Kaugnay sa pambobomba ng 84th IB at 703rd Agila Brigade sa Sityo Marikit noong Hunyo 20 ng hatinggabi: Tigreng Papel ang AFP

DOWNLOAD Walang labanan na naganap sa pagitan ng NPA at AFP ng Hunyo 20 ng hatinggabi hanggang madaling araw. Walang trenseradong kampo ng NPA sa lugar na kinakailangang bombahin, gamitan ng fighter plane, attack helicopters at drones.

Umaatungal na tigre ang AFP nang makakuha ng impormasyon na may NPA sa sityo Marikit, Barangay Abuyo, Alfonso Castañeda. Walang abog-abog na nilusob ng 84th IB at 703rd Brigade ng AFP ang lugar. Mula alas dose y medya ng hatingggabi (12:30am) hanggang ala una kwarentay singko ng madaling araw (1:45am) ay 8 beses na nagbagsak ng bomba, nagpakawala ng 2 rocket at nagpaulan ng bala mula sa himpapawid. Paghupa ng apoy mula sa kalangitan, saka sumugod ang mga kasundaluhan na walang patumanggang nagpaputok nang nagpaputok. Mga eksena itong sa pelikula lang mapapanood pero ginawang makatotohanan ng AFP sa paglustay ng pondo ng bayan sa isang gawa-gawang enkawnter.

Wala talagang balak ang AFP na ilikas ang mga sibiliyan bago simulan ang palabas. Halos kasabay lamang ng pagsabog ng bomba ang pagdating ng anim na trak ng AFP at 2 trak ng SAF. Dahil sa kaibuturan, ang mamamayan ang talagang target ng teroristang aktibidad na ito.

Saklaw ng 500 metrong paikot sa ginawang war zone ng AFP ay mga bukirin, taniman ng sili at mga gulay, sugahan ng mga hayop at bahayan ng mga residente ng Marikit. Kusang nagsibakwit ang masa nang bumagsak ang bomba.

Matapos ang palabas na engkwentro ay inokupahan ng AFP ang mga baryo ng Marikit, Abuyo, Balintugon, Galintuja sa Alfonso Castañeda; at Decoliat, Galintuja, at Delacay sa Maria Aurora. Ang teroristang aktibidad na ito ng AFP ay nagpapakita ng matinding pagkatakot ng AFP at ng naghaharing estado sa malawak at malalim na suporta ng masa sa NPA at sa rebolusyonaryong kilusan. Ito ay PAGBABANTA NG AFP sa MAMAMAYAN na bobombahin nila ang mga komunidad na kumakanlong sa NPA. PAGBABANTA ito ng AFP, maging sa lokal na opisyales ng barangay na tatargetin sila ng galit ng estado pag kumiling sila sa pulang kapangyarihan ng mamamayan kaysa makadayuhan at kontra-masa na militaristang paghahari ng rehimeng US-Marcos Jr. Layunin ng AFP na apulain ang nag-aalab na diwa ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Subalit ang mamamayan ng Aurora, Nueva Ecija, Nueva Viscaya at saanman sa buong bansa ay hindi mapapatahimik ng pandarahas at panlilinlang ng estado. Nakamulagat ang katotohanan na ibinebenta ng naghaharing estado ang soberanya ng bansa sa imperyalistang US. Tuloy-tuloy ang ekspansyon ng Delta East Alignment Road Project (DEARP) hanggang dulong Norte ng Luzon na sumasagasa sa libu-libong lupaing ninuno ng mga pambansang minorya sa Luzon at mga produktibong lupain ng masang magsasaka. Dagdag kalsada para sa mabilis na pagdambong sa likas na yaman ng bansa hanggang sa kasulok-sulokan. Dagdag airport, dagdag daungan para sa operasyon ng militar at dayuhang tropa ng imperyalistang US sa Silangan Gitnang Luzon. Ikukumbert ang APECO bilang military industrial zone para maging defense hub sa Silangang baybayin ng bansa. Gagamitin diumano ang APECO para sa Self-Reliant Defense Posture Program alinsunod sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng AFP na nakabalangkas sa pangkalahatang estratehiya ng US sa Asya Pasipiko.

Nagagawa ng AFP na sindakin, gulatin at takutin ang masa sa mga teroristang aktibidad nito gaya ng paggamit ng pambobomba at pagpapaputok mula sa himpapawid sa serye ng isinasagawa nitong focused military operations. Gayunman, ang pagkasindak, gulat at takot ay dagli at may hangganan. Lalo lamang nitong pinag-aalab ang makauring poot ng mamamayan sa malupit, korap, at makadayuhang paghahari ng rehimeng US-Marcos Jr.

Tigre mang umaatungal ang AFP, kumakawag naman sa takot ang buntot nito sa harap ng nakikibakang mamamayan.

Nananawagan ang CPP-NPA Gitnang Luzon sa lahat ng mamamayang nagmamahal sa tunay na kapayapaan at demokrasya na buklurin ang mahigpit na pagkakaisa para labanan ang teroristang lagim na hinahasik ng AFP sa mando ng rehimeng US-Marcos Jr. Imbestigahan ang overkill na pekeng engkwentro sa Marikit! Panagutin ang mga opisyal ng AFP at ang yunit nito na nagsagawa ng mapamuksang pambobomba sa komunidad ng populasyong sibilyan. Labanan at ibagsak ang rehimeng US-Marcos Jr!

Kaugnay sa pambobomba ng 84th IB at 703rd Agila Brigade sa Sityo Marikit noong Hunyo 20 ng hatinggabi: Tigreng Papel ang AFP