Lubos na kundenahin ang di makatarungang hatol laban kina France Castro, Satur Ocampo at iba pa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang hindi makatarungang hatol na maysala ng Tagum Regional Trial Court na ibinaba laban kay Rep. France Castro, dating Rep. Satur Ocampo at ilan pang indibidwal, ay tuwirang pag-atake ng pasistang rehimeng US-Marcos laban sa demokratiko at makabayang pwersa ng sambayanang Pilipino. Nakikiisa ang Partido sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa lubos na pagkundena sa masahol na pampulitikang pag-uusig na ito.

Isang malubhang kaso ng pagbaluktot sa pulitika at kasaysayan na sina Castro, Ocampo at iba pa ay pinalalabas na mga kriminal para sa pagliligtas at pagkanlong sa mga batang Lumad Manobo at kanilang mga guro sa harap ng mga pag-atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa kanilang komunidad noong 2018. Ang pananakop ng militar sa mga barangay ng Talaingod ay isinagawa sa direktang utos mismo ng noo’y pangulong Duterte na isara ang mahigit 200 paaralang pangkomunidad ng Lumad, na sinasabing bahagi ng programang pang-edukasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan para sa mga komunidad ng Lumad. Nananatiling nasa ilalim ng paghaharing militar ang mga baryo ng mga Lumad sa Talaingod at maraming iba pang bayan sa Mindanao.

Ang paghatol ay malinaw na unang bugso ng pag-atake ng pasistang rehimeng Marcos laban sa Makabayan, na koalisyon ng patriyotiko at demokratikong mga partido, na nagpahayag kamakailan ng mga planong magpatakbo ng mga kandidato para sa senado sa darating na halalan. Bahagi ito ng pangkalahatang kampanya ni Marcos na busalan ang boses ng pagtutol ng bayan. Tiyak na bubwelta ito sa rehimeng US-Marcos dahil lalo lamang nitong pinupukaw ang galit ng masa ng sambayanang Pilipino na dumaranas ng matinding pang-aapi, pagsasamantala at pampulitikang panunupil sa ilalim ng kanilang paghahari.

Lubos na kundenahin ang di makatarungang hatol laban kina France Castro, Satur Ocampo at iba pa