Lupa sa nagbubungkal!
Umasa at nanalig sila na magkakalupa sa bisa ng CARP. Umasa at naghinay sila na maibigay ang kanilang karapatan sa lupa. Pero makaraan ang halos dalawang dekada, sa kulungan ng Conception, Tarlac ang kanilang kinahantungan.
Sila ang mga magsasaka sa dating Hacienda Tinang. Sila ay mga lehitimong benepisyaryo ng CARP na inisyuhan na ng CLOA noon pang 1995. Subalit sa pamamagitan ng maniobrang legal at pandarahas, nanatili sa kontrol ng panginoong maylupa ang 200 ektaryang lupain.
Kasama ang mga makabayang artista, manunulat at mga estudyante ay mapayapa silang nagtipon noong ika-10 ng Hunyo. Sa mismong anibersaryo ng CARP, sama-sama nilang binungkal ang wala pa sa dalawang porsyento ng lupang dapat ay mapasakamay nila. Pero 160 sa kanila ay hinuli at ikinulong ng PNP-Concepcion. Agad ding rumisponde ang tropa ng 3rd Mechanized Infantry Battalion ng Philippine Army na kilala sa mahabang rekord nito ng marahas na pagpapalayas sa mga magsasakang nagbubungkal ng lupa sa Hacienda Luisita at sa iba pang panig ng Tarlac at Zambales. Hindi rin nagpahuli sa eksena ang NTF-Elcac.
Damage to property at malicious mischief ang ikinaso sa mahigit pang 90 na magsasaka at tagasuporta nila. Ang iba ay nagawan lang ng paraan ng mga tagasuporta nila para agad na makalaya.
Inilatad ng pangyayari sa Tinang ang makauring interes na nasa likod ng pasistang panunupil ng estado—ipagtanggol ang interes ng uring panginoong maylupa at iba pang mapagsamantalang uri. Ito rin ang nasa likod ng mga red tagging, pagdukot, pamamaslang, pagwasak sa organisasyon ng mamamayan. Nais ng reksyunaryong estado na alisan ng kakayahan ang mamamayan na magtanggol at maggiit ng kanilang karapatan sa harap ng papatinding pagsasamantala at pang-aapi ng mga naghaharing-uri.
Pinatutunayan ng pangyayaring ito ang pagiging hungkag at mapanlinlang ng maka-panginoong maylupa na batas sa reporma sa lupa ng esatdo.
Nananatili ang monopolyo sa lupa! Lumulubha ang kawalan ng sariling lupang sinasaka ng uring magsasaka! Ang estado at mga batas nito ay mapanlinlang at mapanupil sa masang magsasaka!
Nananawagan ang PKP at BHB-Gitnang Luzon sa masang magsasaka sa buong kapuluan na gawing inspirasyon at tularan ang kapursigihan ng magsasaka sa Tinang na igiit ang karapatan sa lupa sa pamamagitan ng tuwirang pagbubungkal.
Sa pamamagitan lamang ng armadong pagbabagsak sa reaksyunaryong estado matatamasa ng uring magsasaka ang kanilang makauring interes—ang pagwasak sa monopolyo sa lupa at libreng pamamahagi nito sa lahat ng nagbubungkal. Sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyong bayan, naisasakatuparan ang pangarap ng bawat magsasaka ng pagkakaroon ng sariling lupang binubungkal, at batay sa nagkakaisang lakas ay napagtatagumpayan ang mga reporma laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala.
Pinagtitibay ng pangyayari sa Tinang ang kawastuhan ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon.
Magsasakang api, baliktarin ang tatsulok. Tulad ninyong dukha ang ilagay sa tuktok. Ibagsak ang estadong pinaghaharian ng uring panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador. Lumahok sa digmang bayan. Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!