Ilantad ang pakana ng AFP na gamitin ang mga usapan para sa usapang pangkayapaan para sa pasipikasyon
Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa malisyosyong misreprentasyon sa Oslo Joint Statement bilang isang deklarasyong naghahangad na wakasan ang rebolusyonaryong armadong pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa imbing hangarin na gamitin ito bilang pakana para sa pasipikasyon at panunupil.
Mahigpit na itinatakwil ng Partido at ng BHB ang pakanang saywar na ito ng AFP para hikayatin ang mamamayan at kanilang mga Pulang mandirigma na talikuran ang kanilang armadong paglaban, na magreresulta sa paghawan ng landas para sa ibayong higit na pasistang panunupil, pang-aapi at pang-aagaw ng lupa ng malalaking korporasyong multinasyunal at kanilang kasosyong malalaking negosyo.
Sa harap ng walang-hanggang terorismo ng estado na isinasagawa araw-araw ng AFP laluna sa kanayunan, higit na nagiging makatarungan at kinakailangan ang paglulunsad ng armadong pakikibaka. Ang paninindigan ng mamamayang Pilipino na tumangan ng armas ay pinaiigting sa bawat isang akto ng tiranya na ipinatutupad ng rehimeng US-Marcos sa pamamagitan ng armadong pwersa at pulis nito.
Sa atas ng kanyang mga tagapayong militar ng US, ibinabaling ni Gen. Romeo Brawner ang atensyon ng publiko sa mga katagang “ang pagwawakas sa armadong pakikibaka ang hahawan ng landas para sa transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP” na nakasaad sa Oslo Joint Statement habang sadyang hindi binabasa ang susing parirala na “pagresolba sa mga ugat ng armadong tunggalian” na nauuna rito. Nanangahulugan ito ng pagwawakas una sa lahat ng porma ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang nagpapakahirap at nagtatrabahong mamamayan na nagtutulak sa kanilang tumangan ng armas.
Kasama ng pekeng proklamasyong amnestiya na inilabas ni Marcos, ang Oslo Joint Statement ay iwinawasiwas ni General Brawner na para bang isa itong kasunduan sa kapayapaan gayong hindi pa nga nagsisimula ang aktawal na mga negosasyon. Ang mga gasgas nang taktikang ito sa saywar na panlilinlang at pasipikasyon ay hindi magtatagumpay. Itatakwil at tututulan ang mga ito ng mamamayan at ng rebolusyonaryong mga pwersa.
Sa higit 30 taon, ang PKP, BHB at ang NDFP kasama ang lahat ng rebolusyonaryng mga pwersang kinakatawan nito, ay tapat sa adhikain ng pagkakamit ng makatarungan at matagalang kapayapaan sa pamamagitan man ng negosasyong pangkayapaan o rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ang paglulunsad ng armadong pakikibaka at pagsusulong ng negosasyong pangkapayapaan ay nagsisilbi sa parehong layuning kamtin ang hangarin ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Ang kapayapaan–sa partikular ang makatarungan at matagalang kapayapaan–ay hindi lamang simpleng kawalan ng digmaan. Ang digmaan ay umuusbong sa kontradiksyon sa pagitan ng mga kahingian para sa hustisyang panlipunan at pambansang kalayaan ng mayorya ng mamamayang Pilipino, at mga patakaran ng reaksyunaryong sistemang nagsisilbi sa interes ng napakaliit na minorya ng malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa at dayuhang monopolyong mga kumpanya, at ipinatutupad sa pamamagitan ng brutal na kontrarebolusyonaryong dahas.
Ang digmang bayan ay inilulunsad para magpatupad ng tunay na reporma sa lupa para palayain ang masang magsasaka mula sa pyudal at malapyudal na pang-aalipin, at pambansang industriyalisasyon para wakasan ang ekonomikong tanikalang ipinapataw ng dayuhang mga bangko at monopolyo, para isulong ang siglo nang hangarin ng mamamayang Pilipino para sa tunay na pambansang kalayaan, para wakasan ang paghahari ng mga tirano at mang-aapi, at para magtayo ng tunay na demokratikong gubyerno ng mamamayan.
Ito ang parehong mga layunin ng NDFP sa pagharap sa GRP sa negosasyong pangkapayapaan para makamit ang mithi para sa makatarungan at matagalang kapayapaan.