculture (DA), walang nagawa si Marcos upang tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka sa probinsya.
Sa kamaisan, halos dumoble ang ang presyo ng mga pangunahing inputs gaya ng binhi, pestisidyo at abono kaya naman ang mga magsasakang dati ng baon sa utang at walang puhunan ay tumigil na muna sa pagtatanim.
Sa mga palayan, biktima ang mga magsasaka ng peste na sumira sa halos kalahati ng kanilang karaniwang ani, wala silang natanggap na anumang tulong mula sa DA kaugnay nito. Kung may maani man, napakababa ng presyo ng bilihan ng palay (P7-11/kilo) kaya luging-lugi pa rin ang mga magsasaka. Ang mga nagtatanim ng tradisyunal na binhi gaya ng “unoy” or red rice sa bahagi ng Tabuk at Pasil ay mas pinipiling ilako ito sa mga nag-eexport sa ibang bansa dahil relatibong mas mataas ang presyo (P120/kilo). Sa mga lugar kung saan pangunahin ay para sa sariling pangkonsumo ang palay, ramdam ang pagbaba ng produksyon nito dahil pa rin sa matagal ng pagpapabaya ng gobyerno sa mga pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka gaya ng sapat na patubig.
Ganito rin ang kalagayan ng produksyon ng saging, dahil sa peste ay hindi pa rin nakakabawi ang mga magsasaka mula sa pagkasira ng kanilang mga pananim. Mababa rin ang bilihan ng saging (P13/kilo) at maraming pandaraya gaya ng double counting upang mas lalong baratin ang presyo.
Sa mga maliliit na pagmihan gaya ng Gaang sa Balbalan at Umbog sa Pasil, hindi pa nga nakakabangon mula sa pagkalugi dulot ng lockdown at pandemya, ay nariyan na ang banta na maagaw ang kanilang lupang minimina sa tabing ng deklarasyong gawing “Minahang Bayan” ang mga ito. Sa katunayan, aprubado na bilang minahang bayan ang Umbog pero di ito dumaan sa tamang proseso. Karamihan sa mga minero ay hindi nasangguni at walang alam tungkol dito. Ginigipit ang mga minero upang pumaloob sa minahang bayan na sa katunayan ay paraan ng reaksyunaryong gobyerno upang ibukas ang mga ito sa mga kumpanya ng large scale mining.
Sa sektor pa lamang ng agrikultura ay napakarami ng problema ngunit imbes na tugunan, sagot ng reaksyunaryong gobyerno ang pagpapaigting ng banta sa kabuhayan at sariling pagpapasya sa lupaing ninuno ng mga pambansang minorya sa Kalinga sa porma ng mga aplikasyon sa malakihang pagminina at proyektong pang-enerhiya gaya ng dam (17 na aplikasyon) at geothermal (1 na aplikasyon). Kaakibat nito ang patuloy na umiigting na pasismo sa probinsya sa porma ng tuloy-tuloy na pananalasa ng mga retooled community support program teams (RCSPT) at focus military operations (FMO) sa mga baryo. Sa proseso ay napakaraming paglabag sa karapatang-tao gaya ng iligal na pagtatanong, pag-iimbestiga, paghahalughog, sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan bilang NPA, pagpinsala sa kabuhayan ng mga mamamayan at pambubulabog sa katahimikan ng mga biktimang komunidad. Pinakatampok dito ang pagdukot, iligal na pagdetine at pag-interoga sa isang aktibista at development worker na kasapi ng isang pangmasang organisasyon na matagal ng nireredtag ng reaksyunaryong gobyerno.
Sa kabila ng kahirapan, pandarahas at kriminal na kapabayaan ng estado, ipinamalas ng sambayanan ang giting nito sa pagharap sa pasistang rehimeng US-Duterte. Sa probinsya, kasalukuyang bumabangon ang masa mula sa delubyong NTF-ELCAC na di maipagkakailang nagkaroon ng epekto sa kanilang organisasyon at pagkilos para sa kanilang mga kagalingan at makatarungang karapatan. Hakbang-hakbang na ibinabangon muli ang mga organisasyon at samahang biktima ng panggugulo at red-tagging ng mga ahente ng reaksyunaryong gobyerno sa pamamagitan ng pagtatasa at pagpupuna-pagpupuna sa sarili. Muling sumisigla ang pagtutulongan at maayos na samahan ng mga masa. Dahan-dahang pinapawi ang takot na dulot ng matinding harassment at pagbabanta mula sa mga berdugong sundalo at pulis upang mas mahusay na makapag-ambag para sa ikabubuti ng kanilang mga komunidad. Tampok din ang pagtatanggol ng mamamayang iKalinga para sa kanilang lupaing ninuno na nasa banta ng pang-aagaw mula sa malalaking kumpanya ng hydropower. Magiting na inirehistro ng mga tribong apektado ng proyektong dam ang kanilang oposisyon laban dito.
Hinihingi ng kalagayan sa ating lahat, lalo na sa mga kadre at kasapi ng Partido, na ibayong magpakatatag. Nanggaling tayo sa matindi at gipitang tunggalian laban sa pasistang rehimeng US-Duterte kung saan mahusay man nating binigo ang plano nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan ay di mapagkakailang nagtamo tayo ng malalaking pinsala. Tayo ngayon ay nasa panahon ng transisyon. Mula sa nakaririmarim na yugto ng hayok sa dugo na rehimeng US-Duterte hanggang sa malagim na pagbabalik muli sa poder ng mga Marcos sa katauhan ni Marcos Jr. Mula sa magiting na paglaban ng sambayanan sa tiranikong si Duterte hanggang sa pagpapatuloy ng paglaban upang itakwil ang mga Marcos. Nasa yugto tayo ng paghalaw ng mga aral mula sa paglaban sa nakalipas na rehimen at patuloy na pagpapakatatag upang mas masikhay na harapin ang kasalukuyang rehimen. Hamon sa ating lahat na mas paigtingin pa ang pagsusulong ng digmang bayan at patuloy na pangibabawan ang mga sagka upang mas mahusay nating magampanan ang ating mga tungkulin. Bilang mga kadre at kasapi ng Partido dapat tayong ibayog magpakatatag at magsilbing gulugod sa paglaban sa rehimeng US-Marcos II. Mas maging mapangahas at mapanlikha tayong ipatupad ang ating mga responsibilidad. Gabayan natin ang masa upang maidirekta nila ang kanilang mga galit at kabiguan bunga ng tumitinding krisis tungo sa iisang kaaway, ang rehimeng US-Marcos II, na siyang tagapamandila ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo sa Pilipinas. Kamtim natin ang ibayong pagsulong at pagtibayin ang kapasyahan sa tuloy-tuloy na pagbagtas at pagsulong sa landas ng armadong rebolusyon!
MABUHAY ANG IKA-54 NA ANIBERSARYO NG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG MASANG NANININDIGAN AT LUMABALABAN!