Pahayag

Isang taon ng MO 32: Ibayong pagtindi ng lahatang-panig na pakikidigma ng mamamayan

Walang ibang idinulot ang isang taong pagpapatupad ng MO 32 kundi higit pang paglaganap ng karahasan at kaguluhang hatid ng AFP at PNP hindi lang sa Kabikulan at sa mga prubinsya ng Negros at Samar, kundi sa buong bansa. Sa halip, pinatunayan lang ni Duterte at ng AFP-PNP-CAFGU na sila ang tunay na kaaway ng mamamayan.
Isang taon makalipas, saksi ang mamamayan sa mga naging resulta: daan-daang mamamayang pinaslang at libu-libo pang biktima ng pang-aabusong militar at paglabag sa karapatan habang daan-daang komunidad ang nababalot sa ligalig hatid ng militarisasyon.  Daan-daan ding mga upisyal at LGU, kagawad ng midya at iba pang personahe at organisasyon ang biktima ng pambabanta at kontrol-militar. Daan-daang progresibo, demokratiko at makabayang mga indibidwal at organisasyon, kabilang ang iba pang oposisyon ang tinutugis at ginagawang kriminal. Bilyun-bilyong pondo ang linustay at kinurakot para sa mga pakulong engkwentro at operasyong militar at pulis, mga sapilitang pagpapasurender at pagpapalaganap ng mga pekeng impormasyon, para lang pagmukhaing nagtatagumpay sila sa kanilang panloloko.
Matapos ang lahat ng ito, hindi ba’t lalo pang nasadlak sa abang kalagayan ang masa? Nananatili pa ring isa sa mga pinakamahihirap na rehiyon ang Kabikulan, Negros at Samar. Naging tuntungan pa nga ang MO 32 upang patindihin ni Duterte ang kahirapan, kagutuman at kawalan ng lupa. Hindi kataka-takang bumilis pa nga ang pang-aagaw ng lupa at pagpasok ng malalaking kontra-mamamayang proyekto, at pagsagasa ng mga mapaminsalang patakaran sa agrikultura at kabuhayan tulad ng Rice Tariffication Law habang ginugulo ang kanayunan ng mga sustinidong operasyong militar. Sa tingin ba ng Joint Task Force Bicolandia ay naloloko nila ang masa ng mga programang tulad ng Retooled Community Support Program, outreach program, ECLIP, Serbisyo Caravan, Barangay Team Activities at iba pang paulit-ulit, kakarampot at mala-payasong pakonswelo-de-bobo habang lantarang ipinagkakait sa masa ang tunay nilang mga demokratikong hangarin?
Ito ba ang mga pigura at kalagayang dapat ipagpasalamat at tanawing utang na loob ng mamamayan sa pagpapatupad ng MO32 gaya ng pinalalabas ng 9th IDPA at Joint Task Force Bicolandia?
Bigo ang MO 32 na buwagin ang pagkakaisa at determinasyon ng mamamayan na tuluyang ibagsak ang rehimeng US-Duterte.Sa harap ng desperadong pasista at teroristang atake ng AFP at PNP, lumalim pa nga ang pagtitiwala ng masa sa kanilang lakas at sa BHB upang ipagtanggol sila sa mga teroristang tropa ng rehimeng US-Duterte.  Ang ihinahambog ng JTFB na pag-reactivate sa 22nd IBPA bilang maneuver battalion at pagbubuo ng Division Civilian Auxilliary Unit mula sa mga masang pinilit nilang mag-CAFGU ay desperadong pagbalasa ng kanilang pwersa upang palakasin ang kanilang pwersang pang-atake. Pilit nilang pinagtatakpan ang napalaking bilang ng kaswalting natamo ng kanilang pwersa mula sa patuloy at hindi humuhupang paglulunsad ng Bagong Hukbong Bayan ng mga taktikal na opensiba sa rehiyon.  Hindi pa kasama diyan ang daan-daan pang mga militar at pulis na umalis sa kanilang tungkulin dahil nasuklam sa kultura ng karahasan sa kanilang pinagsilbihang institusyon.
Gaanuman sagarin ang pagpapatupad ng MO 32 at iba pang pasistang hakbangin, hindi nito kailanman mabibigyang-tugon ang daan-taon nang hangarin ng mamamayan na makamit ang isang lipunang tunay na malaya at maunlad. Hindi maaapula ng MO 32 ang kapasyahan ng mamamayang maglunsad at ibuhos ang lahat ng kanilang suporta sa makatarungan at rebolusyonaryong armadong digma bilang tanging solusyon sa kanilang dinaranas na pang-aapi’t pagsasamantala.
Isang taon ng MO 32: Ibayong pagtindi ng lahatang-panig na pakikidigma ng mamamayan