Pahayag
Kinakatakutan ng 9th ID ang ispontanyong pag-aalsa ng mamamayan
Sa pagsidhi ng panlipunang krisis dulot ng COVID-19, ibayong tumitindi ang galit ng taumbayan sa rehimeng US-Duterte at kawalang-kahandaan nitong harapin ang kumakalat na sakit. Ngunit habang nagkakandarapa ang manggagawang pangkalusugan sa kakulangan ng kagamitan, ang tanging solusyon ng rehimen ay ang mala-Batas Militar na panunupil sa pamamagitan ng lockdown, pagtatadtad ng checkpoint at higit na pagpapatindi ng presensya ng militar kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Sa pangambang magbunsod ito ng malawak na pag-aalsa upang papanagutin ang kanyang rehimen, idineklara ni Duterte ang unilateral ceasefire sa BHB.
Tumitindig at nakikiisa ang Romulo Jallores Commmand (RJC-BHB Bikol) sa mamamayang dumadaing para sa akmang solusyon sa pagkalat ng COVID-19 at sa libre at naaabot na serbisyong pangkalusugan. Sa kasalukuyan, ilinulunsad ng BHB ang malawakang kampanyang magpalaganap ng impormasyon hinggil sa COVID-19 parumbaryo. Kasabay nito ang patuloy na pagtataas ng antas ng mga organisasyong masa upang higit na mapaunlad ang kakayahang umasa-sa-sarili at hindi sumandig sa mga produkto ng dayuhan. Tanging sa ganitong pamamaraan mababawasan ang epekto ng anumang sakuna sa buhay at kabuhayan ng masang anakpawis.
Kailangang manatiling matatag ng mamamayang Pilipino sa panahong hinahambalos ng krisis pangkalusugan, pang-ekonomya at pampulitika ang bansa. Sa kagyat, dapat maging alerto ang mga komiteng pangkalusugan ng mga organisasyong masa sa mga sintomas ng COVID-19. Magtulungan upang panatilihin ang kalinisan at pataasin ang kamulatan ng taumbaryo hinggil sa COVID-19. Aktibong tumulong ang mga kooperatiba at grupong tulungan upang matugunan ang pangangailangan sa mga batayang suplay sa panahon ng lockdown.
Sa pangmatagalan, maglunsad ng malawakang kampanya upang ipalaganap ang programa ng NDFP at ang balangkas ng CASER bilang natatanging pangmatagalang solusyon sa pangkabuuhang krisis dulot ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan.
Sa mga panahong ito, pananatilihin ng BHB ang posturang aktibong depensa upang tiyakin ang kanilang kaligtasan at ng masang anakpawis mula sa mga patraydor na atake ng militar.
Serbisyong medikal, hindi militarisasyon!
Masang Bikolano, magkaisa at lumaban!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Kinakatakutan ng 9th ID ang ispontanyong pag-aalsa ng mamamayan